Miyerkules, Setyembre 3, 2014

Bilang ng turista sa Japan, tumaas – JNTO


Ni Florenda Corpuz

TOKYO, Japan – Masayang ibinalita ng Japan National Tourism Organization (JNTO) na tumaas ang bilang ng mga dayuhang turista na bumisita sa bansa sa unang anim na buwan ng taon dahil sa pagluluwag sa pagkuha ng visa, mababang palitan ng yen at pagdami ng international flights sa Haneda Airport.

Batay sa ulat ng JNTO, umabot sa 6.26 milyon ang bilang ng mga dayuhang turista na bumisita sa bansa mula Enero hanggang Hunyo ng 2014, mas mataas ng 26.4% kumpara noong nakaraang taon.

Inokupa ng mga Taiwanese ang unang pwesto sa pinakamaraming bilang ng mga foreign tourist arrivals na umabot sa 1.39 milyon, mas mataas ng 35.1% kaysa noong 2013. Sumunod sa ikalawang pwesto ang mga South Koreans, na dati’y nasa unang pwesto, na umabot sa 1.27 milyon, mas mababa ng 3.3%. Nasa ikatlong pwesto naman ang mga Chinese na umabot sa 1 milyon, mas mataas ng 88.2%.

Nagtala rin ng paglobo ang bilang ng mga turista mula sa Southeast Asian countries tulad ng Thailand at Malaysia na nabigyan ng visa-free entry sa bansa noong nakaraang taon. Sumipa sa 330,00 ang bilang ng mga Thais, mas mataas ng 63.8% habang nagtala naman ng 62.5% pagtaas ang mga Malaysians sa 110,000.

Positibo rin ang naitalang bilang ng mga turista mula sa Pilipinas, Indonesia at Vietnam na inisyuhan ng multiple-entry visa na balido hanggang tatlong taon para sa short-term stay.

Inaasahan ng JNTO na papalo sa 12 milyon ang bilang ng mga foreign tourist arrivals sa bansa sa pagtatapos ng taon.

Samantala, naglabas ng bagong patakaran ang Ministry of Foreign Affairs (MOFA) noong Hunyo sa pagluluwag ng pamahalaang Hapon sa requirements sa pagkuha ng multiple-entry at single-entry tourism visas ng mga turista mula sa Pilipinas, Indonesia at Vietnam na nais bumisita sa bansa. Habang, naisyuhan naman ng multiple-entry visa ang mga turista mula sa India. Isinasaayos pa ang simula ng aplikasyon para rito.

Layon ng pamahalaang Hapon na ipakilala bilang tourism-oriented country ang bansa at makaakit ng 20 milyon dayuhang turista kada taon bago ang 2020 Tokyo Olympics.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento