Martes, Enero 9, 2018

Mangutang ng hindi nauuwi sa samaan ng loob

Ni Phoebe Dorothy Estelle



Mahirap ang masira ang propesyonal na koneksyon sa pagitan ng mga taong kahit papaano ay naging malapit na sa isa’t isa. Ito ay maliban na lamang kung wala na rin patutunguhan dahil nawala na ang tiwala at respeto.

Iba naman ang kaso kung kaanak ang nakakasamaan ng loob. Hindi ka basta makakapag-resign kung ayaw mo na o kaya naman ay ipawalang-bisa ang inyong kasunduan.  Kaya paano kung ang isyu ay ikaw ang nangungutang sa iyong kamag-anak?  Paano ka makasisiguro na magiging maayos ang inyong transaksyon at masisiguro sa kanila na ikaw ay magbabayad? Ang sumusunod ay ilan lamang sa pwedeng maging iyong hakbang:  

Maging totoo at magpaalala.  Hindi man magsalita ang isa’t isa ay ang bawat tao na nasa hustong gulang ay may pinaglalaanan ng kanilang pera. Kung may pagkakataon na hindi ka makakapagbayad pa ay mainam na ikaw na ang kusang magsabi nito sa iyong inutangan agad. Bukod sa tiwala at impresyon na may kasiguraduhan na magbabayad ka, nababalaan mo rin agad ang iyong inutangan sakaling may paggagamitan ito ng perang hiniram mo. Mainam na maging matapat ka na hindi ka pa makakabayad kaysa paghinalaan at sumama ang loob sa iyo ng iyong kaanak.

Magkaroon ng record. Sa una ay parang nakahihiya na magkaroon ng kasulatan tungkol sa utang ang dalawang taong malapit sa isa’t isa.  Kung maliit na halaga at kumpiyansa ka na maaabot mo ang pera ay pwedeng hindi na.

Subalit kung malaking halaga na ang usapan at aabot sa mas mahabang panahon ang bayaran ay huwag kang mahiya na gumawa ng kasulatan at talaan.   Ang inyong talaan ay magpapaalala kung magkano ang iyong inutang, ilan na ang iyong nababayad, at kung kailan ang takdang panahon na dapat na matapos mo na ito.

Mag-alok ng interes o magbigay ng ekstrang dagdag-bayad. Kahit marami naman pwedeng mautangan na bangko o lending company, mainam pa rin ang makautang sa kamag-anak.  Unang-una ay walang interes at mas maluwag ang paraan ng pagbabayad. 

Bilang pasasalamat sa iyong  inutangan alukin mo ng konting interes o dagdag-bayad. Isipin mo rin na halip na gastusin sa iba o naipit din ito, piniling pahiramin ka.  Alalahanin mo ang ideya na ito lalo na kung ginamitan ng credit card ang pinautang sa iyo.

Magpasalamat pero huwag mabaon sa utang na loob.  Magic word na maituturing ang katagang “thank you” at maraming salamat.  Dapat na igawad mo ito sa pinagkautangan mong kaanak. Subalit, dapat din maging klaro sa iyo at sa kanya na iba ang “utang na pera” at sobrang “utang na loob.”

Isa ang pagtanaw  ng utang na loob sa kaugalian ng mga Pinoy  na nabibigyan ng  negatibong kahulugan.  Kung umutang at bayad ka na ay tapos na ang usapan. Hindi mo obligasyon na gawan  ng pabor ang iyong inutangan, ito man ay pera o ibang bagay.

Magbayad sa takdang oras.  Ang pinakamahalaga sa pag-utang ay pagbabayad sa takdang oras o mas maaga pa. Tandaan na ang nakasalalay sa pangungutang ay hindi lamang pera, kundi tiwala, dangal ng pagkakaroon ng isang salita at relasyon. 

Huwag mong hayaan na dahil sa pera ay may makakasamaan ka ng loob dahil ang buhay ay ikot-ikot lang. Ang pera ay napapalitan pero ang relasyon ay mahirap nang maibalik sa dati kung nagkasiraan na. 


Makakaasa ka rin na sa muli kang mangailangan ay mayroon kang malalapitan dahil  napagkatiwalaan kang nagbabayad. Isa pa’y masarap mamuhay ng payapa at walang inaalala na kasamaan ng loob. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento