Isa si Dennis Trillo sa tinitilian
ng mga showbiz fans sa kahit na anumang proyekto na pasukin nito – gwapo, malakas
ang appeal, at magaling umarte. Itinuturing siya na isa mga paboritong leading
men ng henerasyon na ito kaya naman dagsa ang proyektong ibinibigay sa kanya.
Pagkatapos ng matagumpay at
pinag-usapang serye na “My Husband’s Lover,” muling lumabas si Dennis kasama si
Maja Salvador at Richard Yap sa pelikulang “You’re Still the One” na nagbukas
sa mga sinehan kamakailan lamang.
Ito ang unang pagkakataon na nagbida
si Dennis sa isang proyekto ng Star Cinema at Regal Films lalo na at contract
artist siya ng GMA. Ginagampanan ni Dennis ang papel ni Jojo sa isang love
story kung saan kanyang naipakitang muli ang husay sa pag-arte.
Road to stardom
Nagsimula ang karera ng gwapong
aktor noong 2000 nang maging bahagi ito ng Batch 10 ng Star Circle (Star Magic)
ng ABS-CBN. Ipinakilala siya sa telebisyon sa mga popular na serye gaya ng “Pangako Sa’yo” at
“Sa Dulo ng Walang Hanggan.”
Lumipat ito sa GMA pagkatapos ng
dalawang taon kung saan bumida siya sa maraming serye sa telebisyon gaya ng
“Twin Hearts,” “Mulawin,” “Darna,” “Majika,” “Etheria: Ang Ikalimang Kaharian
ng Encantadia,” “Super Twins,” “Sinner or Saint,” “Legacy,” Filipino remake ng
“Temptation of Wife,” “Endless Love” at marami pang iba.
Dumating ang pinakamalaking break ni
Trillo sa showbiz sa kanyang unang pagganap sa pelikula ni Joel Lamangan na
“Aishite Imasu 1941: Mahal Kita” noong 2004 bilang Ignacio Basa, isang espiya
na nagpanggap na isang babae noong panahon ng Japanese occupation sa bansa
noong World War II.
Nag-uwi ng maraming parangal sa
pag-arte ang aktor sa kanyang magaling na pagganap sa naturang pelikula gaya ng
Best Supporting Actor mula sa Gawad Tanglaw Awards, Metro Manila Film Festival,
Gawad Urian Awards at Young Critics Circle; Best Actor sa FAMAS Awards, FAP
Luna Awards, Gawad PASADO Awards at ENPRESS Golden Screen Awards; at Movie
Actor of the Year sa PMPC Star Awards for Movies.
Lumabas din ang aktor sa mga
pelikulang gaya ng “The Janitor,” “Blue Moon,” “Mulawin: The Movie,” “Mano Po
3: My Love,” “Yesterday, Today, Tomorrow,” at “Mano Po 6: A Mother’s Love.”
Susunod na mapapanood si Trillo sa
dalawa pang malaking proyekto sa pelikula na muli siyang makikitaan ng galing
sa pagganap, ang “Felix Manalo: The Last Messenger” kung saan gagampanan niya
ang tagapagtatag ng Iglesia ni Cristo.
Siya rin ang bida sa “One Pedal At A
Time” bilang isang environmentalist/ mountain biker kung saan makakasama niya
si Solenn Heussaff na mula sa direksyon ni Ellen Ongkeko-Marfil.
Sinasabing makulay din ang lovelife
ng actor na na-link sa mga naggagandahang aktres gaya nina Christine Reyes,
Bianca King, at Jennylyn Mercado. Usap-usapan din ngayon ang pakikipagmabutihang
muli sa dating kasintahan na si Jennylyn. Matatandaang hindi nagging maganda
ang pahihiwalay nila noong 2011.
Nilinaw ni Dennis na masaya siya sa
estado ng buhay niya ngayon at ayaw niyang madaliin ang muling pagpasok sa bagong
relasyon. Inamin din nito na masaya rin siya na maayos na muli ang samahan nila
ng dating kasintahan at hindi rin niya isinasara ang pintuan sa posibilidad na
magkabalikan sila sa hinaharap.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento