Lunes, Marso 10, 2014

Caloy Loyzaga: The greatest Filipino basketball player

Caloy Loyzaga
Marami mang dumating na magagaling na basketball players sa Philippine Basketball Association (PBA), mangingibabaw at mangingibabaw pa rin ang pangalan ni Caloy Loyzaga na itinuturing na pinakamagaling na Pilipinong manlalaro sa larangan ng basketball.

Pinangunahan niya ang koponan ng Pilipinas na lumaban sa FIBA World Championship noong 1954 na nanalo ng bronze medal at tanging Asyanong manlalaro na napasama sa Mythical Five. Bukod pa rito ang pagdadala ng karangalan sa Pilipinas nang manalo ng apat na magkakasunod ng gold medal sa Asian Games noong 1951, 1954, 1958 at 1962.

Kaya kamakailan lamang ay pinarangalan si Loyzaga, na kilala sa moniker na “The Big Difference,” ng Lifetime Achievement Award sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Awards Night.

Kahit na na-stroke ito at nahihirapang lumakad at magsalita, pinilit nito na umakyat sa entablado upang personal na tanggapin ang award kung saan ang lahat ng nagsipagdalo ay tumayo bilang respeto sa itinuturing na basketball legend ng bansa.

Ipinahatid niya ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng kanyang anak at kilalang aktres na si Bing Loyzaga na nagsabing para sa kanyang ama ang pagmamahal sa laro at sa bansa ang pinakaimportante sa lahat.

“If there’s something my dad would like to impart to our present basketball players, it is this: Play not for the fame and glory, not for money, but for the love of the game,” pahayag ni Bing na siya ngayong nag-aalaga sa kanyang 83-taong-gulang na sikat na ama.

“And for those lucky enough to be honored a spot on the national team, your love for country must surpass even your love of the sport.”

A basketball legend

Tulad ng maraming kabataan at sikat na ngayon na basketball players, bata pa lamang ay mahilig nang maglaro ng basketball si Loyzaga sa Tervalac court kung saan din siya nadiskubre ng kanyang basketball coach na si Gabby Fajardo. Naglaro at naging star player ang 6’3 na si Loyzaga ng San Beda Lions na nakopa ang pinakaprestihiyosong Zamora Trophy noong 1951, 1952 at 1955 sa National Collegiate Athletic Association (NCAA).

Naglaro din siya para sa Pratra at Prisco na naging kampeonato sa National Open noong 1950 at 1954. Naglaro rin ito sa YCO Painters noong 1954 sa Manila Industrial and Commercial Athletic Association (MICAA) na dating katumbas ng PBA.

Sa kanyang pamamalagi bilang star player ng YCO ay ipinanalo niya ang koponan ng 49 na sunud-sunod na panalo mula 1954 hanggang 1956 na nagbigay din sa koponan ng ilang kampeonato.

Bago pa man nakilala si Robert Jaworksi bilang isang playing coach, nauna na sa kanya si Loyzaga. Noong 1960’s ay naging coach at manlalaro rin ito ng YCO kung saan naging MICAA chanmpions din siya. Nagdesisyong magretiro si Loyzaga noong 1964 matapos ang sunud-sunod na injuries.

Matapos ng kanyang karera, hindi nawala sa kanya ang pagmamahal sa laro dahil patuloy pa rin ito sa panonood at pagsuporta sa mga bagong manlalaro kabilang na sa kanyang dalawang anak na sina Chito at Joey na parehong naglaro sa PBA noong 1980’s.

Noong panahon ni Loyzaga, hindi maitatanggi na sa kanyang husay at galing ay kinilala ang bansa sa larangan ng basketball at ito ang dahilan kung bakit nakaukit na sa kasaysayan ng Philippine sport ang pangalan ng The Big Difference.

“We hope his contributions in Philippine sports will influence and inspire young athletes in their respective field of sports,” pahayag ni Bing.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento