Martes, Setyembre 5, 2017

Digital footprint matters: Make your social media sites, digital portfolio free from negativity

Ni MJ Gonzales


Maraming rason kung bakit napakahalaga na mayroong social media accounts, sariling website, o sa kabuuan ay online presence ang isang negosyo.  Isang mabigat na dahilan dito ay halos lahat, lalo na iyong may “buying power,” ay naka-online nang matagal araw-araw.
  
Dagdag na rin dito ay mas makakamura sa promosyon, mabilis na transaksyon, at madaling makakaakit ng potensyal na mamumuhunan o kliyente. Kaya naman napakahalaga ng pagkakaroon ng “digital portfolio” at magandang “digital footprint.”

Ang “digital portfolio” ay isang pormal na termino sa paglalathala sa internet tungkol sa iyong credentials. Kasama rito ang pagpapatalastas ng iyong mga produkto, serbisyo, at magagandang testimonya tungkol sa iyo. Ang iyong digital portfolio ay maaaring nasa social media sites gaya ng LinkedIn at sarili mong website na ang uniform resource locator (URL) o iyong address mo sa Internet ay nakapangalan sa iyo.

Samantala, ang “digital footprint” ay may kinalaman sa iyong iniwang bakas sa mga websites na iyong pinupuntahan kabilang ang iyong update sa Facebook, tweet sa Twitter, photo sa Instagram o Pinterest, binabasang website, at kini-click na ads o videos. Kasama rin dito ang iyong komento sa mga online forums, blog sites, video Youtube, at iba pa. 

How your digital footprints affect your career, business?


Araw-araw nakakakita tayo ng reklamo o rant post sa Facebook na maaaring may kinalaman sa traffic, pulitika, showbiz, at lalo na sa personal na problema. Kung gusto mo talagang magkaroon at mapanatili ang magandang propesyonal na imahe sa internet ay iiwas ka hanggang maaari sa mga negative posts.

Halimbawa na isa kang online seller at may nag-order sa iyo na biglang umatras.   Sa totoo lang nakakainis ito  kapag nagpagod at  may nagastos ka para sa inyong transaksyon. Kung ipo-post mo ang reklamo mo sa nasabing customer sa iyong Facebook, pwedeng mauunawaan ito ng iyong mga kaibigan pero hindi lahat. Tandaan na ang iyong opinyon, gaano man ito katotoo at may saysay, ay balewala sa mga taong wala namang paki sa isyu o personal mong buhay.   

Nakakasama pa ang ganitong posts kung naka-public ang setting ng iyong social media accounts. Hindi lamang potensyal na kliyente ang magdadalawang-isip na makipagtransaksyon sa iyo kundi  maging suppliers at iba pang investors.

Dapat na isipin na bago pa nila tangkilikin ang iyong produkto o serbisyo ay tinitingan din ng mga mamimili kung sino ang nagbebenta. Ang uso rin ngayon ay nagse-search muna sila online bago bumili sa physical stores.

Steps to build good digital portfolio and online presence

 I-check ang privacy setting ng iyong social media accounts. Kung mahilig ka na mag-post nang kung anu-ano, mabuting  maging maingat sa  privacy setting ng iyong social media accounts.  Gawin mong public ang mga positive updates na may kinalaman lamang sa iyong business o career.

Gumawa ng hiwalay na social media accounts at website para sa iyong negosyo.   Mahirap din naman ang naka-private setting dahil babagal at hihirap ang pagpapatalastas ng iyong produkto at serbisyo. Kaya naman mainam na gumawa ng hiwalay na accounts para sa iyong negosyo at personal na gamit.  Tandaan din na maikli lamang ang pasensya ng mga mambabasa sa Internet para galugarin ang mga impormasyon tungkol sa iyo.

Maging maingat at mapanuri sa iyong mga ipo-post.  Hindi naman lahat ng negatibong karanasan ay hindi mo na mailalabas. Maaari mo pa nga itong maging inspirayon para makagawa ng malikhaing posts na makatutulong pa sa iyong negosyo.

Kung babalikan natin ang halimbawa sa itaas,  pwedeng  maglathala ka ng bagong patakaran sa pag-order at idahilan ang nangyari sa maayos na paraan. Gayon din, maglathala ka ng mga artikulo na gaya ng “Tips para makabili nang mabilis at tamang produko para sa iyo.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento