Miyerkules, Setyembre 3, 2014

Nasaan na ang ating kinabukasan?

Ni Al Eugenio


Karamihan sa mga nagtuturista sa ibang bansa o sa sarili man nilang bayan ay nakatuon ang isipan sa mga tanawin, mga makasaysayang lugar, masasarap na pagkain at mga naiibang kultura ng bayan. Subalit ano ba kaya talaga ang nagpapabalik sa mga turista sa isang lugar? Madalas ay ang kaayusan ng isang bayan na ikagiginhawa ng mga dayuhan habang namamalagi sa binisitang bayan.

Maraming bansa ang may mga ipinagmamalaking katangian. Matataas na tower, mahahabang tulay, mga makasaysayang gusali, tanawin at mga karanasan na doon lamang mararanasan. Ngunit paglisan ng isang dayuhan sa isang lugar, ano kayang alaala ang maiiwan sa kanyang isipan, iyon kaya ay kaaya-aya o nakakainis na karanasan?

Dito sa Japan, ang pinakamalaking bagay na nakakatawag-pansin sa mga dayuhan ay ang kanilang kultura, kahit na mahal ang mga bilihin ay binabayaran pa rin ng karamihan, maging mga Hapon man o mga dayuhan. Mga bagay na nakilala na ang Japan kahit na noon pa man. Tulad na lang halimbawa ng kanilang mga kasuotan, mga pagkain at mga kagamitan. Ilan lamang ang mga ito sa mga patuloy na kinagigiliwan ng mga dayuhan.

Mayroon din naman mga lugar, bagama't mahirap lamang, ay nagkaroon naman ng makulay at malalim na mga kasaysayan na hanggang ngayon ay pinakaiingatan ng kanilang mga mamamayan, dahil sa alam ng kanilang mga namumuno na tanging ito lamang ang kanilang masasabing tanging kayamanan. Isang halimbawa na nito ang mga makasaysayang gusali ng Angkor Wat at ang lugar ng Siem Reap sa Cambodia.

Dahil sa ang Cambodia ay dumaan sa mahabang digmaan at walang mga industriyang tulad ng sa China at Vietnam, ang tanging maaasahang mapagkakakitaan ay ang pagdating ng mga turista sa kanilang bayan.

Pinag-aralan mabuti ng kanilang mga  namumuno kung papaano magiging kalugod-lugod ang Siem Reap sa mga turista na bibisita sa lugar na ito. Tulad dito sa Japan, ang kapaligiran ng Siem Reap ay maayos at hindi nakakatakot. Makakapamasyal ang isang dayuhan ng walang ipag-aalala. Walang mga taong nagpupumilit na bilhin ang kanilang itinitinda. Sa bawat pagtatanong, bagamat bihira lamang ang nakakapagsalita ng Ingles,  ay may kasunod na ngiti pagkatapos ng bawat pakikipag-usap. Iniiwasan ng mga tagaroon ang pandaraya ng sa ganoon ay buo ang pagtitiwala ng bawat dayuhang darating sa kanilang bansa.

Tulad din dito sa Japan, pinapahalagahan ng mga taga-Siem Reap ang kanilang mga nakaraan. Iniingatan nila ang kanilang kultura, tradisyon at mga nakagawian. Bagama't  simple at mahirap lamang ang kanilang bansa, naroroon ang paggalang ng bawat dayuhang bumibisita sa kanilang lugar.

Bilang isang Pilipino, nakapagtataka kung bakit ang mga bansa sa ating paligid ay patuloy na umuunlad. Pinapahalagahan ng kanilang mga namumuno ang kapakanan ng kanilang mga mamamayan. Bagama't mabagal ang ibang lugar, dahil sa kanilang pagkakaisa ay natatanaw na darating ang araw na magiging maginhawa ang kanilang pamumuhay.

Hindi katulad ng sa atin sa Pilipinas, para bang wala ng pag-asa na makaahon ang karamihan sa kahirapan ng buhay. Mula pa noong araw, nang ang marami sa atin ay mga bata pa, lagi na lang pinagkakasya ang kaunting kinikita upang maisalba ang pangangailangan sa pang-araw araw. Laging kalakip ng pagtitiis.

Ang marami sa ating mga lingkod-bayan ay kulang sa mga pamamaraan upang mapaganda ang takbo ng ating pamumuhay. Madalas na nadadaig ang kanilang mga sinumpaang tungkulin ng mga alok na makadaragdag sa kanilang yaman at kapangyarihan. Inuuna nila ang mga makakatulong upang sila ay makapanatili sa kanilang kinalalagyan.

Ang mga maluluwag na lugar sa ating mga siyudad na dating nagbibigay luwag sa ating pakiramdam ay unti-unti nang napapalitan ng mga gusali na pinagkakakitaan ng mga gahaman sa yaman. Sa kabi-kabila ay nagsusulputan ang mga gusali na hindi gaanong binibigyan ng halaga ang epekto nito sa kapaligiran. Kahit na masira pa ang mga mahalagang mga kasaysayan at kalikasan ay nakakalusot sa mata ng mga nagbubulagang mga pamunuan.   

Isang halimbawa rin ang bansa ng Vietnam,  galing din sa hirap ng mahabang digmaan. Dating kulang sa kaalaman sa maraming bagay na sa atin pa sa Pilipinas nagpaturo ng pagtatanim ng palay. Nakalipas lamang ang kaunting panahon ang mas nakakarami sa kanilang mga mamamayan ay may sari-sariling motorsiklo patungo sa kanilang mga pinagtatrabahuhan. At dahil sa maayos na pamamalakad ng kanilang mga pamunuan, ay tayo pa ngayon ang umaangkat sa kanila ng kakulangan nating palay.

Hindi nakapagtataka na darating ang panahon na ang Rizal Park ay tatawagin na rin isang Rizal Estate Complex na. Matatayuan na rin siguro ito ng mga condo, casino at marahil ay mga mall pa. Papaano na ang ating mga nakaraan, nasaan na ang ating kultura at mga kasaysayan? Lilinlangin na naman tayo ng ating mga pamunuan na ang mga nakikinabang ay mga lahing banyaga na wala naman talagang pakialam sa kapakanan ng ating bansa at mga mamamayan. Papaano na ang ating kinabukasan?


Mula pa noon ang karamihan ng mga Pilipino ay palaging humihingi na lamang ng awa sa mga dayuhan, mistulang api sa mata ng karamihan. Bagama't alam din ng marami sa atin na ang may kagagawan ng mga paghihirap na ito ay mula sa marami din nating sariling kababayan. Marami ang walang sapat na lakas ng loob upang tumayo at makipaglaban. Hanggang kailan kaya natin titiisin ang walang pagbabagong pamumuhay?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento