Lunes, Nobyembre 7, 2016

Exploring lesser known autumn spots in Kyoto

Ni Herlyn Alegre


Kilala ang Kyoto na mayaman sa kasaysayan. Marami itong mga templo na itinayo ilang daang taon na ang nakalilipas. Karaniwan itong pinupuntahan ng mga tao para magpasalamat at idalangin ang kanilang mga hiling. Pero kapag dumating na ang panahon ng “momiji,” hindi lamang nagiging lugar ng panalangin ang mga templo, dinarayo rin ang mga ito dahil sa makukulay na mga dahong nakapaligid sa mga ito.

Karaniwan nang makikita sa listahan ng magagandang puntahang lugar kapag panahon ng taglagas ang Kiyomizudera at Ginkakuji sa Kyoto. Pero bukod sa mga ito ay marami pang hindi gaanong kilalang templo ang maganda rin bisitahin.  

Kodaiji. Hindi nalalayo sa Kiyomizudera ang Kodaiji. Kilala ito sa naggagandahan nitong mga maple leaves na lalong tumitingkad kapag nailawan sa gabi. Nagsisimula ang night illumination mula paglubog ng araw hanggang 9:30 ng gabi. ¥600 ang regular na ticket para makapasok dito at ¥250 naman para sa mga estudyante. Maaari rin na kumuha ng espesyal na discounted ticket sa halagang ¥900 kung gusto mong pumunta sa Kodaiji Temple, Kodaiji Sho Museum at Entokuin Temple.

Gioji. Sa ilang mga templo sa Sagano, isa ang Gioji sa mga dapat ilagay sa listahan ng pupuntahan. Ayon sa kwentong, “Heike Monogatari,” minsan daw nanirahan dito sina Gio at Hotoke-Gozen, mga babaeng inibig ni Taira Kiyomori, isang makapangyarihang samurai noong 12th Century. ¥500 ang regular na ticket sa templo pero maaaring kumuha ng discounted ticket para sa Gioji at Daikokuji sa halagang ¥600.  

Kuramadera. Matatagpuan ito 30 minuto mula sa sentro ng Kyoto. Maaaring mag-hike paakyat ng bundok ng Kurama habang pinagmamasdan ang mga pulang dahon o ‘di kaya naman ay sumakay ng cable car para mas makita ang ganda ng mga ito. Hindi rin kalayuan ang Kurama Onsen kung saan maaari kang mag-relax pagkatapos ng mahabang hike. Bukas ang templo hanggang 4:30 at ¥200 ticket para rito.

Kitano Tenmangu. Bagamat mas kilala ang templong ito dahil sa mga plum blossoms nito na namumukadkad tuwing Pebrero, marami rin itong mga puno ng maple na tumutubo sa may kanlurang bahagi ng main hall malapit sa Kamiya River. Makikita rin sa bahaging ito ng templo ang “Odoi,” mga batong pansanggalang na itinayo noong 1591 ni Toyotomi Hideyoshi, isa sa pinakamakapangyarihang “daimyo” sa kasaysayan ng Japan. May night illumination din dito na nagsisimula paglubog ng araw at nagtatapos ng alas-otso ng gabi.

Shinnyodo. Kung pagod ka nang makipagsiksikan sa mga tao sa Ginkakuji, maaari kang dumaan sa Shinnyodo na matatagpuan sa ‘di kalayuan. Natatago ito sa mas tahimik at mas residensiyal na bahagi ng Kyoto. Siguradong maaaliw ka sa paglalakad habang pinagmamasdan ang mga magagandang pulang dahon dahil walang masyadong dumadaang mga sasakyan sa bahaging ito. Walang bayad ang pagpasok sa paligid ng templo pero kailangang kumuha ng ticket kung gusto mong masilip ang inner chamber ng main hall o makita ang magandang Japanese garden.


Kahit paulit-ulit na pumunta sa Kyoto sa iba’t ibang pahanon, hindi ito nauubusan ng mga lugar na maaaring magpabilib at magpahanga sa iyo. Ang panahon ng momiji ang sinasabing pinakamainam na panahon ng pagpunta sa Kyoto kaya hindi ito dapat palagpasin. Kung hindi, kakailanganin mo pang maghintay ng 12 buwan para mapagmasdan ang ganda ng mga templong nababalot ng mga naghahalong pula at dilaw! 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento