Miyerkules, Setyembre 3, 2014

Mga karaniwang pagkakamali ng mga Pilipino sa paggamit ng Nihongo



 Ni Rey Ian Corpuz

Marahil karamihan sa atin sa Japan ay dumaan sa butas ng karayom kung ang pag-uusapan ay ang pagkabihasa sa wikang Hapon. Marami sa atin ay iba-iba ang naging karanasan kung bakit tayo ay nakakapagsalita o ‘di naman kaya ay naging bihasa sa wikang Hapon. Minsan ang mga masaklap na karanasan ay siyang nagtutulak sa atin na pag-aralan at maging bihasa sa pagsasalita nito.

Subalit, kahit marami sa atin ay matagal na sa Japan, may iilan parin ang masasabi nating hirap pa rin ng pagsasalita ng wikang Hapon. Ang antas ng wikang Hapon ay nasusukat sa apat na kategorya -- kahalintulad ng kahit anumang wika-- pagsasalita, pakikinig, pagbabasa at ang pagsusulat.

Kung sa iba, kung hindi mahalaga ang pagsasalita ng wikang Hapon, marahil ay hindi ito ginagamit sa trabaho o sa bahay. Pero napakalaking tulong nito balang araw dahil hindi mo alam kung hanggang kailan ka magtatrabaho sa isang kumpanya na puro lang Ingles o Pilipino ang salita.

Ang kaalaman sa wikang Hapon sa aspeto ng pananalita, pagbabasa at pagsusulat ay nagbubukas ng maraming oportunidad lalo na sa ating mga Pilipino rito sa Japan. Hindi sapat na wikang Pilipino o wikang Ingles lang ang alam natin. May mga bagay-bagay na kung saan mas nagiging mainam na kahit sa payak na paraan ay sanay tayong makipag-komunikasyon sa wikang Hapon.

Mataas ang respeto na ibinibigay ng mga Hapon kung kayo ay marunong gumamit ng Japanese. Sa pormal na pag-aaral, ang wikang Hapon ay may iba’t ibang antas kaya importante na maging maingat sa paggamit nito base sa kung sino ang kausap at kung saan kayo nag-uusap. Hindi lahat ng naririnig sa kapwa na nagsasalita ng Nihongo ay kailangan o angkop itong gamitin sa pananalita.

Karaniwan ang mga kalituhan at pagkakamali ay nababasa ko sa social media sites tulad ng Facebook at sa mga kilalang Filipino forum sites.

1.                      Ang paggamit ng “chan” at “kun.” Ang chan ay kinakabit lamang sa babaeng bata ang pangalan at kun naman kapag batang lalaki. Parati kong naririnig sa mga Pilipina rito ang pagtawag ng pangalan na may chan kahit sa mga may edad na tao. Ang chan at kun ay ginagamit bilang “kawaii” na pantawag at hindi dapat gamitin kung sa mga pormal na bagay. Mas pormal gamitin ang “san”.  Halimbawa, “Aiko-san” sa halip na “Aiko-chan.” Maaaring gamitin ang chan o kun kung malapit na kakilala ang tatawagin mo nito, kundi ay san ang gamitin.

2.                      “Haken” (派遣) at “Hyaku en” (100円). Ang mga taong nagtatrabaho sa isang “dispatch company” ay haken at ang mga paninda sa Daiso ay hyaku en. Naalala ko na sinabi sa akin ng isa kong kakilala na ang kumpanya niyang tinatrabahuan ay hyakuen. Akala ko naman noon ay sa Daiso siya nagtatrabaho. ‘Yun pala ay sa isang dispatch company ng mga gumagawa ng “bento.”

3.                     “Shacho” (社長) sa halip na “sacho”(さちょう). Unang-una, wala pong salitang sacho. Iyong “sha,” ay ang sha ng “kaisha” (会社) o kumpanya. Ang “cho” ay ibig sabihin mahaba o iyong may pinakamahaba o may pinakamataas na katungkulan sa kumpanya. Sana po ay tigilan na ng karamihan ng mga Pilipino ang pagsasabi sa social media ng sacho.

4.                       “Hisashiburi” (久しぶり) sa halip na “sashiburi” (さしぶり). Wala pong salitang Hapon na sashiburi. Ito po ay “hisashiburi” o ibig sabihin ay “long time no see” sa wikang Ingles.

5.                     Kalituhan sa salitang “yukata” (浴衣) at “yokatta.”(良かった). Ang yukata po ay casual na damit na isinusuot tuwing tag-init. Ang yokatta ay ang salitang sinasabi kapag may magandang bagay ang naganap. Halimbawa, kung may “deadline” sa opisina na proyekto at naihabol mo bago ang nakatakdang oras, pwede mong sabihin na “Yokatta…”


Sadyang mahirap ang wikang Hapon. Pero kung ganito na lang parati ang nagiging rason natin upang hindi tayo mag-aral o intindihin ang kanilang wika, talagang hindi tayo matututo at hindi natin makukuha ang respeto ng bawat Hapon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento