Lunes, Agosto 11, 2014

Forrest Gump: Ang Unang Pagsasadula

Ni Herlyn Alegre



 “Life is a box of chocolates, you never know what you’re gonna get.” Sino nga ba ang hindi nakakatanda ng linyang ito na pinasikat ng pelikulang “Forrest Gump” na ipinalabas noong 1994 at pinagbidahan ni Tom Hanks? Base ito sa isang nobela na isinulat ni Winston Groom at inilathala noong 1986.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay itinanghal bilang isang dula ang “Forrest Gump” na ginanap dito sa Japan. Ipinalabas ito sa Globe Tokyo noong Mayo 30 hanggang Hunyo 22. Ang Globe Tokyo, kilala rin bilang Panasonic Globe Theater, ay isang replika ng orihinal na Globe Theater sa England kung saan ipinapalabas ang mga dula ni William Shakespeare.

Ang dulang “Forrest Gump” ay pinagbidahan ni Junnosuke Taguchi, isang kilalang idolo mula sa Johnny’s Entertainment at miyembro ng bandang KAT-TUN. Kasama rin niyang nagtanghal ang iba pang respetadong aktor tulad nina Masahiro Takashima (na gumanap bilang pitong iba’t-ibang tauhan kabilang na si Lieutenant Dan), Hitomi Takahashi (bilang ina ni Forrest) at Aki Maeda (bilang Jenny).

Ang Kwento ni Forrest

Ang dula ay umikot sa kwento ng buhay ni Forrest mula pagkabata hanggang sa kanyang pagtanda. Kakaiba si Forrest dahil mas mababa ang kanyang IQ kumpara sa ibang mga bata at dahil dito kadalasan siyang tinutukso at kinukutya ng kanyang mga kaklase. Hindi naman naging hadlang kay Forrest ang kundisyong ito para hindi siya magtagumpay sa buhay.

Nakapasok siya sa kolehiyo at naging star player ng kanilang rugby team, nagtrabaho siya bilang sundalo at nakaharap niya sa White House ang dalawang pangulo ng Estados Unidos, naipadala siya sa Vietnam War at ginawaran ng Medal of Honor pagbalik niya, naging austronaut din siya, runner, table tennis player at kung anu-ano pa.

Bumili rin siya ng bangka at nagtayo ng isang fishing company tulad ng ipinangako niya sa matalik niyang kaibigan na si Bubba. Mababa man ang IQ ni Forrest, may busilak naman siyang kalooban at tapat na pagmamahal sa mga taong nasa paligid niya.

Ang Pagtatanghal
           
Tumagal ng dalawang oras at kalahati ang dula. Tuluy-tuloy ito kaya halos walang pahinga ang mga nagsiganap dito, lalo na si Taguchi na gumanap kay Forrest, dahil bahagi siya ng halos lahat ng eksena at dire-diretso ang kanyang mahahabang linya.

Para sa isang dulang may mahabang timeline at malawak na setting, napagkasya ng dula sa limitasyon ng teatro ang epektibong pagsasaganap ng iba’t ibang mahahalagang kaganapan sa kasaysayan tulad ng Vietnam War at pagpatay kay Pangulong Kennedy. Tuluy-tuloy ang pag-usad ng kwento at may madalas na pagpapalit ng mga eksena kasabay ng paglilipat ng maliliit na props na mayroon sa entablado.

Hindi kinailangan ng dula na gumamit ng magarbong props o stage design para ma-establish ang lugar at kapanahunan ng dula. Nadaan nila ito sa paggamit ng mga simple at maliliit na props na madaling ipasok at ilabas sa entablado tulad ng mga kahoy na upuan, pinto,  bakod, malalaking kumot, magagaang dingding at iba pa. Nagbukas ang dula na mayroon lamang isang wooden bench sa gitna ng entablado at malaking net na nakabitin sa ibabaw nito. Tumataas at bumababa ang net na ito depende sa eksena sa dula.

Dahil minimal ang props at stage design, mas nakatutuok ang mga manunuod sa galing ng pagbato ng linya at paghugot ng emosyon ng mga aktor at hindi lamang basta-basta sa ganda ng entablado. Kapansin-pansin rin ang stage chemistry ng mga nagsiganap lalo na sa pagitan ni Forrest at ni Lieutenant Dan. Masasabing isa sa pinakamalakas na eksena sa dula ang bahagi kung saan nagpasalamat si Lieutenant Dan kay Forrest sa pagligtas sa buhay niya noong sila ay nasa Vietnam.

Higit na pinasigla ang dula ng live music mula sa violin, gitara, keyboard, at iba pang instrumentong tinugtog ng live ng mga aktor. Kung hindi tumutugtog ang mga aktor ay nagbibitaw naman sila ng linya sa entablado. Kahit si Taguchi mismo ay nag-aral pa ng harmonica para sa pagtugtog niya sa dulang ito. Sa kwento, nagmula kay Bubba ang harmonica na naging paboritong pang-aliw ni Forrest lalo na sa mga panahong malungkot siya.

Ang Sorpresa ng Dula

Kagaya ng isang kahon ng tsokolate, maraming mga hindi inaasahang bagay sa dulang ito ang gumulat, nagpasaya, nagpaiyak at nagpatawa sa mga manunuod. Isa na rito ang natatanging pagganap ni Taguchi. Hindi man siya ang pinakamagaling na aktor na gumanap kay Forrest, pero binigyan naman niya ng kanyang sariling interpretasyon ang tauhang ito. Isang Forrest Gump na hindi mo lang katutuwaan, kung hindi mamahalin rin ng lubusan.

             

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento