Martes, Enero 2, 2018

Negosyo 101: Is simplicity the secret to business and work productivity?


ni MJ Gonzales


Sa isang araw ay makailang beses na nagdedesisyon ang isang tao. Pwedeng sa umaga pa lamang ay  nagtatanong na siya  kung  babangon na ba siya sa higahan o hindi. Sa gabi naman ay matutulog na ba siya o mamaya na? 

Kung aanalisahin ay mas mahirap kung marami kang pinagpipilian kaysa iilan lamang ang iyong pinag-iisipan.  Ang sa huli ay ang kailangan mo lang naman ay sumubok ng ibang paraan para may iba rin na resulta. Malayong-malayo ito sa mga taong paiba-iba o hindi makapagdesisyon sa buhay.

Ano ba talaga?

Lalo na sa panahon na masyado kang abala sa negosyo o trabaho, makakasagabal sa pagiging produktibo ang maraming iniisip.  Kung mabagal o mahina ka sa “decision-making” ay magbubunga rin ito nang matagal na aksyon na posibleng mauwi sa negatibong resulta. Pwedeng mababang kita, dagdag na gastos, ekstrang oras sa trabaho, o kaya naman ay mawala sa iyo ang tiwala ng ibang tao. Pero paano nga ba mapapabilis ang pagdedesisyon?

Ang sabi ng ilan ang isang susi para maging produktibo ay ang pagkakaroon ng “time management.” Tama na mahalaga ang oras para sayangin o ipagpalit lamang sa mga walang saysay na bagay.  Subalit hindi naman lahat ay madaling matukoy kung ano ang may kwenta o wala at kung nararapat o hindi.  Dito na papasok ang pagkakaroon ng simpleng pag-iisip.   

Ang simpleng kaisipan ay hindi nangangahulugan na huwag nang maghangad na maging mainam.  Sa halip ay ipinapaalala nito kung ano ba muna ang mahalaga at dapat inuuna? Tutulungan ka rin nito na iwasan na gawing kumplikado ang bagay-bagay para mayroon kang konsentrasyon.

Ang “Beginner’s Mind”

Ang Japanese chef at may-ari ng Sukiyabashi Restaurant sa Ginza, Chuo, Tokyo na si Jiro Ono ay kinikilalang “Sushi Master.” Ayon sa panayam sa kanya ni Faisal Hoque ng Fast Company Magazine, ang isa sa  mga sekreto umano  nito ay pagkakaroon ng “beginner’s mind” sa paggawa ng sushi. 

Mula sa terminong ginagamit ng Zen Buddhism na “Shoshin,” ang Beginner’s Mind ay may kinalaman hindi sa pagpapalagay base sa naunang pangyayari o susunod.  Ito rin ay ang pagiging bukas sa posibilidad o matutuhan. 

Sa kaso halimbawa ni Ono ay hindi nito uman
o iniisip ang nauna o kasunod niyang gagawing na sushi, sa halip nakatuon lamang ang kanyang konsentrasyon sa bawat piraso na kanyang ginagawa. Hindi niya iniisip ang kanyang magandang reputasyon pagdating sa sushi kundi sa kung ano ang kanyang gagawin lamang. 

Bagay na bagay ang simpleng ideya ng Beginner’s Mind ay hindi lamang sa kalilipat lang ng kumpanya, katatayo lang na negosyo, o sa mga taong may bagong yugto ng buhay.  Ito ay bagay din sa bawat araw ng trabaho at pagnenegosyo para maging produktibo.

Iwasan ang “decision fatigue”   

Sa larangan ng pamumuno ay nagagamit din ang pagiging simple o simplicity para maiwasan ang “decision fatigue” o stress na nag-uugat lamang sa pag-iisip sa bagay-bagay.  Kilala mo ba si dating U.S Pres. Barack Obama at Facebook CEO Mark Zuckerberg? Kung mapapansin ay laging naka-blue or gray suit lamang ang pinalitang pangulo ni Donald Trump noon samantalang lagi namang naka-gray t-shirt at jeans si Zuckerberg. 

Kung bagsak man sa fashion ang dalawa ay hindi nito nababawasan ang kanilang kumpiyansa at galing sa pamumuno. Katunayan base sa isang panayam ng Vanity Fair kay Barack Obama ay sinabi nitong ayaw na niyang paglaanan pa ng lakas at oras kung ano ang kanyang susuutin o kakainin dahil mas maraming mabigat na bagay na dapat niyang gawan ng desisyon.

Sa ibang personalidad gaya ng artista, ang ginagawa nila para mabawasan ang kumplikasyon sa kanilang trabaho ay  kumukuha sila ng personal shoppers at glam team para sa kanilang pananamit at itsura.  Ang iba namang negosyante ay nag-a-outsource  o umuupa ng tauhan  para sa mga  simple tasks gaya ng encoding, researching, transcribing, posting sa social media, lead generation, selling, at iba pa.  Sa halip nga naman na sila ang magpatakbo ng araw-araw na operasyon, ang pinagtutuunan nila ay mga gawain na  makakapagpalago ng kanilang kabuhayan.   

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento