Biyernes, Setyembre 5, 2014

Top 5 beaches in Kamakura

Ni Florenda Corpuz

 Matatagpuan sa baybayin ng Karagatang Pasipiko, ang lungsod ng Kamakura sa probinsiya ng Kanagawa-ken ay popular na destinasyon ng mga lokal at dayuhang turista tuwing summer dahil sa mga nakakahalinang beaches nito. Hitik sa kwento ang marine resort ng Kamakura dahil sa mahigit sa 100 taon nitong kasaysayan. Narito ang ilan sa pinagmamalaking beach resorts ng lugar:

Inamuragasaki Beach – Pamosong beach resort ito sa Kamakura dahil sa napakagandang sunset na masisilayan dito. Lalong nakilala ang lugar dahil sa pelikulang “Inamura Jane.” Halaw ang pangalan ng lugar sa hugis nito, katulad ng salansan ng bigas sa panahon ng anihan. Dito rin matatagpuan ang Inamuragasaki Park.

Shichirigahama Beach – Popular na pasyalan ito ng mga surfers. Ipinagbabawal ang pagsi-swimming sa beach na ito subalit ito dinarayo pa rin ng mga gustong mag-relax. Ang itim na buhangin nito ay mayaman sa iron ore na dahilan kung bakit ang Kamakura ay sentro ng pagawaan ng mga espada at kutsilyo. Hango mula sa ekspresyong “shichiri” ang pangalan ng lugar na ang ibig sabihin ay “a long ride” at iniuugnay sa lugar bilang isang mahabang beach.

Yuigahama Beach – Ito na marahil ang pinakapopular na beach resort sa Kamakura. Ito ay may habang 3.2 kilometro. Iba't ibang teorya ang lumalabas ukol sa pinagmulan ng pangalan ng beach na ito. Pinaniniwalaang ito ay mula sa salitang “Yuigo” at ang iba naman ay sa kooperatibang “Yui” na ang ibig sabihin ay “elegant cloth.” May mga haka-haka rin na ang lugar ay dating pinaglibingan ng mga pugot na ulo. Perfect spot ito sa mga turistang nais manood ng fireworks show.

Koshigoe Beach – Makikita rito ang kaakit-akit na tanawin ng Enoshima Island na sinasadya talaga ng mga turista. Pamoso rin itong pasyalan dahil sa mga sariwang laman-dagat na mabibili sa mga kalapit na tindahan.

Zaimokuza Beach – Hango sa salitang “zaimoku” na ang ibig sabihin ay kahoy, dati ay daungan ng mga kahoy na pangkalakal ang lugar. Tuwing low tide ay makikita sa kanlurang dulo ng beach resort ang mga natitirang bahagi ng Wakae Island, ang pinakalumang artipisyal na isla ng bansa.


Bukod sa mga naggagandahang beach resorts at mga makasaysayang templo at shrines ng Kamakura, dinarayo rin ng mga turista ang makikislap na fireworks display dito tuwing buwan ng Agosto.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento