ni Jovelyn
Javier
Director Bong Joon-ho |
Matagal
nang pinag-uusapan at inaabangan ang kauna-unahang English-language at
Hollywood debut film, ang “Snowpiercer” mula sa isa sa pinakamagagaling at
nirerespetong direktor sa mundo ng Korean cinema na si Bong Joon-ho.
Isang
kilalang pangalan na si Bong Joon-ho sa maraming international film fest lalo
na sa mga pelikulang “Memories of Murder” (2003), “The Host” (2006), “Mother”
(2009) at pinarangalan siya bilang best director, best film, best screenplay at
special jury prize sa mga nabanggit na pelikula.
Nadiskubre
ni Bong Joon-ho noong 2004 ang “Snowpiercer” nang makita niya ang French
graphic novel na “Le Transperceneige” nina Jean-Marc Rochette at Jacques Lob sa paborito
niyang comic book shop sa Hongdae, Seoul. Nabighani siya agad sa ideya ng mga tao
na nagsisikap para mabuhay sa loob ng isang malaking tren. Partikular na rito
ang katangi-tanging panlipunang pagkakahati sa bawat karo ng tren.
Nagustuhan
din ito ng kaibigan at batikang direktor na si Park Chan-wook nang ipakita ni
Bong Joon-ho ang materyal sa kanya. Kalaunan ay nakuha na ni Bong Joon-ho ang
screen rights para sa pagsasapelikula ng “Snowpiercer” sa tulong ng Moho Films
na production company ni Park Chan-wook.
Pinangungunahan
ni Chris Evans (Curtis) na mas kilala bilang Captain America mula sa Marvel
movies ang all-star cast na kinabibilangan din ng mga magagaling na British
thespians: John Hurt (Gilliam), Tilda Swinton (Mason) at Jamie Bell (Edgar).
Kasama rin si Octavia Spencer (Tanya), Luke Pasqualino (Grey), Song Kang-ho (Minsu)
at Go Ah-sung (Yona) na mga kilalang South Korean actors at si Ed Harris bilang
Wilford.
Nagsimula
ang pelikula sa isang eksperimento para masolusyunan ang global warming ngunit
hindi ito naging matagumpay. At dahil ito, nabalot ang buong mundo sa isang panibagong
“ice age” na kumitil sa halos lahat ng klase ng buhay. Ang mga natatanging
nakaligtas ay 18 taon nang nakatira sa “Snowpiercer” – isang napakalaking tren
na ginawa ni Wilford bago pa mangyari ang nabigong eksperimento. Patuloy na
tumatakbo ang tren sa buong mundo sa pamamagitan ng tinatawag na
“perpetual-motion engine.” Ito ay isang makina na tuluy-tuloy ang pagtakbo
kahit walang panlabas na enerhiya para paganahin ito.
Isa
sa pangunahing tensyon sa pelikula ang sistema ng panlipunang dibisyon, kung
saan ang mga mayayaman ay kumportableng namumuhay at nakatira sa front coaches
ng tren. Sa gitna ng sitwasyon, nakukuha pa rin ng mga mayayaman ang karangyaan
dahil kumakain sila ng masasarap na pagkain, nakakapag-relax sa spa at pool,
nakakapagpatingin sa espesyalista at nakakapagsaya sa club. At sa
kadulu-duluhan naman ng tren, nakatira ang mga mahihirap na kumakain ng
tinatawag na “protein bars” at hindi natutulog sa maganda at maayos na tulugan kundi
sa madumi at mainit na quarters.
Mula
nang mangyari ang “Revolt of Seven” kung saan pitong tao ang nasawi nang
lumabas sila sa tren, wala ng naglakas loob pa na magsimula ulit ng rebolusyon.
Ngunit kalaunan, naglakas loob sina Curtis sa tulong ni Gilliam at Edgar na
sumubok ulit ngunit sa pagkakataong ito ay layunin nila ang makarating sa
engine room para ma-kontrol ito, na maaaring maging susi para makipagkasundo
ang mga mayayaman.
Dito
nagsimula ang nakaka-tensyon at kapana-panabik na pakikipagsapalaran ng grupo
sa pamumuno ni Curtis para makawala sa napakahirap na estado nila sa dulo ng
tren. At para makarating sila sa engine, kailangan nila si Minsu na siyang
nagdisenyo ng mga tarangkahan.
Punung-puno
ng aksyon at mga hindi inaasahang pangyayari ang pelikula. Hindi mo alam kung
ano o sino ang mga makakaharap nila sa bawat pagbukas ng tarangkahan. Isang
matinding nerbyos at gulat ang binibigay nito sa mga manonood, habang inaantay
nila kung ano ang nasa kabilang coach.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento