Biyernes, Hulyo 10, 2015

Kobe Port Tower: Ang Matayog na Simbolo ng Kobe

Ni Florenda Corpuz


Isa ang Kobe sa 10 pinakamalaking siyudad sa Japan. Ito ang kapital ng Hyogo prefecture at matatagpuan sa pagitan ng Rokko mountain range at dagat. Ang port o daungan ng lungsod ang isa sa pinakaunang nagbukas sa foreign trade noong ika-19 na siglo.

Nagbukas sa kalakalan ang Port of Kobe noong 1868 habang itinayo naman ang Kobe Port Tower noong 1963 sa Meriken Park, isang waterfront park na nasira ng Great Hanshin Earthquake noong 1995 at muling isinaayos ngunit may bahagi ito na iniwan para alalahanin ang mga biktima ng lindol.

Ang matayog na Kobe Port Tower ang itinuturing na simbolo ng lungsod na may taas na 108 metro. Ito ang kauna-unahang tore sa buong mundo na may pipe structure. Tinatawag itong “Steel Tower Beauty” dahil sa kakaibang istruktura at hugis nito na tila isang Japanese drum. Sa katunayan, ito ay nakatanggap ng Best Work award mula sa Architectural Institute of Japan noong 1963.

Ito ay may limang palapag kung saan ang dalawang palapag ay may mga restaurant at rotating café habang ang tatlo naman ay may observation decks.

Sa observation platform ay tiyak na mamamangha sa 360 degree panorama kung saan masisilayan ang Osaka sa silangan, Akashi Great Bridge sa kanluran, Kobe Airport sa timog at Mt. Rokko sa hilaga.

Mamamangha rin sa isang seksyon na gawa sa espesyal na salamin na nagiging transparent kapag lumalapit ang mga tao. Sa kisame naman ay may mga optical fibers na nilagay para makalikha ng mga bituin sa kalangitan. Tuwing gabi ay nagpapailaw din ng 7,000 LEDs na nakalutang sa madilim na alapaap para sa nakakamanghang night view ng Kobe.  

Mag-e-enjoy din sa rotating café na umiikot kada 20 minuto kung saan makikita ang magagandang tanawin ng Kobe. Siyempre pa, hindi mawawala ang souvenir shop at amusement area rito. Matutuwa rin kay Captain Tower-kun na siyang mascot ng Kobe Port Tower.
           
Mararating ang Kobe Port Tower 15-minutong lakad mula sa JR at Hanshin Motomachi Stations. At 10-minutong lakad mula sa Municipal Subway Kaigan Line Minato-Motomachi Station. Bukas ito araw-araw at may bayad ang pagpasok dito: ¥600 for adults, ¥300 for elementary school and junior high school students.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento