Martes, Enero 16, 2018

Baguio pinangalanan bilang isa sa 64 UNESCO Creative Cities



Pagkatapos mapabilang sa shortlist ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) Creative Cities Network, opisyal nang kabilang ang Summer Capital ng Pilipinas na Baguio bilang isa sa mga bagong pinangalanang siyudad na kinilala sa kanilang katangi-tanging kontribusyon at patuloy na pagsusulong ng innovation at creativity sa pitong kategorya – Crafts and Folk Art, Design, Film, Gastronomy, Literature, Media Arts and Music. 

“These new designations showcase an enhanced diversity in city profiles and geographical balance, with 19 cities from countries not previously represented in the Network,” ang saad ni UNESCO Director-General Irina Bokova sa isang opisyal na pahayag.

Sa kabuuan, may 64 na siyudad mula sa 44 na bansa ang napabilang sa exclusive club. Ngayon, mayroon nang 180 na siyudad mula sa 72 bansa ang kabilang sa Network. Magaganap naman sa Hunyo 2018 ang Annual Meeting of the Creative Cities Network sa Krakow at Katowice sa Poland.  

Alinsunod sa balangkas ng implementasyon ng United Nations 2030 Agenda for Sustainable Development and the New Urban Agenda, binuo ang UNESCO Creative Cities Network noong 2004 “to provide a platform for cities to foster and demonstrate innovation, creativity and culture’s role as key drivers for building a more inclusive and sustainable urban development.”  

The Philippines’ first UNESCO Creative City

Layunin ng Creative Cities ang pagbuo at pagsusulong ng industriya ng paglikha; pagpapatibay ng partisipasyon ng publiko sa aspetong pang-kultura sa pamamagitan ng produksyon at distribusyon ng mga produkto, serbisyo at mga aktibididad; at integrasyon ng kultura at paglikha sa mga pulisiya ukol sa sustainable urban development ng mga lokal na pamahalaan.

Ang pagkakahirang ng Baguio City sa kategorya ng Crafts and Folk Arts ang unang pagkakataon na makapasok sa Network ang isang siyudad ng bansa. Isang patunay na hindi lamang sikat na holiday destination ang Baguio dahil sa klima at mga pine trees nito, ngunit patuloy din nitong pinagyayaman ang angking kultura ng siyudad na umaayon sa layunin ng Creative Cities Network.

Kinikilala ang Baguio sa masiglang art scene nito, nariyan ang pagkakabuo ng Baguio Arts Guild na itinayo ng mga Filipino artists na sina Benedicto Reyes Cabrera, Kidlat Tahimik, Willie Magtibay, Luisa Igloria, Roberto Villanueva, David Baradas, Santiago Bose, at Tommy Hafalla noong 1988.

Pinapatiling buhay din sa Baguio ang tradisyon ng paghahabi at pagsusulong ng Cordillera woven art sa pagsasanay sa mga kababaihan ng naturang kultura gaya ng pinangungunahan ng Narda’s Handwoven Arts and Crafts, na pinasimulan ng yumaong Igorot weaving icon na si Leonarda “Narda” Capuyan.

Kabilang din sa mayamang kultura ng paglikha sa Baguio ang wood carving at metal crafts. At ‘di rin makakaligtaan ang mga cultural at creative sites dito gaya ng Mt. Cloud Bookshop sa Casa Vallejo, Upper Session Road; Museo Kordilyera sa UP Drive, Governor Pack Road; Baguio Garden Theater sa Garden Terraces, Dagohoy St.; at BenCab Museum sa Tuba, Benguet. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento