Kuha mula sa Malacanang Photo Bureau |
Binuksan
na ng religious group na Iglesia ni Cristo ang Philippine Arena, na itinayo sa
50-ektaryang lupain sa Bocaue, Bulacan na kanilang tinawag na Ciudad de
Victoria o “City of Victory” kamakailan.
Ang
Philippine Arena ang tinagurian ngayon na pinakamalaking indoor arena sa buong
mundo na mayroong kapasidad na 55,000-seat --- dalawang beses na mas malaki sa
Mall of Asia Arena na kaya ang 20,000-seat at tatlong beses na mas malaki sa
Smart-Araneta Coliseum na may kapasidad na 18,000-seat.
Mas
malaki rin ito sa ilang popular na arena sa ibang bansa gaya ng Madison Square Garden
ng New York City (20,000), Staples Center ng Los Angeles (21,000) at O2 Arena
ng London (20,000).
Umabot
sa humigit-kumulang sa $200 milyon o P7.8 milyon ang gastos sa pagpapatayo ng
Philippine Arena na dinisenyo ng Popolous, ang grupo na nagdisenyo ng O2 Arena
at itinayo ng Korean construction firm na Hanwha Engineering and Construction
Corp.
Sentro
ang Philippine Arena ng ika-100 anibersaryo ng Iglesia ni Cristo na ngayon ay
pinamumunuan ni Ka Eduardo Manalo.
Sa
naganap na inagurasyon, humigit-kumulang sa 55,000 miyembro ng Iglesia ni
Cristo ang dumagsa sa Philippine Arena sa Bocaue upang makita sa unang
pagkakataon ang naturang imprastruktura at saksihan ang pagbubukas nito.
Dumalo
sa naturang pagdiriwang si Pangulong Benigno Aquino III kasama ang ilan pang
opisyal ng gobyerno. Sa kanyang ibinigay na talumpati, sinabi ng Pangulo na ang
pagbubukas ng Philippine Arena ay isang simbolo ng maganda at matibay na
pagsasamahan ng Iglesia bilang isang pamilya at komunidad.
“Kongkretong
patunay nga po ang paglulunsad ng Ciudad de Victoria sa diwa ng pagkakaisang
nangingibabaw sa Iglesia ni Cristo. Naipatayo ito mula sa buong-pusong paghahandog
ng inyong mga kasapi, kaakibat ang hangaring makatulong sa mabubuting gawain at
misyon ng Iglesia. Patunay din po ito sa tayog ng mithiing kayang maabot ng mga
Pilipino, at sa kakayahan nating makipagsabayan sa buong mundo,” ani Aquino.
Pinasaringan
din ni Aquino ang ilang kritiko ng kanyang gobyerno sa gitna ng kontrobersiyang
kinasasangkutan nito hingil sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
“Mayroon
pong iilan na anuman ang gawin ko, gaya ng pagdalo rito, ay maghahanap pa rin
ng puwedeng ibatikos. Paalala ko lang sa kanila: Kung kapwa ko Kristiyano,
tungkulin nating magmahalan sa ngalan ng Panginoon, sa halip na maghasik ng
agam-agam at ‘di-pagkakaunawaan.”
Ayon
sa pamunuan ng Iglesia, bukas sa iba’t ibang organisasyon – lokal man o
international – basta’t gagamitin ang Philippine Arena nang naaayon sa mga aral
sa Bibliya at kabutihang asal.
Wala
rin kunkretong sagot ang Iglesia sa tanong kung papayagan nilang ipagamit sa
ibang religious group ang Philippine Arena.
“We
reserve the right to determine what kinds of activities will be held here based
on wholesome Christian principles and values that our church upholds,” pahayag
ni Iglesia ni Cristo evangelist Bro. Bienvenido Santiago, Jr. sa isang panayam.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento