Huwebes, Agosto 7, 2014

Pagpapatupad ng batas

Ni Al Eugenio

Isang batang mag-aaral ang nakitang may kinupit sa convenience store sa isang lugar dito sa Tokyo. Bagama't nais nitong bayaran ang kanyang kinupit matapos siyang mahuli, tumawag pa rin ng pulis ang manager ng tindahan upang ipaalam ang ginawa ng menor de edad.

Para sa mga Hapon, hindi maaaring palampasin ang ganitong asal ng sinuman kahit na gaano man kaliit ang kinupit, ito ay isa pa ring pagnanakaw. Hindi pinag-uusapan ang halaga ng kinuha, kung hindi ang pagkatao at ang magiging problema nito sa lipunan. Kung pababayaan at patatawarin na lamang ang mga gumagawa ng ganitong pagnanakaw, hindi magkakaroon ng takot at kahihiyan ang karamihan na gagawa ng ganito. 

Mahigpit ang bansang Japan pagdating sa pagpapatupad ng kanilang mga batas. Tulad halimbawa ng batas trapiko, kapag may nahuli ay malaki ang babayarang multa bukod pa sa ibabawas na puntos sa kanilang mga lisensya. Ang tumanggap ng pera o suhol ay wala sa kaugalian ng mga awtoridad. Ang tumanggap ng pera o kaya naman ay regalo mula sa mga mamamayan ay maaaring maging dahilan nang pagkatanggal nila sa kanilang trabaho.

Dito sa Japan, malaki ang pagpapahalaga ng mga Hapon sa pagkatao ng bawat isa. Inaalagaan nila itong mabuti na huwag magkaroon ng bahid na maaaring ikahiya nila sa lipunan at sa mata ng mga taga-ibang bansa. Pinapanatili nila ang kaayusan ng bawat antas ng lipunan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng kanilang mga batas ng walang kinikilingan at higpit na hindi pinaiiral ang awa. Naniniwala sila na ang pagtupad sa mga batas ang tamang paraan upang maging maayos ang lipunan.
           
Halimbawa, sa problema ng ipinagbabawal na gamot, bagama't  hindi naman bitay agad ang parusa sa mga nahuhuling may kaugnayan dito, mahigpit ang kanilang mga batas na siguradong may paglalagyan ang sinumang mahuhulihang may dala nito. Sa mga bansang tulad ng China, Malaysia at iba pa, kamatayan ang parusa sa  sinumang lumabag sa mga pagbabawal na ito.

Kung ihahambing natin ang ating bansa sa kanila, marami rin tayong magagandang batas na makakatulong upang maging maayos sana ang ating lipunan.  Subalit, dahil na rin sa maraming kaugalian na ating nakagisnan, marami sa ating mga batas ay nananatiling mga batas na lamang na hindi lubusang naipapatupad.

Maraming dahilan kung bakit ang Pilipinas, sa napakatagal ng panahon,  ay nananatiling isang bansang nasa ilalim pa rin ng kategoryang developing country. Ang mga Pilipino ay likas na palakaibigan, mapagbigay, maunawain at hindi mahirap pakiusapan. Dahil sa mga kaugaliang ganito,  marami ang nananamantala.

Madalas, kahit na napakalaki na ng nagawang kasalanan sa bayan ay napapawalang-sala pa rin at kapag lumaon ay tuluyan na ring nalilimutan. Katulad na lang halimbawa ng nakaraang 20 taon ng pananamantala ng rehimeng Marcos sa ating bayan,   ang marami sa mga mamamayan ngayon ay halos wala ng alam. Hindi kasi pinahahalagahan ang ating mga kasaysayan.

Ang ugali natin na madaling makalimot sa mga pangyayaring nagbigay ng malaking problema sa ating mga nakaraan, ay isa rin sa mga dahilang nakakapigil sa tuluyang pag-unlad ng ating bayan. Hindi natin masyadong ikinababahala ang mga implikasyon ng ating mga ginagawa. Tulad halimbawa ng ating paulit-ulit na pagkakamali sa pagpili ng mga magpapalakad ng ating pamahalaan.

Ipinagsasawalang-bahala ng marami sa atin kung ang mga manunungkulan ba ay makakagawa ng mga pagbabago upang maiangat ang uri ng pamumuhay ng nakararami sa ating lipunan. Sadya lamang kaya na hindi tayo gaanong seryoso sa pagmamahal sa ating bansa at mga kababayan? Mas pinapahalagahan natin ang pagiging makasarili. Hindi tulad ng marami sa ating mga karatig-bansa, sa Pilipinas, ang magkaroon ng pagkakaisa ay parang isang malabong pangarap na lamang.

Sa ibang bansa, tulad ng Korea, China at dito sa Japan, hindi nila basta-bastang kinakalimutan ang kanilang mga nakaraan. Pilit silang gumagawa ng paraan upang ang mga panahong iyon ay manatili sa isipan ng kanilang mga mamamayan. Para sa mga bagong henerasyon, nagtatayo sila ng mga bagay na makapagbibigay ng alaala upang hindi malimutan ang kanilang mga kasaysayan.

Ang mga pamamaraang ganito ang nagbibigay sa kanila ng mga bagong pananaw na maaari nilang pagbasehan sa kanilang pagsulong patungo sa makabagong uri ng pamumuhay. Pinag-aaralan nilang mabuti ang kanilang mga pagkakamali, pati na rin ang kanilang mga tagumpay. Dahil sa kanilang mga karanasan, hindi nila ipinagsasawalang bahala ang kanilang mga batas at isinasaayos ang kanilang mga nakaugalian.

Ang mga ganito nilang pananaw ay matagal na nilang inumpisahan. Mayroon nang mahigit na 60 taon mula ngayon.  Noong mga panahong iyon, matapos ang pangalawang digmaan, isa ang Pilipinas sa mga bansang kanilang kinaiinggitan. Ang magkaroon ng kamote sa hapag kainan ay masaya na kung mayroon man. Hanggang noong 1980's, bihirang-bihira sa Korea ang nakakatikim ng saging at mga laman-dagat na kung tawagin ay isda. Para lamang sa eksportasyon ang mga nahuhuling isda upang may pumasok na dolyar sa kanilang bansa. 

Ang komunistang China naman noon, dahil sa sila ay nakabukod sa karamihan ng mga bansang demokratiko, ay matagal na nagtiis ng kahirapan. Mula lamang noong mga 1980's,  nang magkaisa ang ilang bansa sa pangunguna ng Japan na bigyan ng hanapbuhay ang kanilang mamamayan,  sila ay hindi na napigil, at sa ilalim ng mahigpit at seryosong panunungkulan, ay nakamit ng China ang pagiging pangalawa sa pinakamauunlad ang ekonomiya sa buong mundo.


Sa panahong ito, nasaan na tayong mga Pilipino? Makalipas lamang ang 30 taon,  ang ilang sa mga bansang mas mahirap pa sa atin noon ay mayayaman na ngayon. Maayos ang kanilang lipunan at iginagalang ang kanilang mga mamamayan. Dahil sa seryoso at mahigpit na pagpapatupad ng kanilang mga batas,  nagawa ng kanilang pamahalaan na maisagawa ang mga kinakailangang hakbang upang maisulong ang kaunlaran sa kanilang bayan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento