Kuha ni Nelson A. Ignacio |
Nagsama-sama ang mga lider at
miyembro ng Filipino community sa Japan kamakailan para sa paglulunsad ng “Bring
Home a Friend to the Philippines” (BHAF) sa Tokyo na pinangunahan ng Department
of Tourism (DOT) sa pakikipagtulungan sa Philippine Embassy in Tokyo.
Muling binuhay ng DOT, sa ilalim
ni Tourism Secretary Wanda Corazon Tulfo-Teo, ang naturang programa na una nang
ipinatupad 23 taon na ang nakalilipas. Layon ng BHAF na hikayatin ang mga Pilipino
na mag-imbita ng kanilang mga kaibigan na dayuhan na bumisita sa Pilipinas. Ito
ay para lalong mapaunlad ang turismo ng bansa.
“The revival of the rewards
program would be an invitation to foreigners to experience Filipinos’ world-renowned
hospitality,” pahayag ni Teo.
Kailangan lamang ng mga sponsors
o ang mga Pilipino na mag-iimbita na mag-log on sa www.bringhomeafriend.online para
hikayatin ang kanilang mga kaibigan sa loob ng promo period mula Oktubre 15,
2017 hanggang Abril 15, 2018 na bumiyahe sa Pilipinas.
Ang mga invitees o mga dayuhan na
naimbitahan ay kailangang nagmamay-ari ng foreign passport at naninirahan sa
labas ng Pilipinas sa loob ng anim na buwan simula Oktubre 15, 2017. Dapat
i-upload ng mga invitees ang kanilang ticket at boarding pass sa BHAF accounts
pagkatapos bumisita sa Pilipinas.
Mayroong parehong tsansa ang
sponsors at invitees na manalo ng mga premyo sa pamamagitan ng raffle draw.
Para sa mga sponsors, maaaring mapanalunan ang isang condo unit sa Eastwood Le
Grande (first prize), brand new Toyota Vios (second prize), at Duty Free gift
certificates na nagkakahalaga ng Php200,000.
Maaaring mapanalunan naman ng mga
invitees ang dalawang roundtrip tickets at mag-stay ng 6days/5 nights sa El
Nido, Palawan (first prize), 5 days/4 nights sa JPark Island Resort and
Waterpark sa Cebu (second prize), at Pearl Farm Beach Resort sa Davao (third
prize). Sagot ng Philippine Airlines (PAL) ang roundtrip tickets.
Bilang dagdag na pabuya sa
Filipino community sa Tokyo, ang tatlong organisasyon na may pinakamataas na
bilang ng BHAF invitees sa pagtatapos ng campaign period ay makatatanggap ng
premyo: 3 days/2 nights accommodation for two sa Blue Water Beach Resort
Maribago, Dusit Thani Manila, Diamond Hotel Manila, Golden Phoenix Hotel, o
Novotel Manila Araneta Center, at Limousine tour sa Tokyo.
Tinatayang 100 community leaders
mula sa 23 Filipino associations sa Tokyo ang dumalo sa paglulunsad na inorganisa
ng DOT-Tokyo sa pangunguna ni Tourism Attache Verna Buensuceso at
pakikipagtulungan sa Philippine Airlines, JPark Island Resort and Waterpark,
Megaworld at Seven Bank.
Nagkaroon ng iba’t ibang
aktibidad sa paglulunsad gaya ng photo walls, BHAF photo competition, raffle draws,
kantahan, kainan at marami pang iba.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento