Ni
Al Eugenio
Sinasabi na sa buong mundo iilan na
lamang ang mga bansa ang hindi nagpapatupad ng sistemang K to 12 o mula sa kindergarten
ay 12 taon pang pagpasok sa eskwelahan ang kailangan ng mga batang mag-aaral
bago sila maka-graduate sa high school. Pagkatapos nito ay saka pa lamang nila
maipagpapatuloy ang pagpapakadalubhasa nang anumang kurso na gusto nilang pag-aralan
sa kolehiyo.
Dito sa Japan, ang sistemang K to 12
ang matagal nang sinusunod ng bawat paaralan. Ang sistema rin na ito ang
ginagamit sa mas nakakaraming bansa maging mga mayayaman na o mga bansang developing
pa lamang. Sinasabi na rito sa Asya, Pilipinas na lamang ang natatanging bansa
ang hindi nagpapatupad ng sistemang K to 12.
Nang maupo sa pagkapangulo si
Pangulong Benigno Aquino III, agad
niyang sinabi na ang Pilipinas ay magpapatupad na rin ng sistemang K to 12. Ang
pamahalaan ng Pilipinas ay binigyan ng bilyong pisong budget para maisakatuparan
ang sistemang ito.
Upang maipatupad ang K to 12,
kakailanganin ng mga bagong subject na mapag-aaralan sa loob ng dalawang taong
idadagdag. Siyempre, kasama nito ang mga bagong mga textbooks at mga libro
bukod pa sa mga pasilidad at mga kagamitan tulad halimbawa ng mga laboratory at
iba pa.
Mangangailangan din ng mga
karagdagang silid-aralan ang bawat eskwelahan upang makapagpatuloy ang mga mag-aaral
sa karagdagang dalawang taon pang pag-aaral upang makatapos ng high school. Mangagailangan
din ng mga guro na may kaalaman sa mga bagong subject na ibibigay sa mga mag-aaral
ng bawat paaralan. Ang paghahandang ito ay hindi madali kaya’t bilyong salapi
ang inilaan para rito ng ating pamahalaan.
Sa panig naman ng mga mag-aaral at
ng kanilang mga magulang, ang karagdagang dalawang taon para sa pangkaraniwang
pamilya na halos sapat lamang ang kita at talagang iginagapang na lamang ang
pag-aaral ng mga anak, ito’y mistulang parusa sa pangarap na mapagtapos ang
kanilang mga anak at nang baka sakali ay makaahon sila sa matagal na nilang
dinaranas na hirap ng buhay.
Hindi katulad dito sa Japan, ang
bawat bata ay kinakailangang makatapos ng K to 12 kahit na walang kakayahang pinansiyal
ang mga magulang. Tungkulin ng pamahalaan na suportahan ang bawat mag-aaral sa
anumang paraan. Ang mga guro, lalo pa at sila ay nagtuturo sa mga pampublikong
paaralan, bilang kaanib ng pamahalaan ay sinisiguro nila na nabibigyan ng
nararapat na kaalaman ang bawat mag-aaral upang maging isang mabuting
mamamayan.
Sa kung anong kadahilanan, sa loob
ng ilang taong nakaraan mula noong unang pag-usapan ang pagpapatupad ng K to 12,
napakalaking kakulangan sa paghahanda ang naipapakita ng ating pamahalaan sa
mga mamamayan. Kakulangan sa silid-aralan, mga maling paglilimbag ng mga aklat
na matapos maiimprenta ay lumalabas na hindi na kailangan. Kaya ang tanging
paraan ay itapon na lamang o gawing pandewang.
Kakulangan sa mga paaralan na makapagtuturo ng karagdagang dalawang
taong pag-aaral.
Papaano kung walang sapat na
pantustos sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral tulad ng pamasahe, proyekto,
baon sa araw-araw? Papaano na ang mga mag-aaral sa mga lugar na malayo sa
kabihasnan? Kapag masama ang panahon, naiisip kaya ito ng ating mga nasa
pamahalaan habang sila ay na sa loob ng kanilang mga airconditioned na inuupuan?
Walang masama sa K to 12, matagal
na itong kailangan. Hindi natin sinasabi na
ito ay mali. Dapat nga ay noon pa ito isinakatuparan. Ngunit sa uri ng
ating mga nanunungkulan na isang tambak na hindi maaasahan. Napakahina ng mga
pamamaraan. Laging iginigiit ang mga sariling kapakanan.
“Nakakainis na,” ang sigaw ng bawat
mamamayan. Kailan kaya tayo makaaalis sa
pagiging isang developing na bansa. Marami ng kababayan natin ang ipinanganak
at namatay, iilang porsyento lamang ang nagkaroon ng dignidad at kaginhawahan
sa buhay. Marami sa kanila ay ang mga nakatapos ng pag-aaral. Kailan kaya
magkakaroon ng pagkakataon na ang bawat kabataang Pilipino ay magkakaroon ng
kasiguruhan na makakatapos ng pag-aaral?
Hindi salapi ang kakulangan ng
ating bansa, marami tayo niyan! Tayong mga OFW na lamang ay Php 22 bilyong ang
naiaambag sa kaban ng ating bayan. Isipin na lamang natin ang daan-daang
milyong pisong kinukurakot ng marami sa mga nanunungkulan sa ating pamahalaan. Kung
nagagamit lamang ng tama ay wala sana tayo
sa ganitong kahihiyan.
Habang isinusulat ang artikulong
ito, pilit na ipinatutupad na ng ating pamahalaan ang K to 12 sa kabila ng
maraming protesta. Hindi lamang mula sa mga magulang, kasama rin dito ang
maraming guro, mga iba’t ibang mga organisasyon.
Marami rin sa ating mga mambabatas
ang hindi sang-ayon sa agad na pagpapatupad nito. Marami ang nagsasabi na kahit
hindi pa man lubos na handa ang pamahalaan, at kahit na marami sa ating
mamamayan ang magdurusa, ipipilit pa rin ang K to 12 upang maisama ito sa
legacy na masasabi ng kasalukuyang administrasyon.
Hindi sa hindi natin sinasang-ayunan
ang K to 12, napapanahunan upang ito ay ikasatuparan. Subalit sana ay kung ang
lahat ay nakahanda na. Hindi ito dapat madaliin lalo pa’t ang mga nanunungkulan
ay mahina ang mga pamamaraan. Huwag nating isipin na ang kabataang Pilipino ay
maiiwanan. Mayroong sadyang talino at galing ang ating mga kababayan. Kaya nilang
makipagsapalaran kahit saan. Hindi nga ba’t ang mga nakikipagsapalarang mga
kababayan nating ito, na nasa mga bayang sila ay dayuhan, ang siyang patuloy na sumasapo sa ekonomiya
ng ating bayan?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento