Lunes, Oktubre 2, 2017

MNL48, makikipag-partner sa ABS-CBN


            Nag-perform ang AKB48 performs sa “It’s Showtime” noong
Nobyembre 2015. (Kuha mula sa  MNL28 Facebook)
Nakatakdang umere sa Kapamilya network ang bagong talent show kung saan maghahanap ng miyembro para sa MNL48, ang “sister group” ng Japanese all-girl pop group na AKB48.

Ayon sa Hallohallo Entertainment (HHE), makikipag-partner sila sa Kapamilya network para “showcase a new flavor of entertainment to the Filipino audience.”

Ang MNL48 ay itutulad sa orihinal na konsepto ng AKB48 kung saan pagpapasiyahan ang mga miyembro sa pamamagitan ng public votes.

Inilunsad ang AKB48 noong Disyembre 2005. Ito ay nahahati sa limang grupo: ang A, K, B, 4 at 8 na may konseptong “Idols You Can Meet” kung saan sila ay maaaring makilala at makasalamuha ng mga tagahanga.

Araw-araw na mapapanood ang kanilang mga pagtatanghal sa Akihabara, Tokyo kung sila ay mapapanood na kumakanta at sumasayaw at minsan ay nagsasagawa ng “handshake event” na katumbas ng meet and greet sa mga tagahanga.

Tinatayang 28 sa mga kanta ng AKB48 ay sunud-sunod na nanguna sa music charts sa Japan. Umabot sa 36.158 milyon ang kanilang CD single sales. Sila ay isa sa pinakamatagumpay na idol groups sa Japan.

“We’re very excited for this partnership and with ABS-CBN as the home for our new project, we’re very positive that this will be one of our biggest milestones yet,” ani HHE President Paulo Kurosawa.

Hindi pa inaanunsyo ang mga detalye ng talent show.

Inilunsad ang pagbuo sa MNL48 noong 2016.

May mga sister groups ang AKB48 sa iba’t ibang lugar sa Japan: Ang SKE48 sa Nagoya, NMB48 sa Osaka, HKT48 sa Hakata at NGT48 sa Niigata. Mayroon din itong sister groups sa ibang bansa: Ang JKT48 sa Jakarta, Indonesia at ang inaabangang TPE48 sa Taipei, Taiwan at BNK48 sa Bangkok, Thailand.

Kauna-unahang Japanese color film na ‘Gate of Hell’ mapapanood na sa TIFF

Kuha mula sa Kadokawa Corporation 1953

Ipapalabas sa special night event ng 30th Tokyo International Film Festival (TIFF) ang 4K digitally restored version ng “Gate of Hell (Jigokumon),” ang unang Japanese color film na ipinalabas sa ibang bansa, sa Kabukiza Theatre sa Oktubre 26.

Idinirehe ni Teinosuke Kinugasa, ipinalabas ang “Gate of Hell” sa 1954 Cannes Film Festival at tinawag na “the pinnacle of beauty” ng jury president na si Jean Cocteau. Napanalunan nito ang Cannes Grand Prix ng taong iyon at Academy Awards for Best Foreign Language Film and for Costume Design noong 1955.

Bida rito sina Kazuo Hasegawa, Machiko Kyo at Isao Yamagata. Base sa nobela ni Kan Kikuchi, umiikot ang istorya nito sa isang samurai na lubos na umibig sa isang babaeng may asawa. Dahil sa takot at pagsisisi ng babae ay napagdesisyunan niya na isakripisyo ang kanyang sarili para iligtas ang buhay ng kanyang asawa at ang karangalan nito. 

Samantala, magtatanghal naman sa isang Kabuku performance na pinamagatang “Otokodate Hana no Yoshiwara” ang Kabuki stalwart na si Ichikawa Ebizo pagkatapos ng screening.

Ang “Special Night Event at Kabukiza Theatre” ay isa sa mga highlights ng 30th Tokyo International Film Festival na gaganapin sa Roppongi Hills at iba pang venues sa Tokyo mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 3.

Linggo, Oktubre 1, 2017

Event outline ng 2017 Kyoto Int’l Film and Art Festival inanunsyo na


Ni Florenda Corpuz


Ang mga bumubuo ng Kyoto International Film and
Art Festival ngayong taon. (Kuha ni Din Eugenio)

Pormal nang inanunsyo ang event outline ng 2017 Kyoto International Film and Art Festival (KIFF) sa isang press conference na ginanap sa Yoshimoto Gion Kagetsu Hall kamakailan.

Pinangunahan ni KIFF Chairman Ichiya Nakamura ang pag-aanunsyo kung saan sinabi niya na gaganapin ang festival sa maraming ‘Kyoto-esque’ venues tulad ng Nishi Honganji temple, Okazaki Park at Kyoto Botanical Garden. Aniya, maraming kapana-panabik na kaganapan ang naghihintay sa mga bisita tulad ng pagdiriwang ng ika-100 anibersaryo ng animation.

“I hope visitors from all over the world will enjoy the festival for three nights and four days,” aniya.

Naniniwala naman ang film legend na si Sadao Nakajima, ang Organization Committee Honorary President na magbubunga ng mga bagong creative endeavors sa pelikula ang KIFF.

Dumalo rin sa kaganapan si Kyoto City Mayor Daisaku Kadokawa.

“Let’s inspire the whole nation using the arts and cultural activities. I hope Kyoto can be a stepping stone to that,” aniya.

Gaganapin ang red carpet walk sa harap ng Japanese National Treasure (Karamon gate) habang ang opening ceremony naman ay sa Southern Noh Stage ng Nishi Honganji temple. Ang Buddhist temple na ito ay kabilang sa listahan ng UNESCO World Heritage Site.

Bukod sa animation section na dinagdag ngayong taon ay nariyan din ang TV Director’s Movie section, Silent/Classic Movies category, Art section at marami pang iba.

Ang tema ngayong taon ay nakatuon sa “Movies, Art, and Everything Else.”

Gaganapin ang KIFF 2017 mula Oktubre 12 hanggang 15 at may tagline na “Kyoto: 3 Nights and 4 Days.”

“I feel the festival is dear to the people of Kyoto and they have great expectations for it,” pahayag ng direktor at komedyanteng si Yuichi Kimura na dumalo rin sa pagtitipon.


Japanese-Filipino Akira Takayasu, pinarangalan sa pagiging ōzeki


Kuha mula sa Philippine Embassy in Tokyo / Mrs. Bebelita Takayasu
Tinatayang humigit-kumulang sa 1,000 katao ang dumalo sa pormal na pagdiriwang ng pagiging ōzeki ng Filipino-Japanese sumo wrestler na si Akira Takayasu na ginanap sa Grand Prince Hotel New Takanawa sa Shinagawa, Tokyo kamakailan.

Ang 27-taong-gulang na si Takayasu ang kauna-unahang Japanese-Filipino na nakakuha ng rango na ozeki, ang ikalawa sa pinakamataas na ranggo sa larangan ng sumo wrestling.
Bukod sa pamilya, kaanak at malalapit na kaibigan, dinaluhan ang pagdiriwang ng matataas na opisyal at personalidad sa sumo wrestling at Filipino community. Isa si Philippine Ambassador Jose Laurel V sa personal na nagbigay ng parangal at papuri kay Takayasu, na ang inang si Bebelita ay isang Pilipina na mula sa Bohol at Cebu.

Sinabi ni Laurel na isang kamangha-manghang tagumpay ang ibinigay ni Takayasu sa Pilipinas partikular na sa mga Pilipinong nasa Japan.

“Ōzeki Takayasu has brought a very rare honor not only to his family and his sumo stable, but also to the Philippines and the 270,000-strong Filipino community in Japan. This is a feat that we will not probably see repeated in 50 years,” pahayag ni Laurel.

Pinuri ng ambassador si Takayasu dahil sa kanyang disiplina at pagpupunyagi upang marating ang tugatog ng tagumpay.

“As a Japanese-Filipino who achieved success through discipline and fortitude, his accomplishment mirrors the great heights to which Philippine-Japan relations have risen in recent years, and the great possibilities that remain. We have high hopes for Ōzeki Takayasu and wish him well in his coming tournaments,” ani ng ambassador.

Matatandaan na pormal na inanunsiyo ng Japan Sumo Association (JSA)  ang pagiging ōzeki ni Takayasu mula sa pagiging sekiwake nitong nakaraang Mayo matapos na magtala ng mahigit sa 33 panalo na isang pamantayan para sa promosyon.

Sa tagumpay na ito, abot-kamay na ni Takayasu ang oportunidad na maabot ang ranggo na yokozuna, ang pinakamataas na ranggo sa sumo wrestling kung saan apat na wrestlers ang may hawak ng ganitong ranggo sa kasalukuyan.

Bagong Japanese drama ng Amazon Prime na ‘Final Life’ nagsimula nang umere


Nagsimula na ngang umere at mapapanood na nang eksklusibo sa Amazon Prime Video ang pinakabagong Amazon Original series nito sa pagsisimula ng Setyembre at pagpasok ng autumn season dito sa Japan – ang inaabangang action-drama-thriller na pinamagatang “Final Life – Even if You’re Gone Tomorrow (ファイナルライフ明日、君が消えても−) na pinagbibidahan ng sikat na aktor na si Shota Matsuda at miyembro ng KPop idol group na SHINee na si Taemin.

Hate, Love, Fate, Loss

Ang bagong serye ay pagpapatuloy ng pagbibigay ng Amazon Japan ng mga de-kalidad at matatagumpay na regional programming.

“Prime members will become hooked on this thrilling yet poignant drama series with an unusual pair of leads from completely different backgrounds,” ang pahayag ni Amazon Prime Video Asia Pacific content head James Farrell sa panayam ng Variety sa kanya. Kasabay din ng anunsyo ang paglulunsad kamakailan sa official trailer at visual image ng naturang serye. 

Inilalarawan ang kwento nito na isang human drama tungkol sa dalawang kalalakihan na lumaki sa magkaibang klase ng buhay – si Ryo Kawakubo (Matsuda) na isang matinik na detective sa isang special investigative unit, na dumaan sa kahirapan at pagkasawi ng nakababatang kapatid dahil sa kapabayaan ng sariling ina at ngayo’y hinahanap din ang nawawalang ina pagkatapos ng pangyayari; at si Song Shi-on (Taemin) na naging marangya ang buhay at nanguna sa pagtatapos nito sa isang medical school sa Amerika hanggang sa maging test subject ito ng isang eksperimento na magiging sanhi ng pagkawala ng kanyang memorya.  

Magtatagpo ang landas ng dalawa sa secret special unit at sa kabila ng ‘di pagkakatulad ng dalawa ay matutulak sila na harapin ang mga hamon para resolbahin ang mga kumplikadong kaso.

Mula ang produksyon kina director Masatoshi Kurakata at screenwriters Sumino Kawashima at Junichiro Taniguchi. Mayroon itong kabuuang 12 episodes na ilalabas tuwing Biyernes ng 12 midnight simula Setyembre 8 at tatakbo hanggang Nobyembre 24.

Tampok din ang theme song nito na “What’s This Feeling” na kinanta ni Taemin. Bahagi rin ng cast sina Miori Takimoto, Shigeyuki Totsugi, Maho Nonami, at Sho Aikawa.

Unexpected pair of leads

Isa sa kaabang-abang ang kumbinasyon ng dalawang bida, na gaya ng mga karakter nila ay malaki ang pagkakaiba.

Kilala sa industriya si Matsuda na showbiz royalty bilang anak ng iconic actor na si Yusaku at actress-photographer na si Miyuki, kuya na si Ryuhei na isa rin na aktor at nakababatang kapatid na singer na si Yuki.

Ilan lamang sa mga notable performances ng aktor sa loob at labas ng Japan ang “Dias Police,” “Over the Fence,” “Liar Game” series “Love Shuffle,” at “Hana Yori Dango” series. Naparangalan na rin nito sa Nikkan Sports Film Awards, Japan Academy Prize at Mainichi Film Awards para sa “Ikigami” at “Waruboro.”

“Though I struggled, I did my best to say the Japanese and English lines. Since it’s a role that required detailed expressions besides the words (saying the lines), it was difficult. I did my best giving it a lot of thought and listening to advice so please look forward to it,” ang pahayag ni Taemin na unang pagkakataon sasabak sa pag-arte.  

Pormal na acting debut ito ni Taemin na nakilala bilang bahagi ng SHINee ng SM Entertainment. Ilan lamang sa kanyang mga acting projects ang “Ring Ding Dong,” “Replay,” “Juliette,” “Stand By Me,” “Sherlock,” at “Hello.” Kamakailan naman ay nagtanghal ang singer bilang promosyon din ng Japanese album nito na “Flame of Love” sa kanyang unang solo concert sa Nippon Budokan.






Miyerkules, Setyembre 27, 2017

‘Araw ng Pasasalamat’ idinaos ng The Kingdom of Jesus Christ sa Japan


Tinatayang mahigit sa 500 miyembro ng The Kingdom of Jesus Christ The Name Above Every Name kasama ang Kingdom Light Congregation of Japan ang nagsama-sama sa Amagasaki City para sumamba at magpasalamat para sa mga biyayang dumarating sa kanilang grupo.

Pinangunahan ni Appointed Son of God, Pastor Apollo C. Quiboloy, ang special thanksgiving at worship presentation bilang pagdiriwang sa 10 taon simula nang maitatag ang relihiyon sa iba’t ibang lugar sa Japan.

“The Appointed Son of God, Pastor Apollo C. Quiboloy, and the Kingdom Nation thank the Almighty Father, our Lord Jesus Christ, for all the marvelous blessings that have enabled us to help the needy; for the continuous growth and unstoppable expansion that has empowered us to reach the unreached and spread the light of salvation from its first inception in the year 2003,” ani ng religious group.

Mayroon ng anim na Kingdom of Sentinels of Light ang The Kingdom of Jesus Christ The Name Above Every Name sa Tokyo, Saitama, Gunma, Ibaraki, Nagoya, at Osaka at balak nila na magtayo pa sa iba pang mga lugar sa Japan.

Sa pamamagitan ng mga kongregasyon na ito ay milyun-milyong katao na nangangailangan na ang kanilang natulungan sa biyaya ng Diyos. Malaking bahagi nito ay kanilang ipinagpapasalamat kay Pastor Quiboloy sa pangunguna sa kongregasyon at pagiging ilaw sa gitna ng dilim.

Nagpapasalamat ang grupo na mula sa Pilipinas ay nakarating ang “Salita ng Diyos” at ang kanilang pananampalataya sa Japan na makakapagpatunay na wala ang lahi, relihiyon o antas ng pamumuhay ang makakahadlang sa pagsamba sa Diyos.


“The recent King Is Coming Tour in Amagasaki City, Osaka was nothing short of victorious for hundreds of truth seekers, not only Filipinos but also Japanese brethren and other nationalities have received the light of salvation through the message of repentance and love,” dagdag pa ng grupo.

Mga bagong opisyal ng PAG, nanumpa

Nanumpa sa kanilang tungkulin ang bagong PAG officers na sina 
(mula kaliwa) Alden Estolas, Ningning Tomiyama, Robert Alcamfor,
 Dr. George Cabrera, Eleanor Fukuda, Joyce Ogawa, Evangeline 
Yamamoto, Olive Akatsu, at Corazon Kasuga na pinangunahan
 ni Amb. Jose C. Laurel V. (Kuha mula sa Philippine Embassy, Tokyo)

 
Pormal nang nanumpa sa kanilang tungkulin ang mga bagong opisyal ng Philippine Assistance Group (PAG) sa isinagawang induction rites sa Philippine Embassy sa Tokyo kamakailan.

Pinangasiwaan ni Philippine Ambassador to Japan Jose C. Laurel V ang panunumpa ng mga bagong halal na opisyal ng PAG para sa taong 2017-2018.

Nanumpa bilang mga bagong opisyal sina Eleanor Fukuda ng ODAN-J (Organization for the Development and Advancement of Negros in Japan) bilang Chairman; Dr. George Cabrera ng CASTLE (Christian Association Serving Traditional Laymen’s Evangelization) bilang Vice-Chairman; Joyce Ogawa ng Sinag Japan bilang Treasurer; Robert Alcamfor ng TIMD (Tong-Il Modo Phil-Japan), Evangeline Yamamoto ng UFGY (Unified Filipino Group of Yokohama) at Olive Akatsu ng HAKMI (Hawak Kamay sa Mahal na Ina) bilang Executive Committee Members; Ningning Tomiyama ng TIFC (Takayasu International Fan Club), Corazon Kasuga ng FICAP (Filipina Circle for Advancement and Progress) at Alden Estolas ng AAIJ (Abraenian Association in Japan) bilang mga opisyal ng Membership Committee ng PAG.

Sa induction ceremony, binanggit ni Laurel ang kahalagahan ng pagkakaisa sa mga organisasyon sa Filipino community. Kinilala rin niya ang serbisyo ng mga outgoing officers ng PAG. Sinaksihan din niya ang pagtanggap sa Philippine Federation of Panay Islands in Japan (PFPIJ) bilang bagong miyembro ng PAG.

Ang PAG ang umbrella organization ng mga rehistradong organisasyon sa Filipino community sa Kanto region. Ito ay itinatag 20 taon na ang nakalilipas at nakatuon sa pagbibigay ng tulong sa mga Pilipinong mahirap na kalagayan partikular sa paglalaan ng medical assistance at pondo para sa kanilang repatriation sa pamamagitan ng Philippine Assistance Fund.


            

Japan at Pilipinas pag-iibayuhin ang kooperasyon sa emergency warning broadcasting system


Kuha ni Avito Dalan/Presidential Photo


Nilagdaan na ng Japan at Pilipinas ang kasunduan para pag-ibayuhin ang kooperasyon sa “Emergency Warning Broadcasting System and Data Broadcasting of Digital Terrestrial Television Broadcasting.”

Sinaksihan nina Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar at Japan Minister and Consul General Atsushi Kuwabara ang paglalagda na ginanap sa pagdiriwang ng 2nd ASEAN-Japan Television Festival sa Seda Vertis North Hotel sa Quezon City kamakailan.

Kumatawan para sa Pilipinas sina PCOO Undersecretary Noel Goerge Puyat at People’s Television Network General Manager Dino Antonio Apolonio habang sa Japan naman ay si Vice-Minister for Policy Coordination (International Affairs) of the Ministry of Internal Affairs and Communications Masahiko Tominaga.

Taong 2013 nang i-adopt ng Pilipinas ang Japanese digital TV standard o Integrated Services Digital Broadcasting-Terrestrial (ISDB-T). Ang bansa ang kauna-unahang miyembro ng ASEAN na nagsagawa nito.

Matatandaan na sinabi ni dating pangulo Benigno Aquino III na ang dahilan kung bakit mas gusto ng Philippine industry experts ang Japanese standards ay ang kakayahan nito para sa isang emergency broadcast sa panahon ng sakuna.

“We are told that it was used during the Fukushima incident. Iyong Shinkansen bullet trains managed to stop x number of seconds on a minute prior to the earthquake hitting, (and) saved lives; iyong ability to turn on television sets to broadcast this warning maski na naka-off,” paliwanag ng dating pangulo.

Martes, Setyembre 26, 2017

Philippine Festival 2017 gaganapin sa Hibiya Park

Ni Florenda Corpuz


Nakatakdang ganapin ang pinakamalaki at pinakamakulay na pistang Pilipino sa Japan – ang Philippine Festival 2017 sa Hibiya Park, Tokyo sa darating na Setyembre 30 at Oktubre 1.

Tinawag na “Barrio Fiesta” noong 2012 at 2013, napagdesisyunan na palitan ang pangalan nito at gawing “Philippine Festival” upang lalo itong mapagtibay sa taunang pagdiriwang ng kasiyahan sa Japan.

Nakatakdang ipamalas sa dalawang araw na kapistahan ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng mga awitin at sayaw. Hindi rin mawawala ang mga booths kung saan iba’t ibang uri ng produktong Pilipino tulad ng mga handicrafts, damit at souvenir ang mabibili.

Nariyan din ang mga paboritong pagkaing Pilipino tulad ng adobo, mga kakanin, halu-halo at marami pang iba. Inaabangan din ang mga patimpalak tulad ng singing contest at celebrity impersonation, at serbisyo ng mga kumpanya para sa mga kababayan.

Inaasahan din ang pagpapamalas ng talento ng mga lokal na mang-aawit at mananayaw mula sa Filipino community.

Dadalo rito ang ilang sikat na bituin mula sa Pilipinas tulad nina Miss International 2016 Kylie Verzosa, Xian Lim at KZ Tandingan.


Ang Philippine Festival 2017 ay proyekto ng Filipino community sa Japan sa pakikipagtulungan ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo. Layon nito na pagbuklurin ang mga Pilipino sa Japan at palaganapin ang pag-unawa at pagpapahalaga sa kulturang Pilipino sa tinaguriang “Land of the Rising Sun.”

Tulong sa 242,000 Pinoy sa Japan tiniyak ni Cayetano

Ni Florenda Corpuz

Nakipagdiskusyon si Cayetano kay DFA Assistant Secretary Millicent
Cruz-Paredes at Ambassador to South Korea Raul Hernandez tungkol
 sa DPRK missile test sa kanyang pagbisita sa Seoul, South Korea
kamakailan. (
Kuha mula sa DFA)


Handa ang Embahada ng Pilipinas sa Tokyo at Konsulado sa Osaka para tulungan ang mga Pilipino sa Japan kung kinakailangan.

Ito ang tiniyak ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter S. Cayetano sa isang pahayag kasunod nang paglulunsad ng North Korea ng ballistic missile na lumipad sa Japanese airspace noong Agosto 29.

Ayon sa kalihim, inatasan na niya ang Embahada na patuloy na i-monitor ang sitwasyon at siguruhin na ligtas ang nasa 242,000 na mga Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Japan.

“I wish to assure our kababayans in Japan that our Embassy in Tokyo and our Consulate General in Osaka are prepared to assist them should it be necessary,” pahayag ni Cayetano.

Bago ito ay nagpahayag ng “grave concern” ang Pilipinas sa isinagawang pagpapakawala ng ballistic missile ng Pyongyang na lumipad sa southern Hokkaido sa loob ng dalawang minuto, 5:58 ng umaga (Japan time) at nagbigay ng “J-alert” sa mga tao na lumikas sa emergency shelter.

“We call on the DPRK to halt these dangerous and provocative actions, which heighten tensions, increase instability and the risk of miscalculation, and could possibly endanger lives,” ani Cayetano.

“ASEAN and the Philippines, as this year’s Chair, remain committed to peaceful resolutions of conflict,” dagdag niya. “While we are ready to do our part, provocations such as this latest missile launch should stop to help us put in place an environment that would be conducive for dialogue.”

Ito na ang pangalawang beses na nagpakawala ng missile ang NoKor na lumipad sa Japanese airspace. Una ay noong 1998.