Huwebes, Marso 27, 2014

Kuwaresma: Panahon ng Pagtitika

 Ni Elvie Okabe, DBA/MAE

Napapansin ba natin na kapag nasa dayuhang bansa tayo, lalo na rito sa Japan na Budismo ang pangunahing relihiyon, at abala sa trabaho ay malamang nakakalimot na tayo na pangalagaan hindi lang ang ating katawan kundi higit sa lahat ay ang ating kaluluwa o espiritu? 

May kasabihan nga sa English na “the spirit is willing but the flesh is weak” dahil kahit man karamihan sa atin ay gustong magsimba tuwing Lingo o araw ng pangilin ay hindi na ito nagagawa pa. 

Kaya naman at upang maging matagumpay sa ating buhay, karamihan sa atin ay sa umpisa pa lang ng taon ay mayroon ng listahan ng kanilang New Year’s resolution tuwing Enero, pagdating ng Chinese New Year ay nakikisali rin sa mga sinasabi sa Feng Shui.

Heto na at panahon na naman ng Kuwaresma o Lent at kailangan na naman natin usisaiin ang ating sarili kung saan na ba tayo sa mga pagbabago sa ating buhay. Dapat ay palagi tayong mulat sa pagbabago sa ating kalooban at siguraduhing matatag ang ating pananampalataya sa Diyos.

Kaya naman ang Kuwaresma o Lent ay ang 40 araw na pagsisisi at pagtitika o pagbabago ng kalooban at pagtalikod sa kasalanan bago ang Pasko ng Pagkabuhay. Ito’y nagsisimula sa Ash Wednesday (marso 5, 2014) at nagtatapos ng Holy Saturday (Abril 19, 2014).

Panahon na upang pagnilayan natin na ang ating mortal (may kamatayan) na katawan ay may immortal (walang kamatayan hanggang sa kabilang buhay) na kaluluwa o espiritu. 

Oo nga at dahil sa ating mga pangarap sa buhay para sa ating sarili at sa pamilya ay todo kayod tayo.  Ngunit kailangan din ng balanse sa ating buhay dahil may mga pangaral ang Diyos sa atin (bato-bato sa langit tinamaan tayong lahat).

“Sinasabi ko sa inyo, ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at hindi kayo magiging alipin ng hilig ng laman.  Sapagkat ang mga nasa ng laman ay laban sa kalooban ng Espiritu, at ang kalooban ng Espiritu ay laban sa mga nasa ng laman.

“Laging naglalaban ang dalawang ito kaya't hindi ninyo magawa ang nais ninyong gawin. Kung pinapatnubayan kayo ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan.  Hindi maikakaila ang mga hilig ng laman: pakikiapid, kahalayan at kalaswaan; pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot sa isa't isa, pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi, pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at iba pang katulad nito.

“Muli ko kayong binabalaan: ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos. Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Huwag na tayong maging palalo, huwag na nating galitin ang isa't isa, at huwag na rin tayong mag-inggitan.” (Gal. 5:16-26)

Nawa’y tayo ay maging mapagkumbaba, mapagpasalamat, mapagmahal, mapagpatawad sa sarili at sa iba, magiliwin, makuntento, at hindi matakaw o ganid sa lahat ng bagay sa aming pang-araw-araw na buhay upang sa pagsapit ng Pasko ng Pagkabuhay o Easter ay tunay na buhay ang aming katawan at kaluluwa.  Amen. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento