Tuwing summer, nakagawian na ang magpunta sa mga
baybayin o magtampisaw sa malamig na tubig ng mga talon para maibsan ang init
ng panahon. Subalit may kakaiba at espesyal na pakiramdam ang maglakad-lakad at
simpleng damahin lang ang simoy ng hangin habang napapalibutan ng mga makukulay
at iba’t ibang klase ng mga bulaklak sa mga tinatawag na flower field o flower
farm destinations sa bansa.
Gaya ng dinadayong sakura sa Japan at wisteria flower
tunnel sa Kawachi Fuji Garden sa Kitakyushu, kaaya-aya rin na gawin ang ganito
sa Pilipinas na may mga maipagmamalaking magagandang bulaklak din.
Stroll amongst the flowers
At bagaman walang malawak na flower field gaya ng
Hitachi Seaside Park sa Hitachinaka, Ibaraki Prefecture, mayroon naman tayong sariling
atin gaya ng Liwasan Cosmos Flower Field sa Masungi Georeserve sa Tanay, Rizal;
Bahong Rose Gardens sa Barangay Bahong, La Trinidad, Benguet; King Louis Flower
Farm sa Lamtang, Benguet; Celosia Flower Farm sa Barangay Sirao, Cebu; at lotus
flower sa Lake Sebu, South Cotabato.
Umuusbong na destinasyon ang Masungi Georeserve na
isang conservation area at rock garden, at maliban sa giant rope hammock at
spider web viewing deck, bubungad muna ang nakakahalinang matitingkad na kulay
dilaw na cosmos flowers sa tinatawag na Liwasan Cosmos Flower Field. Maglakad-lakad
muna rito bago simulan ang nakakapagod ngunit magandang pisikal na aktibidad sa
discovery trail.
Pangunahing supplier din ng mga bulaklak at
nakapasong halaman gaya ng carnations, chrysanthemums, calla lily bulbs,
poinsettia, gerbera daisies, at hydrangeas ang King Louis Flower Farm sa iba’t
ibang panig ng bansa.
Rose Capital and Little
Amsterdam
Tinaguriang “Rose Capital of the Philippines” naman
ang Barangay Bahong sa La Trinidad dahil sa Bahong Rose Gardens na hindi
kalayuan mula sa La Trinidad Strawberry Farm. Peak flower season nito ay mula
Nobyembre hanggang Marso. Dito nagmumula ang 80 porsyento ng mga bulaklak sa
Maynila. Bukas ang flower farm mula
Lunes – Linggo (7am-3pm) at may Php20-50 entrance/per guest at 200-300/tour
guide (maximum of 10 persons).
Binansagan namang “Little Amsterdam” ang Celosia Flower
Farm sa Cebu dahil sa pagkakahawig nito sa tulip fields sa Netherlands. Ang mga
naunang Celosia seeds sa lugar ay dinala ng mga Cebuanong bumisita sa Haarlemmermeer, Netherlands noong 1991.
Nagmula sa
salitang Greek ang pangalang Celosia at ang mga matingkad na kulay nito na pula,
dilaw, kahel, at rosas ay sumisimbolo sa apoy dahil sa masigla at maalinsangan
na kumbinasyon ng mga kulay. Tinagurian din itong Official Sinulog Festival
Flower sa tuwing ipagdiriwang ang pista.
Animo’y nasa
Netherlands ka talaga dahil may replika pa rito ng windmill at pwede rin
mag-renta ng Dutch costume sa halagang Php30 para sa mas kumpletong Netherlands
in Cebu experience.
May mga mabibilhan
na rin ng pagkain at mga souvenir shops. Malaking tulong din ito sa mga flower
farmers dahil ‘di na nila kailangang ibiyahe pa ang mga bulaklak papunta sa
bayan dahil dito pa lang ay marami nang mga mamimili.
Peak season ng
Celosia Flower Farm ay mula Abril-Mayo at Oktubre-Nobyembre at may entrance fee
na Php20. Maigi rin puntahan ang ibang kalapit na atraksyon gaya ng Sirao
Pictorial Garden and Campsite na nitong nakaraang taon lang binuksan kung saan
may mga celosia flowers din at ang Terrazas de Flores Botanical Garden.
Tuwing maririnig
naman ang Lake Sebu, kasama na nito ang maisip din ang mga pink lotus flowers
na nagpapakulay sa lawa. Magandang mamangka kapag dapit-hapon at pagmasdan ang
paglubog ng araw o umaga sa pagsikat naman ng araw kasama ng mga bulaklak.