Linggo, Agosto 31, 2014

‘Rurouni Kenshin: Kyoto Inferno’ – Ang Ikalawang Hirit

Ni Herlyn Alegre at Jovelyn Javier


Ang “Rurouni Kenshin,” mas kilala sa Pilipinas bilang “Samurai X,” ay orihinal na nagsimula bilang isang popular na manga sa Japan na isinulat ni Nobuhiro Watsuki at inilathala mula 1994-1999 sa Shonen Jump. Ipinalabas ang anime version nito na binubuo ng 95 episodes mula 1996-1998. Noong 2012, ginawa itong pelikula na dinirek ni Otomo Keishi at pinagbidahan ni Sato Takeru bilang Kenshin. Kasami rin dito sina Takei Emi bilang Kaoru, Munetaka Aoki bilang Sanosuke, Yu Aoi bilang Megumi, Tanaka Taketo bilang Myojin Yahiko at Eguchi Yosuke bilang Saito.

Ngayong Agosto ay ipinapalabas ang pangalawang pelikula nito, ang “Rurouni Kenshin: Kyoto Inferno” kung saan kasama sa cast si Maryjun Takahashi, isang half-Japanese, half-Filipino na actress at modelo, bilang Komagata Yumi. Ang ikatlong bahagi ng pelikula, “Rurouni Kenshin: The Legend Ends,” ay ipapalabas ngayong Setyembre.

Ang Pagtanggap sa Unang Pelikula

Unang ipinalabas ang “Rurouni Kenshin” noong Agosto 25, 2012 sa Japan. Kumita ito ng higit $36M sa Japan lamang at higit $60M sa buong mundo. Ipinalabas din ito sa iba’t ibang bansa sa Asya, Europa at Amerika.

Ang Kwento ni Kenshin

Sa unang pelikula ipinakita kung paano tinalikuran ni Kenshin, isang bihasang assassin, ang pagpaslang. Matapos siyang maging bahagi ng isang digmaang nagpabagsak sa shogunate at nagbibigay-daan sa isang bagong era sa kasaysayan ng Japan, ang Meiji Period.
           
Sa ikalawang bahagi ng pelikula, ipinakita kung paanong namumuhay ng tahimik si Kenshin kasama ang mga kaibigan niya sa Kamiya Dojo. Hindi nagtagal ang kapayapaang ito dahil ipinatawag siya ng isang opisyal ng gobyerno para sa isang espesyal na misyon – ang pumunta sa Kyoto at harapin si Shishio, isa ring dating assassin na ngayon ay nagbabalak na pabagsakin ang gobyerno.

Kasaysayan at Pop Culture

Ang Rurouni Kenshin ay nagsimula bilang manga, naging anime at ngayon ay pelikula na. Isa itong halimbawa ng mayamang pop culture ng Japan. Naililipat nila sa iba’t ibang genre ang isang kwento. Isa sa kagandahan ng kwentong ito ay ang pagiging grounded sa kasaysayan ng mga kaganapan dito. Historical ang setting pero fictional ang plot. Ang Meiji Period, kung saan naka-set ang kwento ay isa sa pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng Japan dahil ito ang panahon kung kailan nagsimulang magbukas ang Japan sa impluwensiya ng Kanluran. Mainit na naipakita ng kwento ang maraming mga magkakalabang ideolohiya na nagbubungguan, mga paniniwala at prinsipyo na ayaw isuko at bitawan. Naging behikulo ang pop culture para ipakita ang mensahe na nakapaloob sa kwento at hindi lamang ito naibahagi sa mga manonood sa Japan kung hindi sa mga nasa ibang bahagi pa ng mundo.

Pagbisita sa Pilipinas

Dumating kamakailan sa bansa ang tatlo sa main cast ng Rurouni Kenshin movies na sina Sato Takeru (Himura Kenshin), Takei Emi (Kamiya Kaoru), Aoki Munetaka (Sagara Sanosuke) at ang kanilang direktor na si Otomo Keishi para sa ginanap na Asian Premiere ng Rurouni Kenshin: Kyoto Inferno, ang pangalawang pelikula sa three-part live action film adaptation ng popular na anime at manga na Rurouni Kenshin mula sa panulat at ilustrasyon ni Watsuki Nobuhiro.

Personal na pinili ng Warner Bros. Japan ang Manila para pagdausan ng kauna-unahang Asian Premiere sa isang Japanese movie, bilang pagkilala sa napakagandang record na naitala ng unang pelikula na ipinalabas noong 2012 dito sa bansa. Ani William Ireton, presidente and representative director ng Warner Entertainment Japan, mahalaga ang Philippine market para sa Rurouni Kenshin franchise at ang pagbisita ng cast at direktor ay magandang pagkakataon para personal na makasalamuha at magpasalamat sa suporta ng mga masugid na tagahanga ng Rurouni Kenshin.

Dalawang araw ang naturang event, kung saan ginanap sa SM Megamall ang red carpet procession at premiere ng pelikula at sinundan ng public press conference sa Glorietta Activity Center ng sumunod na araw.

Mainit silang sinalubong ng mga fans sa pagdating nila sa SM Megamall at kitang-kita ang kanilang pagkamangha sa malaking suporta ng mga Pinoy. Unang bumati sa mga fans si Aoki Munetaka nang sumigaw siya ng “Magandang gabi po!” na siyang nagpalakas lalo ng hiyawan. Hindi rin naman nagpahuli si Takei Emi sa pagsasalita ng Tagalog gaya ng “Mahal ko kayo” at “Salamat po.” Sobrang ikinatuwa naman ng mga fans nang magpakilala si Sato Takeru sa Tagalog, “Kumusta? Ako po si Sato Takeru. Masaya ako, nagkita tayo.” 

Bago matapos ang press con, isang malalim na sagot ang binigay ni Sato Takeru patungkol sa magandang aral na makukuha ng mga tagapanood, lalo na sa mga hindi pamilyar sa kwento nito.
People would say to just forget the past and move on. But in my case, I feel how Kenshin is, how he still lets his past influence his life. I feel that it's also very admirable that he still remembers and looks back to his past and tries to live a better life based on that past. And for me, hopefully everyone could also learn that way of looking at the past, living and moving forward.
Natapos ang press conference sa positibong mensahe ni Sato Takeru. “I hope that RK will pave the way for more Japanese movies in the Philippines, with that I hope I can come back again. Looking forward to meeting all of you again. Thank you so much for coming today.” 
Pinarangalan din sila ng Makati City Council bilang cultural friendship ambassadors sa pag-uugnay nila ng kulturang Japanese at Pinoy sa pamamagitan ng Rurouni Kenshin.
Base ang dalawang sequels sa Kyoto Arc ng sikat na manga at naka-sentro sa pagharap muli ni Kenshin sa isang malaking hamon at ang posibleng pagbalik niya sa dating buhay bilang isang “hitokiri” (assassin) dahil sa nagbabadyang panganib sa Japan mula sa isa ring “hitokiri” na si Shishio Makoto.
Palabas na sa ‘Pinas ang Rurouni Kenshin: Kyoto Inferno nitong Agosto 20 at sa Setyembre 24 naman ang Rurouni Kenshin: The Legend Ends.
Tampok din sa dalawang pelikula sina Iseya Yusuke (Shinomori Aoshi), Aoi Yu (Takani Megumi), Tanaka Min (Kashiwazaki Nenji), Eguchi Yosuke (Saito Hajime), Fujiwara Tatsuya (Makoto Shishio), Kamiki Ryunosuke (Seta Sojiro) at marami pang iba.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento