Ni
Rey Ian Corpuz
Isang malaking suliranin ng bansang Hapon ang
kaliwa’t kanang pang-aapi lalo na sa mga pampublikong paaralan. Marahil kahit
saang sulok ng mundo ang pang-aapi o “pambu-bully” ay bahagi na ng kultura. Maraming
mga kabataang hindi kinakaya ang ganitong klaseng pagsubok kung kaya’t may
ilang bilang na nagpapakamatay upang takasan ito.
Alam ng lahat na malaki ang kakulangan ng
kanilang populasyon at nababawasan pa ng lalo dahil sa suliraning sosyal sa mga
paaralan. Kahit sino ay nagiging biktima, mayaman man o mahirap. May problema
man sa pamilya o wala.
Isa sa mga lugar kung saan nagaganap ang
pambu-bully ay sa mga paaralan. Ang pang-aapi ng mga kabataan sa kanilang mga
kamag-aral ay nag-uugat sa maraming kadahilanan. Unang-una, marahil kulang sa
atensyon ang bata. Sa sobrang abala ng kanilang mga magulang sa pagtatrabaho, ay
iyon lamang ang paraan upang sila ay mapansin.
Kalimitan ang pang-aapi na nagaganap sa mga
paaralan ay nag-uugat kung sino ang naiiba. Halimbawa, matalino ang bata at
siya ang parating nakakasagot sa klase o mataas ang marka. Dala na rin ng
inggit ay pwedeng pagkaisahan ng grupo ng mga bata ang kanilang kaklase. Maaari
rin na ang nang-aapi ay naiinggit dahil salat sa personal na kagamitan. Sa
pampublikong paaralan ay paminsan-minsan nagpapayabangan ng mga bagong “game
titles” o mga usong gamit.
Samu’t sari ang ugat ng pang-aapi sa paaralan
pero ang nauuso kamakailan ay ang pagpapakalat ng mga “chismis” laban sa isang
bata sa cellphone application na “LINE.”
Ito ay isang messenger application kagaya ng “Yahoo Messenger” at “Skype” na kung saan libreng makakapagpalitan ng mensahe at
tawag. Nauuso ito lalo na sa mga kabataan dahil libre, at “kawaii” ang mga icons nito.
Hindi na bago ang pang-aapi sa henerasyon ng Internet. Nariyan ang “2Channel” na kung saan maraming mga
Hapon ang nagpapahayag ng kanilang mga ayaw sa isang tao o isang kumpanya. Ang LINE kamakailan ay nagiging mainit na
paksa ukol sa pagsugpo ng pang-aapi lalo na sa paaralan. Ang Kagawaran ng
Edukasyon sa Japan ay nagpalabas ng guidelines na kung saan nakasaad ang mga
panganib na naidudulot ng ganitong uri ng cellphone application.
Sa aking personal na karanasan, may
estudyante akong Pilipino na nakikipag-away sa kanyang kaklase dahil sa hindi
pagkakasunduan na mga mensahe sa LINE.
Kaya upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari, hindi inirerekomenda ng mga
guro sa paaralan ang paggamit ng mga ganitong uri ng komunikasyon.
Ang pang-aapi ay hindi lamang nangyayari sa
paaralan, ito ay nangyayari rin sa karaniwang opisina o sa kumpanyang
pinagtatrabahuan. Sa pagdating ko sa bansang ito, may mga kasamahan akong Hapon
sa trabaho na naging mailap sa akin at karamihan ng gawain sa opisina ay ipinapasa
sa akin. Sa paglipat ko ng ibang trabaho at pagtira sa labas ng Tokyo, nakita
ko rin kung papano “mambully” ang mga Hapon sa mga dayuhan at kapwa nila
Hapon.
Mahirap makibagay, gaya na lamang ng naging
karansan ko sa unang araw ko sa bago kong trabaho. Pinakita ko ang aking litrato
na nagpunta ako sa isang “maid cafe” sa Akihabara. Dahil na rin sa bago ako sa
bansang ito at hindi pa masyadong alam ang kanilang kultura ay naging negatibo
ang pagtingin sa akin.
Naging tampulan din ako ng tukso at tinawag
na “otaku” o taong kakaiba (weird).
Matagal-tagal din bago ko napag-aralan ang kanilang kultura at saksi din ako sa
pambu-bully sa iba ko pang kasamahan na may kanya-kanyang kinahihiligan na
medyo alanganin sa kanilang edad.
Noong nakaraang buwan ay nabalita ang pambabastos
ng isang lalakeng pulitiko sa isang babae habang ito ay nagsasagawa ng kanyang
talumpati sa Kongreso. Talaga namang walang humpay ang pang-aapi ng mga
pulitikong ito. Nasa modernong panahon na tayo at hindi na ito panahon ng mga samurai na kung saan sila ang
naghahari.
Lahat tayo ay dapat pantay-pantay at walang
lamangan. Ang resulta ng lahat ng pang-aaping ito ay depende na rin sa inaapi
kung papano niya lalabanan at lalampasan ang ganitong pagsubok. Kung mahina ka
at ikaw ay bibigay, talo ka. Kung ikaw ay lalaban siguro ito pa ang magbibigay
sa iyo ng karanasan upang maging mas maparaan at matatag sa kung anumang
pagsubok na darating sa iyong buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento