Martes, Agosto 12, 2014

Chino Roque: Kauna-unahang Filipino Astronaut


Chino Roque. (Kuha mula sa AXE Philippines)
Marami ang nangangarap na maging astronaut at malibot ang kalawakan ngunit kakaunti lamang ang pinapalad na marating rito. Dalawa sa pinakakilala ay sina Neil Armstrong at Buzz Aldrin na kauna-unahang astronauts na nakapaglakad sa buwan noong 1969 Apollo 11 space mission, isang makasaysayang pangyayari sa mundo.

Ilan dekada ang nakalipas, isang Pilipino na kinilalang si Chino Roque ang pinalad na mapasama sa grupo ng 23 katao na maglalakbay sa kalawakan sakay ng XCOR aerospace’s Lynx spaceplane na nakatakdang umalis sa taong 2015.

Puspusan ang paghahanda ng 23-taong-gulang na si Roque para sa pinakahihintay niyang pagkakataon na makalibot sa kalawakan sa susunod na taon. Isang psychology graduate mula sa De La Salle University at isang Crossfit trainer, isa si Roque sa 23 nanalo sa AXE Apollo Space Academy (AASA) space camp na ginanap noong 2013.

Ilang buwan matapos manalo sa naturang patimpalak ay tuluy-tuloy si Roque sa pag-eensanyo at pagkundisyon sa sarili -- sa aspetong pisikal, mental, emosyonal at ispirtiwal – sa pamamagitan ng Crossfit, Bikram Yoga, at pag-alam ng mga impormasyon na makakatulong sa gagawing space trip.

Isang pagkilala

Nito lamang Hulyo ay nagkaroon ng maternal clan reunion ang pamilya ni Roque sa Torrance, California na nagsilbi na rin despedida party para sa first Filipino astronaut. Sa naturang reunion na dinaluhan ng 160 kamag-anak na ang iba ay galing pa sa Europe at Middle East, nadama ni Roque ang labis na pagkatuwa at pagmamalaki ng kanyang pamilya sa kanyang naging tagumpay.

Sa katunayan, binigyan ng parangal si Roque ng kanyang tiyuhin na si Elito Santarina na siyang Mayor Pro tempore ng Carson, dahil sa kanyang pagkakapanalo sa space camp sa halos 100 katao na sumailalim sa mga pagsubok.

Hindi rin napigilan ng ilang mga kamag-anak ni Roque na magpakuha ng litrato at magpa-autograph sa larawan nito kasama si Buzz Aldrin, ang ikalawang astronaut na nakatungtong sa buwan at ang committee chairman ng AASA Space Camp.

Kinatawan ng Pilipinas

Dumaan sa butas ng karayom si Roque para makuha ang pagkakataon na makalibot sa kalawakan. Tinatayang 28,000 applicants ang sumali sa hamon na ito ng AXE Philippines kung saan 400  lamang ang pinalad hanggang sa naging 50. Mula sa 50 aplikante, tatlo ang napili na makapunta sa Florida camp matapos nilang makapasa sa mga pagsubok. Nagtungo sa Kennedy Space Center si Roque kasama ang dalawa pang Pinoy na kalahok na sina Evan Ray Datuin at Ramil Santos.

Kasama ang tatlo sa 107  kalahok mula sa 60 bansa na dumaan sa iba’t ibang physical tests at simulated launch orbit at re-entry situations tulad ng zero gravity, air combat at G-Force. Hinati-hati ang mga kalahok sa ilang grupo na pinangalanang Apollo, Genesis, Discovery, Enterprise, Hubble at Atlantis.

Sa 107, isa si Roque sa 23 kalahok na makakasama sa naturang space craft. Hindi naman pinalad ang dalawa pang Pinoy. Ang hakbang na ito ng AASA ay may layunin na ilunsad ang commercial space travel sa 2015. Upang makasama at makasakay ang isang sibilyan sa spacecraft ay kailangan muna nitong magbayad ng US$100,000 o humigit-kumulang sa Php4.3 milyon.

Kaya para kay Roque, isa itong natatanging oportunidad na hindi niya makakalimutan sa buong buhay niya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento