Ni Len Armea
Noel Cabangon (Kuha ni Jovelyn Bajo) |
Bida ang mga kanta na gustung-gusto
ng mga tagapakinig ng pamosong mang-aawit na si Noel Cabangon sa bago nitong
album na pinamagatang “Acoustic Noel.” Ito ay naglalaman ng 12 OPM songs na mismong
ang mga fans ang nagbigay sa pamamagitan ng social networking site na Facebook.
Sa kanyang Facebook fan page,
tinanong ni Noel ang kanyang mga tagapakinig kung ano ang mga paborito nitong
kanta na nais nilang maisama sa bagong album ng 50-taong-gulang na singer. Dinagsa
ng mga suhestiyon ang batikang singer na ayon sa kanya ay kinailangan niyang
mamili sa humigit kumulang sa 1,000 mga kanta.
“We are bombarded with a lot
of song requests. Pinili talaga naming iyong mga kanta na kaya kong bigyan ng
bagong interpretasyon, na papatok sa mga tao, na masarap pa rin pakinggan at hindi
mawawala iyong flavor of acoustic na style ko,” pahayag ni Noel sa ginanap na album
press launch sa Quezon City kamakailan.
Napabilang sa bagong album ang
most requested songs gaya ng “Huwag Mo Nang Itanong” ng Eraserheads, “Pagdating
ng Panahon” ni Aiza Seguerra, “Himala” ng Rivermaya at “Bilanggo” ng Rizal
Underground.
Ang mga kantang napasama pa sa
Acoustic Noel ay ang “Nandito Ako” ni Ogie Alcasid at ito rin ang carrier
single, “Araw Gabi” ni Basil Valdez, “Makita Kang Muli,” ng bandang Sugarfree,
“Tuyo Na’ng Damdamin” ng APO Hiking Society, at “Itanong Mo Sa Mga Bata” ng
Asin. Isinama rin ni Noel ang dalawa niyang kanta na napasama na sa kanyang mga
naunang album, “Awit ng Bahaghari,” at “Nag-iisa, Wala Ka Na.”
Inamin ni Noel na nahirapan din
siya sa paggawa ng album na ito dahil minsan ay nauubusan na siya ng ideya kung
papaano bibigyan ng bagong bersyon ang kanta para maging bago sa pandinig ng
mga tagapakinig.
“Nauubusan na rin ako ng
konsepto sa ibang kanta kaya humingi na rin ako ng tulong. Kung mapapakinggan
niyo iyong labum, iyong Himala ay inareglo ni Bobby Velasco tapos si Jimmy
Antiporda naman sa Makita Kang Muli. Maganda rin pala iyong you’re working
closely with the arranger para alam mo kung saan pupunta iyong kanta,” ani Noel
na pabirong sinabi na ang tawag niya sa album na ito ay “original remake”
album.
“Masasabi kong kahit ako
naggandahan sa album na ito. I’m grateful that this is the opener album of
Universal Records for 2014,” dagdag pa ni Noel na unang nakilala sa pagkanta ng
mga awiting sumasalamin sa lipunan at kapaligiran.
Kilala bilang isang mang-aawit
na gumagawa ng orihinal na komposisyon, inamin ni Noel na sa panahon ngayon maraming
mga mang-aawit na gaya niya ang naglalabas ng remake album dahil mahirap nang
magbenta ng mga bagong kanta.
“Sa generation na ito, ang
hirap magtulak ng bagong kanta. I think it really takes a lot of creativity.
While it is true that there is a venue for everyone to allow people to listen
to their music, to their creation, kapag isinama mo iyon sa Youtube or iba pang
platform, kasama ka sa ‘sea of music’ and iyong pagpipilian ng tao, kung hindi
ganoon ka-distinct, hindi ka mapapansin.”
“Unlike before, when you do an
album, apat na possible hit songs larga na iyang album mo,” bulalas ng singer
na pangarap pa rin na maging rocker at jazz artist.
Ang Acoustic Noel ang
pang-apat na album ni Noel sa ilalim ng Universal Records. Nauna na rito ang “Byahe,”
“Panaginip,” na naging Album of the Year sa 25th Awit Awards noong
2012, at “Tuloy ang Byahe.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento