Ni Rey Ian Corpuz
Parati
nating nakikita sa telebisyon at maging sa mga social networking sites ang
balita hinggil sa pagtaas ng sales tax ng Japan. Ang dating 5% buwis sa lahat
ng mga na-prosesong bilihin ay magiging 8% sa darating na Abril at magiging 10%
pagpasok ng Oktubre 2015.
Dahil
sa pagtaas ng halaga ng yen, lalong bumababa ang mga angkat na produkto galing
ibang bansa. Dahil sa kaganapang ito, tayo rito sa Japan ay nakakaranas ng
deflation o ang pagmumura ng mga bilihin na kung saan hindi rin nakakabuti sa
ekonomiya sa pangkalahatan. At dahil mataas ang sahod dito, halos lahat ng
angkat na bagay mula damit, electronics
at kahit mga kagamitan sa bahay ay kaya nating bilhin. Lahat ay dapat balanse
ayon sa ekonomiyang pangkalahatan.
Ang
sobrang mahal at mura ay nakakasama rin sa ekonomiya. Dahil dito ay tataas ang
sales tax sa lahat ng na-proseso na produkto para makalikom ang bansang Hapon
ng pera upang igugugol sa social services
ng gobyerno. Ito ay upang palakasin at patatatagin ang serbisyong medikal para
sa mga pensionado, mga bata hanggang junior
high school at mga iba pang serbisyo na nauukol sa kalusugan at welfare.
Sa
ngayon, karamihan ng mga tindahan sa Japan ay nagpapaskil na ng mga anunsyo na
tataas ang sales tax mula lima
hanggang walong porsiyento. Ang ilan naman ay nagpapaskil na ng presyo kahit
wala pang patong na buwis. Marahil ay gusto nilang i-kundisyon ang utak ng mga
tao para hindi mabigla. Sa ating mga karaniwang tao na namumuhay sa Japan, ano
kaya ang magiging epekto ng mga ito?
Kung
ikukumpara natin ito sa ibang bansa, ang sales
tax ng Japan ay mababa pa pero marami tayong kinakaharap na mga bayarin
dito.
Ang
pagtaas ng sales tax ay pabigat sa ating mga ordinaryong Pilipino rito sa Japan
dahil marami tayong mga binabayaran. Ilan sa mga ito ay:
1.
Ang upa sa bahay ay mahal at ang renewal kada dalawang taon ay pahirap
sa pagtaas ng sales/consumption tax.
2.
Ang taun-taong citizen’s
tax at ang National
Health Insurance na ating binabayaran ay mahal.
3.
Ayon kay Prime Minister Abe, tataasan daw ang sahod ng
mga manggagawa upang maibsan ang pagtaas ng sales/consumption tax pero ang mga dayuhang mangggagawa ba ay tataasan
din? At gaano ba ito kataas kung ikukumpara sa mga ordinaryong Hapong
manggagawa?
4.
Bilang isang OFW tayo ay nagpapadala ng pera sa ating
pamilya sa Pilipinas. Pahirap ito dahil makukunan ang budget natin at bababa ang ating padala.
5.
Kapag tumaas ang sales
tax, marahil ang gasolina, kuryente at tubig din na ginagamit nating
lahat ay tataas ang presyo.
Papaano
kaya natin lalabanan ang pagtaas ng mga ito? May mga iilan akong mungkahing
paraan.
- Para maibsan ang gastos, kailangang magtipid.
Bumili lang ng naaayon sa kakainin at gagamitin. Kung mas mura naman kung
maramihan kagaya ng bigas, bumili na ng 30 kilo kaysa sa sa tig-10 kilo.
Sa tingin ko mas mura ito at ang kalidad ng bigas dito sa Japan ay hindi
naman basta-basta nasisira.
- Kung may mga end of season sale ay marahil
makakatipid ka kung doon ka bibili. Bawasan na ang fashion sa katawan. Hindi na praktikal ngayon ang masyadong
magarbo. Bumili ng hindi masyadong kilalang brand ngunit kasing ganda
naman nito. Ang pagdadamit ay nasa tao at wala sa brand o presyo nito.
- Kung kayo ay gumagamit ng bath tub kagaya ng mga Hapon, mas matipid siguro
kung mag-shower na lang. Ang paggamit din ng bath tub ay aksaya din sa gas dahil gas ang gamit para painitin ito.
- I-recycle ang mga tirang pagkain. Huwag itapon
kaagad gaya ng mga ginagawa ng mga Hapon. Ang tirang pritong isda ay pwede
pang i-sarsyado.
- Bawasan ang pagkain sa labas. Mas mainam na
magluto na lang sa bahay. Bonding time din ng pamilya sa halip na gumastos
sa labas.
- Mag-arkila na lang ng mga DVD o manood ng libreng
videos sa Internet sa halip na manood ng sine o mag-subscribe sa mga
online movies.
- Gumamit ng Internet o mga IP-Phone applications
gaya ng Yahoo, Skype, LINE at Viber kung gustong tumawag sa Pilipinas.
Huwag nang gumamit ng telephone cards dahil mahal ito. Kung nasa Japan
naman, ito na rin ang gamitin pati kung magpadala ng mensahe sa e-mail o
text message.
Kaya
ihanda na ninyo ang inyong mga budget at tataas na ang mga bilihin. Hindi natin
ito matatakasan pero pwede natin itong maibsan kung tayo ay magiging masinop at
magaling sa pag-budget ng ating mga gastusin sa bahay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento