Kabilang ang tatlong obra – ang “Blade of the
Immortal” (Mugen no Jūnin),
“Before We Vanish” (Sanpo suru Shinryakusha) at “Radiance” (Hikari) ng tatlo sa
mga batikang direktor sa mundo ng contemporary Japanese cinema na sina Takashi
Miike, Kiyoshi Kurosawa at Naomi Kawase bilang mga official selection sa iba’t
ibang kategorya sa kamakailan lang na Festival de Cannes (Cannes Film Festival)
– Out of Competition, Un Certain Regard at Main Competition. Idinaos sa Cannes,
France ang ika-70 edisyon ng isa sa prestihiyosong international film
festivals.
Miike’s 100th feature
Itinampok naman sa Out of Competition ang ika-100
obra, ang Blade of the Immortal ng kontrobersyal na direktor na si Takashi
Miike na kilala sa kanyang magkakahalong film genres – martial arts,
family-friendly, crime dramas, sexual themes, violent at disturbing thrillers. Ito
rin ang muling pagbabalik ng direktor sa samurai genre.
Base ito sa manga na parehas ang pamagat ni Hiroaki
Samura at tungkol sa isang samurai na isinumpang maging imortal, si Manji
(Takuya Kimura) at ang pakikipagsapalaran nito para mapalaya ang sarili sa
pamamagitan ng pagpatay ng 1,000 masasamang kalalakihan.
Ang naturang
pelikula ay siyang ikalimang pagkakataon na rin ni Miike sa Cannes Film
Festival – “Hara-Kiri: Death of a Samurai” (Ichimei/2011 In Competition), “For
Love’s Sake” (Ai to Makoto/2012 Out of Competition), “Shield of Straw” (Wara no
Tate/2013 In Competition), at “Yakuza Apocalypse” (Gokudō Daisensō/ 2015 Director’s Fortnight).
Profoundly human tale of love and
mystery
Nominado naman sa limang kategorya ng Un Certain
Regard ang sci-fi-thriller na Before We Vanish ng internationally-acclaimed
director ng “Tokyo Sonata” (2008 Cannes Film Festival - Un Certain Regard Jury
Prize) at “Journey to the Shore” (Kishibe no Tabi) kung saan naman nanalo ng
Best Director si Kiyoshi Kurosawa sa Cannes Film Festival Un Certain Regard
2015.
Gaya ni Kawase, isang regular fixture rin si
Kurosawa sa Cannes, na unang napansin sa naturang festival sa “Kairo” (2001) sa
parehas na kategorya. Bagaman kilala bilang horror master sa Japan at drama
naman sa dalawang nabanggit na pelikula, ito ang unang pagkakataon na sumabak
ang batikang direktor sa science fiction genre.
Base ang Before We Vanish sa theatrical play na
parehas ang pamagat ni Tomohiro Maekawa, na unang itinanghal noong 2005. Tampok
dito ang kwento ng nagkakaproblemang mag-asawa na sina Narumi (Masami Nagasawa)
at Shinji Kase (Ryuhei Matsuda), at ang hindi maipaliwanag na pagkawala ni
Shinji at pagbabalik nito na tila ibang tao na, na sinundan ng mga misteryosong
kaganapan.
Sentimental musings on the
power of sight
Isa nang frequent figure sa Cannes Film Fest ang
cinematic naturalist na si Kawase, kung saan pito na sa kanyang mga pelikula
ang itinampok sa naturang film festival – lima rito ang napabilang sa Main Competition
para mapanalunan ang Palme d’Or, kabilang ang kanyang pinakabagong obra na
Radiance na pinarangalan ng Ecumenical Jury Prize.
Tampok sa Radiance ang kwento nina Misako (Ayame
Misaki), isang babaeng sinusubok ng pagkakataon sa pagkawala ng kanyang ama at
inang may dementia, at nagtatrabaho sa isang studio bilang manunulat ng film
audio descriptions para sa mga may kapansanan sa mata; at Masaya (Masatoshi
Nagase), isang photographer na unti-unting nawawalan ng paningin at iniwan ng asawang
muling ikakasal sa iba, na magtatagpo ang landas sa isang focus group
screening.
Naipalabas na nitong Abril at Mayo ang Blade of the
Immortal at Radiance rito sa Japan, samantalang sa Setyembre 9 pa ilulunsad sa
bansa ang Before We Vanish.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento