Lunes, Hulyo 6, 2015

PNoy, bitbit ang Japanese investments sa ‘Pinas

Ni Florenda Corpuz
Hinikayat ni Pangulong Aquino ang iba’t ibang Japanese
 trade organizations na mamuhunan sa Pilipinas sa ginanap na
Philippine Investment Forum sa New Otani Hotel sa kanyang
state visit sa Japan kamakailan. (Kuha ni Din Eugenio)
Balik-Pilipinas na si Pangulong Benigno S. Aquino III matapos ang apat na araw na state visit sa Japan bitbit ang pangako ng dagdag na Japanese investments at pagtalakay sa mga isyu ng South China Sea.

Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport ang Pangulo sakay ng Philippine Airlines Flight PR 001 kung saan siya ay sinalubong ng mga miyembro ng kanyang Gabinete kabilang sina Executive Secretary Paquito Ochoa, Interior and Local Government Secretary Manuel Roxas, Justice Secretary Leila de Lima, MMDA Chairman Francis Tolentino, DOLE Secretary Rosalinda Baldoz, DOH Secretary Janette Garin at Tourism Secretary Ramon Jimenez.

Sa kanyang unang state visit sa Japan mula Hunyo 2-5 sa imbitasyon ng pamahalaang Hapon, nakatanggap ang Pangulo ng Php13.5 bilyon investment pledges mula sa 11 kumpanya na lumagda sa letters of intent na magbukas o palawakin ang kanilang operasyon sa Pilipinas.

Ayon kay Aquino, nagbabalak ang clothing company na Uniqlo na kasalukuyang may 22 outlets sa bansa na magdagdag pa ng 200 shops. Habang ang ibang kumpanya naman ay nasa manufacturing ng electric tricycles, printers, smart glasses at medical devices tulad ng aortic catheter, invitro diagnostics at para sa hemodialysis treatment ang interes.

“Sa pagdadala nila ng mga produktong ito sa Pilipinas, malinaw na lumalawak ang pagkilala ng mundo sa talino at talento ng Pilipino,” saad ni Aquino na sinabi rin na ang ibang kumpanya ay nagpahayag ng  plano na Pilipinas ang gawing sentro ng kanilang operasyon sa ASEAN region.

“Dahil alam naman nating kapag mas mataas sa value chain ang produktong nililikha ay mas mataas din ang pasahod at mas mabilis na matatamasa ang ginhawa at dignidad ng buhay para sa nakakaraming Pilipino,” dagdag ng Pangulo sa mga investment pledges na maaaring makalikha ng nasa 30,721 na trabaho.

Nilagdaan din ng Japan at Pilipinas ang mga kasunduan sa health, maritime safety at trade pati na rin ang concessional loan na nagkakahalaga ng P136.9 bilyon infrastructure projects.

“Ito pong concessional loan ang pautang na sobrang gaan ng interes at ipinagkakaloob ng kaibigan sa kanyang kapwa kaibigan. Nagpapakita po ito ng kagustuhang tunay na makatulong kaysa maging pabigat,” ani Aquino.

Lumagda rin sina Aquino at Japanese Prime Minister Shinzo Abe ng Joint Declaration on Strengthened Strategic Partnership sa summit meeting na ginanap sa Akasaka State Guest House.

“Tunay nga pong pinapalalim ang ugnayan ng ating mga bansa sa maraming sektor, kabilang na ang seguridad. Napapanahon po itong pagtaas ng antas ng ating relasyon sa Japan sa harap ng mga banta sa estabilidad sa West Philippine Sea,” sabi ng Pangulo.

“Ang mahalaga nga po ay nakikita nating nagtutugma ang mga prinsipyo ng Japan at Pilipinas tungkol sa paggalang sa mga karapatan ng bawat bansa, sa malayang paglalayag sa international waters, at sa paghahari ng batas at mapayapang ugnayan upang matugunan ang anumang di-pagkakaintindihan. Sa tulong nga po ng Japan, natatawag ang pansin ng mas marami pang mga bansa sa sitwasyon sa mga dagat ng Asya,” dagdag pa nito.

Pakikipagkita sa mga opisyal

Sinimulan ni Aquino ang kanyang state visit sa Japan sa pamamagitan ng isang state call kina Emperor Akihito at Empress Michiko sa Imperial Palace kung saan isang welcome ceremony at state banquet ang maghihintay sa kanya. Ginawad sa kanya ng Japanese monarchy ang “Grand Cordon of the Supreme Order of the Chrysanthemum,” ang pinakamataas na karangalan na ibinibigay sa natatanging indibidwal. Habang binigay naman niya kay Emperor Akihito ang “Order of Lakandula with rank of Supremo.”

Nagbigay din ng talumpati si Aquino sa National Diet, na huling ginawa ni dating Pangulong Carlos Romulo at sa Nikkei 21st International Conference on the Future of Asia. Dinaluhan din niya ang Philippine Investment Forum kung saan niya inimbitahan ang mga Japanese investors na mamuhunan sa Pilipinas.
           
Nakipagkita rin siya sa mga miyembro ng Filipino community sa Okura Hotel kung saan hinimok niya ang mga ito na patuloy na suportahan ang kanyang mga reporma kahit na matapos ang kanyang termino.

Sa pagtatapos ng kanyang state visit, nagpaalam si Aquino kina Emperor Akihito at Empress Michiko sa Imperial Hotel. Pagkatapos nito ay nagtungo siya sa Japan National Press Club kung saan sinagot niya ang mga katanungan ng mga mamamahayag. Nilagdaan din niya rito ang guestbook kung saan niya nakita ang mensahe na nilagdaan ng kanyang ina na si dating pangulo Corazon Aquino noong November 13, 1986.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento