Lunes, Marso 31, 2014

Libreng wi-fi sa Osaka patok sa mga turista

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio
OSAKA, Japan – Patok sa mga lokal at dayuhang turista ang libreng wi-fi connections sa lugar na inilunsad ng Osaka Government Tourism Bureau kamakailan.

Ang programa na tinawag na “Osaka Free Wi-Fi” ay may dalawang libreng wi-fi connections na maaaring gamitin ng publiko gamit ang smart phone, tablet o computer: ang “Osaka Free Wi-Fi” at “Osaka Free Wi-Fi Lite.” Layon ng programa na makapagbigay ng impormasyon sa mga turista tungkol sa lugar at maibahagi ito online.

Ito ang kauna-unahang city-wide free wi-fi service na inilunsad sa bansa kasunod ng survey na isinagawa ng Japan National Tourism Organization kung saan ang kawalan ng maayos, mabilis at libreng Internet access ang nangungunang reklamo ng mga turista.

Sa kasalukuyan, maaaring gamitin ang serbisyo sa 163 access points kabilang na ang Nankai, Kintetsu at Keihan railways, pangunahing tourist attractions at mga hotels, shops at restaurants sa buong Osaka. Magiging 8,000 access points ito sa darating na Disyembre.

Maaaring gamitin ang libreng wi-fi services sa pamamagitan ng pagbibigay ng user ng valid email address. Sa Osaka Free Wi-Fi, libreng 30 minutong Internet access ang makukuha nang kahit ilang beses sa isang araw. Habang ang Osaka Free Wi-Fi Lite naman ay may 15 minuto hanggang sa 1 oras na libreng Internet access bawat araw.

Ayon sa tala ng Osaka Government Tourism Bureau, umabot sa 2.03 milyong dayuhan ang bumisita sa Osaka noong 2012 at inaasahang tataas pa ito ngayong 2014 at sa mga susunod na taon.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento