Lunes, Setyembre 1, 2014

Ambassador Lopez, tutulungan ang ‘Philippine Nikkei-Jin’


Si Ambassador Lopez kausap ang grupo ng Philippine-Nikkei Jin
Nagpakita ng kanyang pagsuporta si Philippine Ambassador Manuel Lopez sa grupo ng Philippine Nikkei-Jin na pumunta kamakailan sa Japan para sa kanilang adhikain na kilalanin bilang mga Japanese.

Ang Philippine Nikkei-jin ay ang mga anak at kaapu-apuhan ng mga Japanese na nagpunta sa Pilipinas, karamihan ay noong mga huling taon ng 19th century hanggang 1945, at nakapangasawa ng Pinay at nakabuo ng pamilya. Matapos ang World War II ay naulila sa ama ang karamihan sa mga anak  ng Japanese emigrants at naiwan sa kanilang mga anak sa Pilipinas.

Ilan sa mga Philippine Nikkei-Jin na nakipagkita kay Lopez ay ang magkapatid na Henry at Ramon Sato, Hideo Miyake, Felixberto Fujiwara, Josefina Yagi, at Victoria Takeshige na nakarating sa bansa sa tulong ng Philippine Nikkei-jin Legal Support Center (PNLSC), isang non-stock at non-profit na organisasyon.

Ipinahayag ni Lopez ang kahandaan ng Embahada na tulungan sila sa pagkuha ng travel documents na kailangan upang makapunta sila sa iba’t ibang ahensiya sa Japan para sa pagpoproseso ng mga kakailanganin upang sila ay kilalanin bilang Japanese.
Kailangan ng mga Philippine Nikkei-jin ang travel documents dahil walang iniisyu sa kanila na pasaporte ang Pilipinas dahil sa legal na aspeto ng kanilang kapanganakan at paninirahan sa Pilipinas.

Pinayuhan din ni Lopez ang Philippine Nikkei-jin, sa tulong ng PNLSC, na maghain ng petisyon na humihingi ng tulong ng gobyerno ng Pilipinas para patunayan ang kanilang pagiging mamamayan ng bansa. Ito ay dahil sa ang kani-kanilang ina ay Pilipina at ang kanilang amang Hapon ay tumira at nakapagtrabaho sa Pilipinas.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento