Huwebes, Marso 27, 2014

Ang kahalagahan ng sports

Ni Al Eugenio

Ilan sa atin ang pinapayagan ng ating mga magulang na makipaglaro sa labas ng  ating tahanan noong tayo ay mga bata pa? Maaaring kung sa probinsiya  tayo  lumaki  at malawak ang ating mga ginagalawan, marahil ay natural lamang na tayo ay pinapayagan. Subalit kung tayo naman ay nagsipaglaki sa siyudad, maraming bagay ang ipinag-aalala ng ating mga magulang kaya’t hindi  tayo pinapabayaan makipaglaro sa labas ng ating tahanan. Isa sa mga dahilan ay ang kanilang pag-aalala na baka tayo ay ma-impluwensyahan ng mga elemento  na makakasama sa ating buhay.

Habang tayo ay lumalaki ay mabilis namang nawawala ang mga lugar na mapaglalaruan ng mga kabataan sa mga siyudad dahil na rin sa kakulangan ng kaalaman  ng marami sa ating mga namumuno na gawan ng kaayusan ang ating kapaligiran. 

Dahil na rin sa mga maling pananaw, naging dahilan  ito  na  mabago ang  proseso ng paglaki ng marami sa ating mga kabataan. Nawala ang mga laro na ating kinagisnan  tulad ng patintero, tumbang preso at piko. Napalitan ang lahat ng ito nang magsulputan ang mga video games na nilalaro kahit na mag-isa habang nakaupo o nakahiga pa kung minsan sa loob ng bahay. Dahil sa mga makabagong larong tulad nito, maraming karanasan ang nawawala sa ating mga kabataan habang sila ay lumalaki. Isa na rito ang pakikihalubilo sa kapwa. 

Sa pakikipaglaro natin sa labas ng ating bahay ay natututuhan natin ang iba’t ibang ugali na mayroon ang mga tao. Mayroon  sa kanila ang  madaling maging kaibigan,   mga batang matulungin, mga batang hindi nagsasawang magturo sa atin ng maraming bagay na hindi pa natin alam. Mayroon din namang mga kalarong ayaw tumanggap ng pagkatalo kahit na sila ay mandaya pa ay ipinipilit pa rin na sila ang tama. Sa mura pa lamang nating edad ay nagkakaroon na tayo ng pagkakataon na maranasan ang iba’t ibang  ugali ng  tao na maaari nating makasalamuha sa ating paglaki.

Dito sa Japan, dahil sa halos subsob sa paghahanap-buhay ang mga magulang, ang mga paaralan ay mayroong sistema na binibigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na makisali sa iba’t ibang  uri ng sports. Maaaring pumili ang isang bata ng gusto niyang salihang laro at maaaring sumali sa isang sports club kahit na siya ay wala pang kaalaman tungkol dito.

Tutulungan siya ng club na matutuhan ang lahat ng kaalaman upang siya ay humusay sa napili niyang laro. Kasabay nito ay mararanasan din niya ang makipagkaibigan at makipag-ugnayan  sa  iba niyang mga kalaro. Ang mga karanasang ganito ay tutulong sa isang mag-aaral na matutuhan ang iba’t ibang paraan ng  pakikisama at pakikipagkapwa kahit na wala sa tabi ang mga magulang nito.

Mula sa mga sports club na tulad nito ay maraming magagaling na manlalaro ang napipili upang maglaro sa malalaking koponan. Tulad nang napapanood natin sa Olympics, kilala sa buong mundo ang mga manlalaro mula Japan. Marami na sa kanila ang naglalaro ng baseball sa Major Leagues pati na rin sa mga sikat na soccer teams.

Marami sa ating mga manlalaro ang hirap maipakita ang kanilang mga kakayahan at husay sa larangan ng palakasan dahil sa kulang o halos walang  suporta mula sa ating pamahalaan.

Maaaring mayroong nagsasabi na ang sports ay walang  maitutulong  para sa kaunlaran ng bayan. Ngunit napapagkaisa nito ang mga mamamayan saan man sulok ng mundo lalo na’t may mga nagwawagi tayong mga atleta tulad ni Manny Pacquiao.

Ang ating pagkakaisa ang kinakailangan upang tunay na maiayos ang ating pamumuhay lalo pa at patuloy na lumolobo  ang  ating papulasyon. Kung magkakaroon lamang ng sapat na lugar ng palaruan para sa mga kabataan sa ating mga bayan,   maaaring magkaroon ng ibang pagtutuunan ng pansin ang ating mga kabataan upang mapalayo sila sa masasamang bisyo tulad ng droga.   

Huwag naman sanang mga basketball court lamang ang ipinatatayo ng mga nanunungkulan. Magkaroon din sana ng mga tennis, badminton, volleyball courts,  baseball   at  soccer fields na libre para sa kanilang mga nasasakupan. Hindi lamang sana mga kalalakihan lamang ang makapaglalaro kung hindi pati na rin ang mga kababaihan. Kailangan din ang mga parke na maaaring pasyalan ng mga magkakapitbahay na mayroon ding lugar na mapaglalaruan ng maliliit pang mga kabataan. Kasama ang  kanilang mga magulang, pagkakataon na rin na magkakilala ang magkakapitbahay. 

Makatutulong din kung magkakaroon ng mga programa sa radyo at telebisyon na nagbibigay kaalaman tungkol sa iba’t ibang uri ng mga sports. Suporta mula sa ating pamahalaan upang mailapit ang ating mga kababayan sa kahalagahan ng sports sa lipunan.

Ikinagulat  ng buong mundo na mula sa isang bansa na wala namang snow ay nagkaroon ang Pilipinas ng isang figure skater sa kakatapos pa lamang na Winter Olympics sa Sochi, Russia. Mas lalo pang bumuhos ang simpatya ng marami ng  malaman na walang  tulong na ibinigay ang  ating pamahalaan para sa manlalarong ito.   


Dahil dito ay marami ang gumawa ng paraan upang makalikom ng tulong para maipagpatuloy ni Michael Christian Martinez ang kanyang  pangarap na makapagbigay ng karangalan para sa Pilipinas. Bagamat pang-labing siyam na pwesto lamang ang kanyang naabot, para sa bawat Pilipino, si Michael ay isang bayani. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento