Linggo, Marso 2, 2014

Usapang Ski at Snowboarding: Byaheng Niigata kasama ang mga Pinoy

Ni Herlyn Alegre
Skiing sa Niigata.

Isang kakaibang pagsalubong ng bagong taon o isang napaagang Valentine’s date, masasabi kong ang ski trip na ito sa Niigata ay isang worthwhile na bonding experience para sa mga magkasintahan man, pamilya o magulong barkadahan tulad namin.

Puno ng mga Pinoy na turista at feeling-turista ang bus namin papuntang Naeba Ski Resort, isa sa mga kilalang ski destinations sa Japan dahil sa magandang lokasyon nito na hindi nalalayo sa Tokyo. Nasa silangang bahagi ito ng Mount Takenoko at sa paanan nito makikita ang kilalang Prince Hotel na may 1,229 na kwarto, halos 20 restaurants, onsen, convenience store at iba pang amenities para sa mga pumupunta rito.
           
Bahagi ng isang tour package ang byaheng ito sa halagang ¥5,000 yen. Kasama na rito ang roundtrip bus ride from Akihabara to Naeba, snacks, onigiri at libreng drinks sa bus. May kasama pang German tourguide na nagta-Tagalog at nagni-Nihonggo. Isa sa mga bagay na nakakatuwa sa byaheng ito ay ang mga Pinoy na kasabay namin. May mga turista na galing pang Pilipinas at nagbabakasyon lang dito sa Japan at mayroon din namang mga dito na nakatira at gusto lang na mag-explore pa ng ibang bahagi ng Japan.
           
Day trip lang ang kinuha naming package pero maaaring mag-avail ng package na may kasamang overnight stay sa Prince Hotel. Pagdating sa ski resort, maaari kang pumili kung gusto mong subukan ang ski o snowboard. Halos ¥5,000 yen ang binayaran namin sa paghiram ng gear na maaari naming magamit sa loob ng apat na oras. Maaari ring hiramin ang gear sa loob ng isang buong araw.

Sa una ay kailangan mong mag-fillout ng form na may personal details at estimate ng height, weight at shoe size para sa paghiram ng gear. Pagkatapos ay pipila ka para kumuha ng snow boots, pumili ng magkaternong snowboarding jacket at pants, at kumuha ng snowboard na may iba’t ibang kulay at disenyo na babagay sa sa’yo. Iiwan sa coin lockers ang mga sapatos, bag at iba pang gamit. Maaari ring mag-share ng lockers dahil medyo malaki naman ito. Mas mainam rin na magdala ng sariling earmuffs, bonnet at gloves dahil kung minsan hindi ito kasama sa set ng gear na pinapahiram (tulad ng sa amin). May kamahalan ito kung doon mismo bibilhin.

Sa counter, minumungkahi nila ang ski para sa mga baguhan na wala pang experience sa winter sports. Mas madali raw ito i-balanse. Pero dahil adventure-seeker kami, sinubukan namin agad ang snowboard. May kahirapan itong i-control sa una dahil parehas nakakabit ang dalawang paa sa snowboard kaya kailangan ng matinding balance para magawa ito ng tama. Gaya ng inaasahan, nahirapan kaming gamitin ito, kaya sa huli nang mapagod na kami ay nag-snowangel na lang kami at gumulong-gulong sa snow! Pero kahit papaano, nasubukan naman naming mag-slide sa mababang slope ng ilang beses.

Sa una paunti-unti, padulas-dulas nang bahagya, pasubok-subok kung paano ang tamang pagtayo, pag-bend ng tuhod, pag-balance. Baby steps nga, sabi nila. Pero sa huli, nagpapadulas na kami na parang walang bukas at hindi na napapansing humahampas ang magkahalong hangin at snow sa namamanhid naming mukha. Masarap ang pakiramdam, para kang lumilipad! Nakakakaba lang sa una dahil pakiramdam mo lagi kang matutumba at parang hindi mo na ito mapapatigil kapag sobrang bilis na. Pero isang bagay na nagpapawala sa panginginig namin (mula sa lamig at sa takot) ay iyong nakaka-enjoy na bonding ng grupo. Hindi ka mahihiyang bumagsak at gumulong dahil dadaanin lang nila sa tawa ang nangyari; hindi ka mahihiyang magkamali dahil tuturuan ka nila kung paano; hindi ka mahihiyang maging ikaw dahil mainit ka nilang tatanggapin.

Naisip ko lang, “a place as cold as this gets so warm if you’re with such great people!” Ang mga Pinoy, nasaan mang lugar hindi nawawala ang init ng samahan at tawanan. Nakakahiya man mag-dive sa snow at mag-snowangel habang nag-iiski ang lahat; weird man ang gumawa ng snowman habang nag-snowboard ang lahat; sumubok ka man mag-jumpshot sa snow ng paulit-ulit kahit mabigat ang snow boots, sasamahan ka pa rin nila ng walang kahihiyan at puno ng malakas na tawanan. Kaya ngayong buwan ng mga puso, hindi pa huli para sumama sa isang byaheng magpapainit sa samahan ng pamilya, barkadahan o special one!


            

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento