Martes, Agosto 5, 2014

Japan, inalis ang pagbabawal sa collective self-defense


Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa Prime Minister's Office of Japan
TOKYO, Japan – Pormal nang pinagtibay ng ruling coalition ng Japan ang panukalang resolusyon ng pamahalaang Abe na alisin ang pagbabawal sa “right to collective self-defense” ng bansa.

Sa isang pulong, inaprubahan ng mga miyembro ng ruling coalition ang bagong national defense policy kung saan muli nilang ipinaliwanag ang Konstitusyon at pinayagan ang paggamit ng collective self-defense na magbibigay kapangyarihan sa militar na depensahan ang mga kaalyadong bansa na nasa ilalim ng pag-atake kahit na hindi ang Japan ang target.

“Based on a strong coalition that has overcome many hardships over the years, the Liberal Democratic Party (LDP) and New Komeito have always conducted thorough discussions even on issues over which our opinions differed, and have made major achievements for the nation and the people. I would like to express my deep respect to everyone who took part in the discussions for your strong sense of mission and responsibility,” pahayag ni Prime Minister Shinzo Abe sa isang briefing.

Ang hakbang na ito ng pamahalaang Abe ay palatandaan ng malaking pagbabago sa self-defense rules ng bansa na itinakda ng pangkapayapaang Konstitusyon nito matapos ang World War II.

“We will secure the lives and peaceful livelihood of the Japanese people under any situation. It was with that determination that today a Cabinet decision was taken on the basic policies for developing new security legislation. This Cabinet decision is the result of discussions repeatedly held in the ruling parties on what should be done under the current Constitution to protect the Japanese people for any situations that could actually occur,” dagdag ni Abe.

Matatandaang mahigpit na ipinagbabawal ng Artikulo 9 ng Konstitusyon ang digmaan kung saan nakasaad ang pagbabawal sa paggamit ng collective self-defense ng bansa.

Samantala, sinalubong naman ng protesta ang desisyon na ito ng pamahalaang Abe. Libu-libong demonstrador ang nagpahayag ng pagtutol sa hakbang na ito malapit sa tanggapan ng punong ministro. Bitbit ng mga raliyista ang mga poster at banner habang sumisigaw ng “We’re against war,” at “No more Abe.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento