Miyerkules, Enero 31, 2018

Consulting contract ng Malolos-Tutuban railway project iginawad ng DOTr sa Japanese consortium

Ni Florenda Corpuz
           
Isang pangunahing hakbang sa konstruksyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) project (Malolos-Tutuban) ang isinagawa ng Department of Transportation (DOTr) sa pamamagitan nang paggawad nito ng consulting contract sa Japanese consortium sa pangunguna ng Oriental Consultants Global.

Nilagdaan ang kontrata sa pagitan ng dalawa kamakailan sa main office ng DOTr sa Clark, Angeles City. Sinaksihan ito ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Ang 37.6 kilometrong NSCR ay ang magiging bagong elevated railway ng Pilipinas na inaasahang makatutulong upang mabawasan ang oras ng biyahe mula Malolos, Bulacan patungo sa Tutuban, Manila na mula dalawang oras ay magiging 35 minuto na lamang.

Gagamit ang NSCR ng makabagong teknolohiya mula Japan kabilang ang seismic designs para gawing disaster-resilient ang imprastraktura.

Suportado ng Official Development Assistance (ODA) loan ng Pilipinas mula Japan ang proyekto na nagkakahalaga ng ¥241.991 bilyon na nilagdaan noong Nobyembre 2015.

Ito ay itinuturing na flagship project upang makatulong sa pagpapaunlad ng “Build, Build, Build” program ng gobyerno na naglalayong makakuha ng pamumuhunan sa imprastraktura.

“JICA has consistently supported transport infrastructure development in the Philippines since the 1960s. The NSCR project will be the game changer by kick-starting the large scale investment by the current administration through building a modern railway network for achieving the twin goals of addressing the serious traffic congestion in Metro Manila and enhancing the connectivity of Metro Manila and its nearby areas, thus expanding Manila’s economic sphere,” ani JICA Philippines Senior Representative Tetsuya Yamada.

Iginiit pa ni Yamada na bukod sa NSCR project ay sinusuportahan din ng JICA ang pagsasagawa ng feasibility studies at detailed design studies para sa railway services sa pagpapalawak ng NSCR sa North (Malolos-Clark) at South (Solis-Los Baños).

Ang NSCR ay bahagi ng cooperation agenda ng Japan at Pilipinas na kinilala noong unang Philippines-Japan Joint Committee on Infrastructure Development and Economic Cooperation meeting na ginanap sa Japan sa unang bahagi ng 2017.

Magugunitang inaprubahan ng gobyerno ang “Roadmap for Transport Infrastructure Development for Metro Manila and its Surrounding Areas” noong 2014 kung saan nakita na ang paggawa ng dalawang mass transit systems (NSCR at Metro Manila Subway project) ay makatutulong para mapagaan ang labis na konsentrasyon sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagpapabuti ng koneksyon nito sa labas ng lungsod.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento