Huwebes, Marso 27, 2014

Paninindigan at istilong Pinoy sa paggunita sa 3/11

Ni Cesar Santoyo 



Ginunita ngayon buwan ng Marso ang ika-tatlong taon ng paglindol at tsunami na sumira sa Hilagang-Silangang baybayin ng karagatan ng Japan na naging sanhi ng pangalawang pinakamalaking insidenteng nuclear sa kasaysayan. Kahit ilang beses pang ulit-ulitin ang bilang ng mga nasawi, nanatili ang latay ng bilang na 19,000 ang mga namatay at hindi pa natatagpuan dahil sa lindol at tsunami at mahigit rin sa 300,000 ang mga lumikas mula sa 20 kilometro evacuation zone sa paligid ng Fukushima Daiichi nuclear power plant. Sa mga nagsilikas, 140,000 ay hindi pa nakatangap ng wastong kabayaran, marami ay puwersadong manirahan sa temporary shelter at mahigit sa 1,600 na ang mga namatay sa mga kadahilanan na may kaugnayan sa relokasyon.

Ang mga evacuees mula sa Chernobyl ay umigsi ang haba ng buhay mula 65 anyos pababa sa 58 anyos dahil sa depresyon, alak at pagpapakamatay at ang matinding stress sa sapilitan relokasyon na may kahawig na epekto sa mga nawalan ng tahanan at sakahan sa Fukushima.

Sa kasalukuyan ay maraming mga nakakalat na temporary housing sa buong rehiyon ng Tohoku. Sa Iitate City ng Fukushima, 39 na kilometro ang layo sa Fukushima Daiichi nuclear plant, ay matatagpuan ang Iitatemura temporary housing na kung saan ay may 90 pamilya na kinabibilangan ng 147 katao. Katamtaman sa mga nakatira rito ay 65 anyos, may nag-iisang batang high-school at ang mag-iisangdaan taon gulang ang pinakamatanda pagsapit ng buwan ng Abril.

Ang lugar na ito ang pinili ng ating mga kababayan na naninirahan sa Fukushima para handugan ng mga lutuing Pinoy, mga pagtatanghal at ang ultimong layuinin: bigyan ng kahit sandaling saya ang mga naninirahan sa Iitatemura temporary shelter bilang paraan at istilong Pinoy sa paggunita sa ika-tatlong taon ng trahedyang 3/11. Ginanap ito sa public hall ng naturang temporary shelter noong Marso 9, 2014.

Ayon kay Myrna Nasiluan-Ishikawa, isa rin na dating naninirahan sa Iitate City na ngayon ay hindi matirahan dahil sa taas ng nuclear radiation, “pumunta kami rito sa Iitate temporary shelter para pasayahin ang mga matatanda na nawalan ng bahay (at sakahan dahil sa nuclear radiation) kaya nandito sila ngayon na sa Japanese kung tawagin ay kasetsujutaku o temporary shelter. Naghanda ang grupo ni Myrna ng Philippine food at intermission number.

Sa nasabing okasyon ay nagpahayag ang Congressional Deputy ng Fukushima City na si Komatsu Yoshiyuki na sinusuportahan niya ang inisyatiba ng mga Filipino sapagkat mabuti pa raw ang mga Pinoy na nangangalaga at palaging naaalala ang mga nasa evacuation center kumpara sa iba na walang pakialam.

Ang grupo ng mga Filipino sa Fukushima City na kabilang sa Hawak-Kamay Fukushima ay nagluto ng nilagang baka, lumpiang toge at onigiri. Nagbigay ng mga awitin at mga palaro sa mga matatanda para patawanin, pakantahin, pasayawin at pasiyahin kahit sa dalawang oras lamang na magkalpiling ang lahat para sa kakaibang paggunita ng trahedyang 3/11.

Paliwanag ni Kaye Goto, Pinay na naninirahan sa Fukushima City sa mahigit na 20 taon at Tohoku Program Manager ng Center for Japanese-Filipino Families (CJFF), “ginagawa namin ang ganitong pagtitipon makaraan ang dalawang taon para sa mga nakatira sa temporary housing dahil nakikita namin sa kanila ang buhay namin bilang dayuhan dito sa Fukushima na dahil sa nangyaring napakalaking kalamidad dito ay naramdaman namin na napabayaan kaming mga dayuhang migranteng Pilipino. Pero kahit naging ganun pa man ay hindi kami nagdalawang-isip para tumulong ditto.

Dagdag pa ni Myrna, ginagawa po namin ito kasi ang sarap ng pakiramdam na napasasaya mo ang mga tao, mga nalulungkot, nakatira sa maliit na lugar, na nai-istress na sila sa sitwasyon nila na hanggang ngayon hindi pa malaman kung makakabalik pa sila sa lugar na iniwanan nila.

Sa kabilang dako naman ng Tohoku at sa pag-obserba sa buwan ng kababaihan, ang mga iba’t ibang komunidad at samahan ng mga Pinoy sa Iwate, Miyagi at Fukushima ay naghahanda para sa pagtatatag ng kanilang ugnayan na kinakailangan na harapin pa ang ibang usapin maliban sa pagbangon sa disaster. Nais ng Sagip-Tohoku sa pamumuno ni Marialara Kikuchi na palawakin at patatagin pa ang kanilang pagkakaisa bilang mga kababaihang dayuhan sa Japan.

Ang kadahilanan sa pagpapalawig ng layunin ng samahan ay hawak ng mga kababaihan ang kalahati ng buhay ng buong sanlibutan. Sa talino at lakas bilang babae nakarugtong ang pusod ng mga kabataan na pagasa ng maaliwalas na kinabukasan. Ang dayuhang kababaihan sa Japan ay ang mga nagkakalinga sa mga matatanda, mga guro ng iba-ibang wika, mga kamay para sa pagkain ng lahat, tagalinis ng mga suotin at mga gusali, responsibleng serbisyo sa mga pang-gabi na establisimiyento, haligi ng buhay ng mga pamilya sa lupang sinilangan, at higit sa lahat ay ang taas-noo bilang ina ng magkahating lahi na mga anak na aktibong bahagi bilang etnikong grupo sa lipunan ng bansa.

Bilang mga kababaihang dayuhan sa Japan ay sinisikap nila na maging kabahagi ng lipunan na may patas na responsibilidad, karapatan at kagalingan. Aktibong kalahok rin ang mga dayuhang kababaihan sa mga gawaing panlipunan, sosyo-sibikong simulain, at maging sa mga selebrasyon ng mga kultura. At sa kabila ng partisipasyon sa bansa ay pinananatili ang pagmamahal at paninilbihan sa pinagmulang inang bayan Pilipinas.

Sa natatanging karakter, kalagayan at relasyon sa pagitan ng bansang tinitirahan at sa lupang sinilangan ay buo ang pagnanais ng mga kasapi ng samahan na ihayag ang natatanging uri bilang dayuhan kababaihan sa Japan. Dahil sa paniniwala na may lakas sa pagkakaisa, magdaraos ng kauna-unahang asembliya ang mga samahang pinoy sa Tohoku sa darating na Marso 29-30, 2014 sa Akiu, Sendai, Miyagi-ken para itinatag ang Liga ng mga Dayuhang Kababaihan sa Japan at pagtibayin ng mga alituntunin ng kanilang Saligang Batas.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento