Lunes, Marso 10, 2014

Julia, bagong prinsesa ng Dos?

Julia Barreto (Kuha mula sa Mira Bella FB page)

Sa nakatakdang pag-ere ng kanyang unang soap opera’ng pinagbibidahan na “Mira Bella” sa susunod na buwan, hindi maitago ni Julia Barretto ang kanyang excitement.

“Siyempre, masaya ako pero may halong nerbyos,” aniya. “Parang halu-halo na ang emosyong aking nadarama na hindi naman siguro nakakapagtaka dahil isa itong malaking proyekto. Biruin mo, ang mga ka-bituin ko rito ay sina Enrique (Gil) at Sam (Concepcion) na malalaking pangalan na sa showbiz. Nagpapasalamat ako sa ABS-CBN sa tiwalang ipinagkaloob nila at dalangin ko’y suportahan ito ng balana!”

Sa kabila ng magandang itinatakbo ng kanyang career, alam ng teen star na merong ilang hinahaluan ito ng ibang kulay.

“Oo naman! Meron talagang mga taong hindi magiging masaya para sa ‘yo at hihilahin kang pababa. Aaminin kong sa simula, grabe akong naapektuhan ng lahat ng mga negatibong kritisismo na ibinabato sa akin gaya ng kaya raw ako nabibigyan ng big break eh dahil sa isa akong Barretto. Hindi iyon madaling harapin.

“Una na riyan ang ‘di maiiwasang paghahalintulad sa aking ina (Marjorie Barretto) at mga tiyahin (Gretchen at Claudine Barretto) na maraming taon na ang itinagal sa industriya. May mga pagkakataong umiiyak talaga ako. Hindi mo naman kasi maaaring sabihin o ipaliwanag sa bawat taong makakasalubong mo na meron ka rin namang talentong maipagmamalaki at hindi mo kailangang dumepende nang sobra sa kanilang pangalan.

“Buti na lang at sa kalaunan, ginawa ko itong motivation upang mas pagbutihin ang aking career para sa katuparan ng aking mga pangarap. Nalampasan ko rin ang mga pagsubok!”
Ngayon pa lang ay isinasabong na siya kina Kathryn Bernardo at Julia Montes na kapwa itinuturing na prinsesa ng Kapamilya network.

“Alam ko ‘yon! Pero para sa akin, kapag ikinumpara ka o inilaban sa iba, makaka-distract lang ‘yon sa focus mo. Kaya ako, hindi ko ‘yon binibigyang-pansin! Malayu-layo na ang narating nina Kathryn at Julia sa industriyang ito samantalang nagsisimula pa lang tayo. Sinasabi ko na lang sa aking sarili na nadito ako para magtrabaho at tuparin ang aking mga pangarap. Wala sa bokabularyo ko ang makipag-kumpitensya!”

Determinado si Julia na magtagumpay sa mundong ninais kabilangan.

“Pangarap kong mag-bida sa marami pang soap opera sa hinaharap. Gayundin sa pelikula. Dream-come-true sa akin ‘pag nakagawa ako ng movie kasama si Gov. Vilma Santos-Recto. Siya kasi ang aking pinaka-idolo, eh. Sa mga lalaki naman, wish ko pong makatambal sa hinaharap sila John Lloyd Cruz, Piolo Pascual at Gabby Concepcion. Paniguradong marami akong matututunan sa kanila, ‘di ba?”

Itinuturing siyang isa sa may pinakamagandang mukha sa hanay ng mga bagong artistang babae. Sa katunyan nga’y laging nangunguna ang kanyang pangalan kapag may mga survey na isinasagawa sa mga batang aktor kung sino ang kanilang hinahangaan sa lupon ng mga batang aktres.


“Well, thank you! Pero hindi ko ‘yon inilalagay sa aking utak. Wala pa kasi sa akin ang mga love-love na ‘yan, eh! Bata pa ako. Katulad nga po ng aking sinabi kanina, nakatuon ang aking atensyon sa aking career. Marami pa akong dapat matutunan sa industriyang ito,” pagtatapos na ni Julia.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento