Lunes, Agosto 4, 2014

‘Damo Nga Salamat’ concert naging matagumpay

Ni Florenda Corpuz

Kuha ni Din Eugenio

TOKYO, Japan – Naging makulay at puno ng kasiyahan, kantahan, sayawan at kainan ang naganap na pagdiriwang ng Filipino community sa ika-116 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Daan-daang lider at miyembro ng Philippine Assistance Group (PAG) at iba’t ibang organisasyon kasama ang mga opisyales at tauhan ng Embahada sa pangunguna ni Ambassador Manuel M. Lopez at kanyang maybahay na si Madame Maria Teresa L. Lopez ang pumuno sa Sun Pearl Arakawa noong Hunyo 14.

Nakisaya ang lahat ng dumalo sa thanksgiving concert, na pinamagatang “Damo Nga Salamat,” upang gunitain ang kasarinlan ng Pilipinas at pasalamatan ang mga tumulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban City at iba pang lugar sa kabisayaan.

Sa kanyang welcome speech, pinasalamatan ni Lopez ang Japan, mga mamamayan nito pati na rin ang mga Pilipinong nakabase sa bansa para sa tulong na kanilang ipinahatid sa mga biktima ng bagyong Yolanda na tumama sa Pilipinas noong nakaraang taon.

“Kami po ay lubos na natutuwa dahil kitang-kita po namin ang pagmamalasakit ninyo sa ating mga kababayan. I hope you will continue to pray and remember the victims of the typhoon, as we all know rebuilding lives and communities certainly take a long time,” ani Lopez.

Nagtanghal sa selebrasyon na may temang, “Damo Nga Salamat,” ang wika ng pasasalamat sa diyalekto ng mga taga-Tacloban, ang Beatles-inspired band mula Tacloban City na REO Brothers na biktima rin ng bagyong Yolanda. Tinugtog ng apat na magkakapatid na sina Reno, Ron Joseph, Raymart at Ralph Evasco Otic ang mga sikat na awitin ng The Beatles at Beach Boys pati na rin ilang Pinoy hits na talaga namang nagpaindak sa mga manonood.
           
Kumanta rin sa pagdiriwang ang Japan-based Pinay jazz singer na si Charito kasama ang kanyang banda.

Nakisali rin sa kasiyahan ang dating AKB48 member at half-Filipino, half-Japanese na si Sayaka Akimoto.

Hinarana naman ng grupong FilCom Chorale ang mga manonood sa pangunguna ni Dr. Mel Kasuya.

Matapos ang thanksgiving concert ay nagkaroon ng isang reception kung saan pinagsaluhan ng mga bisita na binubuo ng ilang Japanese parliamentarians, ASEAN Diplomatic Corps, Foreign Ministry officials, Japanese businessmen at mga pinuno ng iba’t ibang organisasyon sa Filipino community ang mga paboritong pagkaing Pinoy tulad ng adobo, menudo, pansit at relyenong bangus.

Ipinahatid naman ni Nobuteru Ishirara, Minister of the Environment, ang pagbati ng pamahalaang Hapon sa pagdiriwang ng anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento