Miyerkules, Setyembre 3, 2014

Mountain Day gaganapin tuwing Agosto simula 2016

Ni Florenda Corpuz



TOKYO, Japan – Itinatag ng Diet na opisyal na public holiday ang Agosto 11 bilang paggunita sa Mountain Day o Yama no Hi simula taong 2016.

Ayon sa bagong kautusan, ang Mountain Day ay gugunitain upang bigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na maging malapit sa mga kabundukan at pahalagahan ang mga benepisyo na naibibigay nito sa mga tao.

Isinagawa ang desisyon kasunod ng pag-lobby rito ng Japanese Alpine Club at iba pang mountain-related groups na naniniwalang kailangan ipagdiwang ng bansa ang mga kabundukan nito.

Naging magandang balita naman ito sa mga manggagawa na nabigyan ng karagdagang araw na pahinga sa buwan ng Agosto bukod sa paggunita sa Obon (hindi opisyal na public holiday) na halos katumbas ng Undas o Araw ng Kaluluwa sa Pilipinas.

Isa sa popular na gawain ng mga tao sa Japan ang walking at trekking tuwing panahon ng tag-init at skiing naman tuwing panahon ng taglamig dahil sa malaking bahagi ng lupain nito ay bulubundukin.

Ang Mountain Day ang 16 na taunang national holiday na ginunita sa bansa na kinabibilangan din ng New Year’s Day (Enero 1), Coming of Age Day (ikalawang Lunes ng Enero), Foundation Day (Pebrero 11), Vernal Equinox Day (Marso 20), Showa Day (Abril 29), Constitution Memorial Day (Mayo 3), Greenery Day (Mayo 4), Children’s Day (Mayo 5), Marine Day (ikatlong Lunes ng Hulyo), Respect for the Aged Day (ikatlong Lunes ng Setyembre), Autumnal Equinox Day (Setyembre 23), Health and Sports Day (ikalawang Lunes ng Oktubre), Culture Day (Nobyembre 3), Labor Thanksgiving Day (Nobyembre 23) at Emperor’s Birthday (Disyembre 23).
             


            

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento