Miyerkules, Marso 5, 2014

Vitamin C nakakatulong sa paggamot ng cancer

Kuha ni Jovelyn Bajo
Nadiskubre kamakailan na nakakatulong ang Vitamin C sa gamutan ng cancer.  Ayon sa mga siyentipiko mula sa Amerika, malaki ang potensyal nito na maging isang ligtas, mabisa at mas murang klase ng gamutan pangunahin na para sa ovarian cancer at iba pang klase ng cancer.

Hindi na nakakagulat ang bagong tuklas na benepisyong makukuha sa Vitamin C, dahil hindi lingid sa kaalaman ng karamihan na isa ang Vitamin C sa pinakamainam, pinakaligtas at pinaka-epektibong klase ng sustansya na napakahalaga sa pangkalahatang kasulugan. Bagaman may ilan pang hindi napapatunayan na benepisyo ng Vitamin C para gamutin ang ibang mga sakit, hindi maikakaila ang higit na importansiya nito.

Ilan lamang sa kilalang nakukuha ng katawan mula sa Vitamin C ang pagpapatibay ng immune system, paglaban sa anumang klase ng cardiovascular disease, mga sakit sa mata, mga problema bago manganak, at maging para panatilihing bata at malusog ang balat.
 
Hinihikayat ngayon ng mga siyentipiko ng bagong pag-aaral na ito ang magsagawa pa ng mas masusi at malakihang clinical trials patungkol dito. Ngunit isa sa malaking problema ang kawalan ng patent rights sa vitamins, kaya’t hindi makapagsagawa ang maraming kumpanya ng gamot ng clinical trials para sa intravenous Vitamin C. Sa pamamagitan ng intravenous therapy, naipapasok ang likidong ginagamit sa gamutan nang direkta sa daluyan ng dugo.

Napakahalaga na mapag-ibayo pa ang ganitong klase ng pag-aaral, lalo na’t patuloy na naghahanap ang mga pasyente ng cancer ng ibang mga alternatibo at mas murang paraan ng gamutan. Dagdag pa ng maraming siyentipiko, noon pa man ay may ilang pag-aaral na nagpapatunay ng pagiging epektibo ng Vitamin C para gamutin ang cancer gamit ang prosesong IV therapy. Higit na kinakailangan ang ibayo pang pananaliksik para siguradong masuri ang mga benepisyo ng mas mataas na dosage ng Vitamin C sa katawan.

Kaugnay nito, napag-alaman na magkaiba ang epekto ng Vitamin C kapag ito ay nilunok o sa pamamagitan ng bibig kumpara sa IV therapy ayon sa ilang clinical trials. Pangunahing dahilan dito ang mabilis na paglabas nito sa katawan. Sa kabilang banda, ang ilang siyentipiko mula sa University of Kansas ay natuklasan na kapag ang Vitamin C ay ipinasok sa katawan sa pamamagitan ng iniksyon, nakakabawas ito sa side-effects ng chemotherapy. Aniya, sensitibo ang ovarian cancer cells sa Vitamin C treatment ngunit hindi nito naapektuhan ang ibang normal cells.

Alam ng karamihan na kinakailangan ng araw-araw na pagkain ng prutas at gulay na mayaman sa Vitamin C, ngunit dahil sa pagiging abala sa trabaho at sa pamilya ay nakakaligtaan ito. Ayon sa mga eksperto, importante ang presensiya ng Vitamin C sa araw-araw na pagkain lalo na sa mga abalang tao, kung kaya’t laging isinusulong at hinihikayat ng maraming organisasyon ang nakakarami ang uminom ng 500 mg bawat araw ng Vitamin C supplement kasabay ng patuloy na pagkain ng maraming prutas at gulay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento