Martes, Setyembre 2, 2014

Desisyon sa welfare assistance

Ni Cesar Santoyo

Maraming mga dayuhang migrante sa Japan kasama ang mga lokal na kaibigan at mga tagasuporta ang nabigla sa desisyon ng Korte Suprema na nagsabing hindi kabilang sa welfare benefits ang mga dayuhan na may hawak ng permanent visa. Naganap ang pahayag noong ika-18 ng Hulyo, 2014 bilang hatol ng Korte Suprema sa demanda ng 82-taong- gulang na Chinese na naninirahan sa Oita Prefecture.

Ang nagdemanda ay ipinanganak at lumaki sa Japan. Idinemanda niya ang Oita City government noong 2009 matapos tanggihan ng lokal na pamahalaan ang kanyang aplikasyon na mabigyan ng “seikatsehogo” o welfare assistance sa kadahilanan siya ay may kaunting impok na pera sa bangko.

Bilang argumento, sa Japan na  ipinanganak ang nagsakdal at nagbabayad ng buwis sa buong buhay niya. Sa panig naman ng Mataas na Hukuman, ang welfare benefits ay itinakda ng batas para lamang sa mga Japanese.

Nakababahala ang desisyon ng Mataas na Hukuman ng Japan sapagkat maaaring gamitin ito ng mga lokal na ahensya ng pamahalaan kapag hindi nito pinaboran ang kahilingan na welfare assistance ng mga permanenteng residenteng dayuhan. Sa kasalukuyang patakaran, ang mga Pilipina na asawa ng Japanese at mga anak na Japanese-Filipino ay kabilang sa mga nabibigyan ng welfare assistance.

Ang welfare assistance o seikatsehogo ay ang pinakahuling pagkakataon para makahaon ang mga Pilipina na may maliliit na mga anak na karaniwan ay nakipaghiwalay sa asawa sa iba’t ibang dahilan tulad ng domestic violence.

Ang pagkakaroon ng relasyon sa dugo sa Japanese kagaya ng pagiging asawa at anak ay ang kaibahan ng katangian ng mga migranteng Pilipino kumpara sa mga dito na ipinanganak na mga Chinese at Koreans na hindi nag-asawa ng Japanese.

Subalit hindi nangangahulugan na sa kadahilanan na ang mga Filipino sa Japan ay nakakakuha ng seikatsehogo batay sa relasyon sa Japanese ay maaari ng maging kampante sa naging pahayag ng Korte Suprema ng Japan. Sapagkat pagsapit ng 18-taon-gulang ng anak na Japanese-Filipino ay tapos na rin ang seikatsehogo.

 Marami rin na mga isyu at magkakasalungat na pananaw sa pag-apply at paggamit ng seikatsehogo ng ating mga kababayan. Nariyan ang pananaw na hindi na raw dapat magtrabaho pa ang nanay na ang mga anak ay nakapailalim sa seikatsehogo. Pero ayon na din sa batas, hindi kasama ang mga dayuhan sa seikatsehogo kaya ang halaga na tinatanggap ng ina ay sakto lamang sa mga gagastusin para sa kanyang mga anak at depende sa pondo na kayang ilaan ng lokal na pamahalaan. At kung tutuusin, ang seikatsehogo ay pera na ibinibigay sa ina para maalagaan niyang mabuti ang kanyang anak na Japanese at hindi maaaring maluho ang pamumuhay.

Subalit sa mga darating na mga dekada, sampu o mahigit pang mga taon na darating, hindi naman kaya kailangan rin ng nanay ng Japanese-Filipino na humingi rin ng seikatsehogo? Lalo na’t ang karamihan sa mga nanay natin dito sa Japan ay walang social insurance at retirement benefits.

Maaari nating makita sa kasaysayan ng Japan kung saan tayong mga dayuhan ay nakapuwesto at papaano dapat maipuwesto sa usapin ng welfare assistance. Noong nagdaang dalawang siglo ay halos walang makitang mga dayuhan sa bansa. Sa mga pagbitay na sinapit ng mga relihiyosong Franciscan martyrs sa ilalim ng Order of Friars Minors at sa hiwalay na panahon ng proklamadong Santo Lorenzo Ruiz ay mababatid na natin kung anong klaseng patakaran sa dayuhan mayroon ang Japan sa sinaunang panahon.

Napasailalim ang bansa sa pamamahala ni General Douglas McArthur pagkatapos matalo ng Amerika ang Japan sa Ikawalang Digmang Pandaigdigan ng taong 1946. Naglabas ng 1950 Public Assistance Law ang Japan na nagsasabing dapat gumawa ng hakbang ang estado para protektahan ang mga may maliliit na pingkakakitaan para maisalba sa kahirapan at magkaroon ng simpleng pamantayan ng pamumuhay “ang lahat ng mga mamamayan ng Japan.”

Noong 1954, naglabas ang welfare ministry ng pambansang anunsiyo sa mga munisipyo na nagpapaliwanag na sa nasabing batas (1950 Public Assistance Law ) ay hindi kasama ang mga dayuhan dahil sa isyu ng nasyonalidad.

Subalit ang mga dayuhan na nahaharap sa matinding kahirapan, ayon sa welfare ministry, ay dapat bigyan ng tulong kung nakikita ng munisipyo na kinakailangan ito. Magmula rito ay nakagawian na ng mga munisipyo na maaari nilang bigyan tulong ang mga dayuhan ayon sa kanilang kapasyahan.

Kaya ang mga dayuhan kasama na ang mga Pilipina at mga anak ay nakakatanggap ng tulong pabuya ayon sa kagustuhan ng munisipyong kinasasakupan ng banyaga. Pero noong taon 1990 ay nilimitahan ng ministry ang pagbibigay ng welfare assistance para lamang sa mga may permanent residency at long term visa.

Hindi rin pinapahintulutan ng pamahalaan na makabilang kahit sa anong social securities kagaya ng tulong sa pagpapalaki ng anak at pension program ang mga dayuhan.  Sapagkat sinasabi sa batas na ang lahat ng tatanggap ng social security benefits ay mga “Japanese nationals” lamang. Nabago ito mula ng sumali ang Japan sa mga takdang pandaigdigang kasunduan ng United Nations at naging signatory ang Japan sa International Covenants on Human Rights (1979), at ang UN Convention Relating on the Status of Refugees (1982). Bilang signatory ng mga deklarasyon ng United Nations ay dito nakaugat ang Immigration Control and Refugee Recognition o ICRRA na ginagamit na batayan ng batas para sa mga dayuhan.

Kung ating matatandaan, sa unang bahagi ng dekada ‘90 ang mga Pilipina na nakipagdiborsyo sa asawang Japanese ay pinapauwi ng immigration kahit ito ay may anak sa asawang Japanese. Isa itong malaking laban ng panahong iyon na ipinagwagi gamit ang mga deklarasyon ng UN na pinirmahan ng Japan bilang batayan para baguhin ang maling patakaran ng mga ina na dayuhan.  Sa ngayon ang mga nanay na may anak na Japanese-Filipino ay may pinirmihan nang visa para manatili sa bansa.

Kahit ba na sinasabi ng batas ng Japan na hindi kabilang ang mga dayuhan sa welfare benefits ay mayroon naman na pinirmahan ang Japan na pandaigdigang deklarasyon sa ilalim ng United Nations. Hindi tayo dapat malunos sa deklarasyon ng Korte Suprema ng Japan kamakailan. Ito’y sapagkat mayroong pagdedesposisyon ang bawat munisipyo at mga pandaigdigan kasunduan bilang batayan para irespeto at ibigay ng pamahalaan ang naaayon na kagalingan at karapatan pantao ng lahat kasama ang mga dayuhan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento