Martes, Setyembre 5, 2017

Personal Finance 101: Tatlong bagay na dapat gawin kapag nasa edad 40 ka na

Ni MJ Gonzales


Ang sabi nila “life begins at 40” pero kung pakiramdam mo ay walang-wala ka ay baka masabi mong “life is miserable at 40” pala. Kung ikaw man ay papunta rito o nasa ganitong edad ay dapat mong alalahanin na nasa punto ka ng iyong buhay na dapat naaayos na ang iyong pananalapi.

Hindi naman kailangang matakot bagkus ay maging inspirado para doblehin ang pagkayod at pagsisipag. Kung iisipin din naman ay masasabing isang pagpapala ang umabot sa 40 taon sa mundo na may malusog na katawan, may makulay na mga karanasan, at malawak na pang-unawa.  

Mayroon kang 20 taon na paghahanda para sa iyong pagreretiro

 Kung mayroon kang pondo para sa iyong retirement ay mainam na analisahin mo kung sasapat ba ito at kung paano mo pa mapapalago. Alam mo ba ang 20/20 retirement rule?  Tandaan na may 20  taon ka pa para ipunin ito kung balak mong magretiro sa edad na 60. Kung sa tingin mo ay kakayanin mo pang  magtrabaho hanggang 65 o 70, gaano naman kaya kalusog pa ang iyong pangangatawan?

Kung nais mong maging maginhawa ang iyong buhay nang higit sa 20 taon matapos kang magretiro, dapat din ay sasapat sa 20 o higit pang taon ang iyong maiipon na pondo.  Hindi mo rin naman siguro gusto na para lamang sa gamot at pagkain ang iyong mga ipon, ‘di ba? Maaaring gusto mo rin bumisita sa iba’t ibang lugar o gawin ang mga hilig mo na hindi mo pa nagawa noong bata ka pa.

Nasa edad ka na sagana sa lakas, kasanayan, at karanasan

 Sa Pilipinas ang laking isyu ang edad lalo na kung nasa 30 o 40 na.  Subalit kung iisipin ay ito ang magandang edad dahil sa mas matibay na kasanayan at karanasan ng tao sa kani-kanilang larangan. 
Ayon sa Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), ang maituturing na nasa kanilang “prime working lives” ay iyong nasa edad 25-54 taon.  Sa tala ng OECD, ang employment rate sa age group na ito noong huling bahagi ng 2016 ay mataas sa Italy (68.9 percent), USA (78.2 percent), France (79.6 percent), Canada (81.5 percent), United Kingdom (83.1 percent), Japan (83.7 percent), at Germany (84.2 percent).

Marahil dahil na rin sa mas may kumpiyansa na sa sarili kaya maraming matatagumpay na tao ngayon ang naglakas-loob sa kanilang karera pag-abot ng 40. Isang halimbawa na rito si Stan Lee na lumikha ng istorya ng “Fantastic Four,” “Spiderman,” at “Iron Man.”  Nagsimula lamang niyang gawin ang kanyang mga komiks noong siya ay nasa 39 na.  Si Vera Wang naman, na isang journalist noon at ngayon ay sikat na fashion designer, ay sinimulan ang kanyang karera sa fashion industry noong siya ay nasa 40-taong-gulang na.

Samantala, hindi mo rin dapat kaligtaan na alagaan ang iyong kalusugan at protektahan ang iyong ipon. Magagawa mo ang huli kung mayroon kang emergency fund, health insurance, at health maintenance organization (HMO).

Alam mo na kung alin ang tama para sa iyo

 Kapag bata ka pa, pwedeng may takot o lakas ka ng loob na subukan ang mga bagay-bagay.  Madalas ay kinukunsidera mong oportunidad ang mga alok na hindi mo naman pala talaga gusto at walang saysay.

Kapag nasa 40 ka na, ang desisyon mo ay nakabase na sa tingin mong tama at tugma sa iyo. Ito ay dahil mas kilala mo na ang iyong sarili, ang iyong prayoridad sa buhay, at layunin sa hinaharap.  Alam mo na rin ang ibig mong sabihin kung bakit dapat tanggihan o tanggapin ang isang bagay.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento