Ni
Len Armea
The Dawn (Kuha ni Oliver Calingo) |
Kung
mayroong Juan dela Cruz band noong ‘70s at Eraserheads noong ‘90s, bumida naman
ang The Dawn noong ‘80s na ang mga kanta ay naging inspirasyon ng mga Pilipino partikular
na ng mga kabataan na noo’y nabubuhay sa ilalim ng Martial Law.
Tinitingala
bilang Pinoy rock icon, tuloy pa rin ang The Dawn sa pagbuo ng kanta at
pag-aalay ng musika sa loob ng halos tatlong dekada. Nito lamang ay nagdaos ang
banda ng isang concert na pinamagatang “Landmarks” sa Music Museum sa Greenhills,
San Juan na dinaluhan ng kanilang mga tapat na tagatangkilik.
Kinanta
ng The Dawn na ngayon ay binubuo ni Jett Pangan (vocals), Buddy Zabala (bass),
JB Leonor (drums), at Sancho (guitars), ang mga popular at luma nilang kanta na
tila isang pagbalik sa nakaraan.
Binuksan
ng the Dawn ang kanilang konsiyerto sa pagkanta ng “Alam Ko, Alam Niyo” na mula
sa kanilang ikaapat na album na “Heart Thunder.” Sinundan ito ng “Love Will Set
Us Free” at “Change is Breaking Us Apart.”
Nagpalakpakan
naman ang fans ng tugtugin ng grupo ang “Tulad ng Dati” na nagkaroon din ng
movie version na hango sa istorya ng banda at idinirehe ni Mike Sandejas noong 2006.
Ilan
pa sa mga tinugtog ng The Dawn ang “Give Me The Night,” “Hey Isabel,” “Talaga
Naman,” “Babaeng Mahiwaga,” “Saw You Coming In,” “Salimpusa,” “Harapin,”
“Runaway,” “Little Paradise,” “Hatak,” “Dreams,” “Magtanim ay ‘Di Biro,”
“Iisang Bangka Tayo,” at ang “Habulan,” ang bagong kanta ng grupo na kasama sa ilalabas
nilang album at isinulat ni Vin Dancel ng bandang Peryodiko.
Hindi
natapos ang konsiyerto ng hindi kinakanta ng The Dawn ang kanilang signature
songs na “Salamat,” at “Enveloped Ideas” kung saan nagtayuan ang lahat ng nasa
Music Museum at nakikanta.
Nabuo
ang The Dawn noong 1985 na ang mga orihinal na miyembro ay sina Pangan, Leonor,
Clay Luna at Teddy Diaz na kinikilalang lider ng banda. Ibinatay ng grupo ang
pangalan ng banda sa librong ibinigay ng Sisters of the Holy Spirit na may
pinamagatang “The Dawning of the Holy Spirit.”
Bukod
sa pagtayo bilang lider ng banda, si Diaz din ang nasa likod ng mga unang
awiting pinasikat ng banda noong ‘80s. Noong 1988 ay naging biktima si Diaz ng
pananaksak na kanyang ikinamatay. Sa imbes na maghiwa-hiwalay, ipinagpatuloy ng
The Dawn ang pagtugtog at ginawang inspirasyon ang pagmamahal ni Diaz sa musika.
Mayroon
mang umalis na mga miyembro at nagkaroon man ng ilang pagbabago ay tuluy-tuloy
pa rin The Dawn sa paglikha ng magagandang musika para sa kanilang mga
tagapakinig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento