Martes, Agosto 12, 2014

Pepper: Robot na may emosyon

Ni Len Armea
Kuha mula Softbank website
Sino nga ba ang hindi naaaliw sa robots? Maraming mga palabas sa telebisyon at pelikula ang tungkol sa mga robots. Marami rin kumpanya ang patuloy na nag-iimbento ng robots na sinasabing nakakatulong para mapadali ang trabaho ng mga tao.

Kaya kamakailan lamang ay ipinakilala ng kumpanyang Softbank, isang Japanese telecommunications company, ang ginawa nitong robot na pinangalanang Pepper. Kakaiba ang robot na ito dahil idinisenyo ito upang makabasa ng emosyon ng tao.

Ayon kay Softbank CEO Masayoshi Son, isang makasaysayang kaganapan para sa kanila at maging sa publiko ang makalikha ng robot na nakababasa ng emosyon. Aniya, madalas ay laging isinasalarawan ang isang tao na “parang robot” kapag manhid ito.

“People describe others as being robots when they have no emotions, no heart. For the first time in human history, we’re giving robot a heart, emotions,” ani Son.

Si Pepper, na may taas na 4”, may bigat na 62 pounds at kulay puti, ay mayroong emotional engine at cloud-based artificial intelligence system na nakababasa ng emosyon, tono ng boses at galaw. Sa katunayan, maaaring makipagkomunikasyon kay Pepper na parang kausap mo ang iyong kapamilya o kaibigan.

Bukod dito, mayroong nakalagay na facial-recognition technology, cameras, audio recorders at sensors na ulo ni Pepper na kailangan para sa interaksyon nito sa tao. Mayroon din tablet na nakalagay sa dibdib nito kung saan nakalagay ang ilang communicating programs at maaari rin itong makipagkomunikasyon sa 17 lenggwahe.

Nang ipakilala ni Son si Pepper ay nagbigay pa ito ng traditional Japanese bow, nakipagkamay kay Son at nagsalita rin.

Dalawa sa prototype nito ay nasa dalawang tindihan ng Softbank sa Japan upang makisalamuha sa mga tao at makita kung paano ito makipagkomunikasyon.

Nakatakdang ibenta ang naturang robot Pebrero ng susunod na taon sa halagang Y198,000 o $1,900 sa Japan. Wala pang pahayag ang Softbank kung ibebenta rin ito sa ibang bansa.
Si Pepper ay ginawa ng Softbank sa pakikipagtulungan sa Aldebaran Robotics, isang French company, habang ang manufacturing ay nakatalaga sa Hon Hai Precision Industry Co. Ltd. Na isa namang Taiwanese company.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento