Miyerkules, Mayo 14, 2014

Music Bits: Uchusentai Noiz, Maja Salvador, Pharrell Williams, at Awit ng Paghilom

Uchusentai NOIZ covers Rivermaya's “Liwanag Sa Dilim”

Gumawa ng bersyon ng kantang “Liwanag sa Dilim” ng Rivermaya ang Japanese band na Uchusentai NOIZ na umani ng papuri sa mga fans nito ditto sa Pilipinas. Naka-post ang naturang music video ng grupo sa social media site na YouTube.

Naisipan ng grupo na gawin ang Liwanang sa Dilim matapos na bumisita sa Tacloban ang lead singer nito na si Angel Taka upang tumulong sa mga naging biktima ng bagyong “Yolanda.” Nagustuhan ng grupo ang mensahe ng kanta na tungkol sa pagiging matatag sa bawat problemang dumarating.

Bukod kay Taka, binubuo ang banda nina Masato, Kyo, kotaro at Yamato na kilala sa pagtugtog ng mga kantang may pagka-rock, punk, hiphop, metal at electronic. Mahilig din sila magsuot ng cosplay-like outfits.

Matatandaan na noong 2012 ay gumawa rin ng bersyon ang Uchusentai NOIZ ng kanta ng Kamikazee na “Narda.”

Maja Salvador, singer na rin

Naglabas ng debut album na pinamagatang “Believe” ang Kapamilya star na si Maja Salvador sa ilalim ng Ivory Music and video kamakailan. Tuwang-tuwa si Maja dahil, aniya, ay matagal na niyang pangarap ang maging singer.

“Hindi lahat sumusugal na bigyan ng album ang isang artista so I’m very thankful. Sobrang naa-amaze ako sa nangyayari sa akin today,” pahayag ng dalagita na tinagurian din “Dance Princess.”

Mayroong walong tracks ang album kung saan ang kantang “Dahan-Dahan” ang kanyang carrier single. Mayroon din collaboration si Maja kasama si Abra na pinamagatang “Halikana” at kabilang din sa album ang kantang “Buong Gabi” na siya mismo ang nagsulat.

Pharrell Williams, bagong coach ng “The Voice”

Ibinunyag na ng pamunuan ng NBC’s singing reality talent show na “The Voice” na ang Grammy winner na si Pharrell Williams ang papalit kay Cee Lo Green sa season 7 ng naturang show.

Matatandaan na inanunsiyo ni Green noong Pebrero na hindi na siya makakabalik pa sa popular na singing competition sa Amerika kaya marami sa mga fans ang nag-aabang sa magiging kapalit niya.

Hindi na rin bago si Pharell sa The Voice dahil noong season 4 ay lumabas na rin siya bilang music adviser para sa Team Usher.

“He has already made a considerable impact as a mentor, drawing on an impressive track record as both a producer and performer. It is a perfect fit for 'The Voice' as we evolve and reach for new heights with this franchise. It feels like we are welcoming an existing family member home,” pahayag ni Paul Telegdy ng NBC Entertainment.

Lalong umingay ang pangalan ni Williams ng maging composer ito ng soundtrack ng pelikulang “Despicable Me,” ang kanyang Oscar nominted song na “Happy” at ang Grammy winning collaboration nito kasama ang Daft Punk sa kantang “Get Lucky.”

OPM artists nagsama-sama sa “Awit ng Paghilom”

Nagsama-sama ang mga bigating mang-aawit, composers at producers ng Element Music Camp upang makapaglabas ng music album na pinamagatang “Awit ng Paghilom” na naglalaman ng mga nakaka-inspire na mga kanta.

Handog ito ng grupo sa mga biktima ng bagyong “Yolanda” kung saan ang mga kanta ay nilikha ng 60 campers at 24 mentors.

Ilan sa mga kilalang mentors na bahagi ng proyektong ito ay sina Joey Ayala, Gabby Alipe ng Urbandub, Jimmy Antiporda, Ogie Alcasid, Noel Cabangon, Jay Contreras ng Kamikazee, Ebe Dancel, Aia De Leon, Jay Durias, Gloc-9, Raimund Marasigan, Jungee Marcelo, Armi Millare ng Up Dharma Down, Jazz Nicolas ng Itchyworms, Jim Paredes, Quest at Rey Valera.


Ang malilikom na halaga mula sa pagbebenta ng naturang album ay ang siyang gagamitin sa pagpapatayo ng bahay o kaya ng livelihood program para sa mga biktima ng bagyo.

Martes, Mayo 13, 2014

Pinoy Music Summit 2014: Isang Pagtataguyod sa OPM


Ginanap kamakailan ang kauna-unahang Pinoy Music Summit 2014: “Basta Pinoy, Push Mo Yan!” sa pangunguna ng ilang malalaking personalidad sa industriya ng musika na naglalayon na maitaguyod ang Original Pinoy Music (OPM).

Buong araw idinaos ang naturang summit sa Landbank building sa Malate, Manila na dinaluhan ng ilan sa mga bumubuo ng industriya ng musika gaya ng mga mang-aawit, composers, producers, at maging ng ilang bloggers at media outfits.

Ilan sa tumayong convenors sa summit ay ang Filipino Society of Composers, Authors and Publishers, Inc. (FILSCAP), along with the Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM), Philippine Association of Recording Industry (PARI), Assosasyon ng Musikong Pilipino Foundation Inc. (AMP), Music Copyright Administrators of the Philippines (MCAP) and PHILPOP Foundation.

Layunin ng Pinoy Music Summit na ipaalam ang tunay na kalagayan ng industriya, ang mga suliraning kinakaharap nito, ipakita at ipagmalaki ang galing at talento ng mga Pilipino sa musika, at makagawa ng mga hakbang at makakuha ng rekomendasyon upang lalo pang mapaunlad ang paglaganap ng OPM.

Suportado ni Pangulong Aquino

Dumalo si Pangulong Benigno Aquino III sa music summit upang magbigay ng keynote speech na nagpapahayag ng kanyang pagsuporta sa industriya at sa mga magiging adbokasiya na resulta ng pagdaraos ng summit. Ani Aquino, mahalaga ang musika dahil kasangga natin ito sa anumang emosyong pinagdaraanan at makapangyarihan din ito dahil kaya nitong pagbuklurin ang isang lipunan.

“Kaya nitong maglahad ng simple o malalim na karanasan, anupamang wika o diyalekto; kaya nitong kumonekta—sa paraang hindi hiwalay ang manlilikha sa nakikinig—sa nadarama’t sentimyento ng indibidwal o grupo; kaya nitong ipagdugtong at ipagbuklod ang damdamin ng isang lipunan, o kahit pa ng buong mundo,” pahayag ni Aquino.

Binanggit din ni P-Noy ang mga pulisiya ng gobyerno na sumusuporta sa OPM. Isa na rito ang Executive Order 255 noong 1987 na mismong ang kanyang ina na si dating Pangulong Cory Aquino ang pumirma. Nakasaad ditto ang pagpapalaganap ng OPM sa pamamagitan ng pagpapatugtog sa radyo ng hindi bababa sa apat na kantang Pinoy.

Ipinapatupad din ang World Intellectual Property Organization Internet Treaties at patuloy pa rin ang Optical Media Board (OMB) sa pagsugpo sa pamimirata na simula 2011 hanggang 2013 ay nakakumpiska na ng mahigit sa siyam na milyong pirated optical media priducts na nagkakahalaga ng tatlong bilyong piso.
Sinabi rin ni Aquino na mahalaga rin ang makasunod at makisabay sa tinatawag na digital media at madaling maibigay ito sa publiko.

“So sa madaling salita ho, ‘yong mga nag-e-experience ng growth ngayon ay ‘yong mga nakinig kung ano ba ang hinahanap ng merkado nila–hindi pinahirapan, hindi pinadamot ang produkto nila na gustong ibenta naman.

“Sa kabila nito, mulat din tayo: Mag-iba man ang mga kasangkapan o paraan ng pakikinig sa tugtugin—mula plaka, casette tape, CD, DVD, hanggang sa online media—hindi kukupas ang pagmamahal ng Pilipino sa musika,” dagdag pa ng Pangulo.

Estado ng industriya

Nagsalita rin sa naturang summit ang isa sa mga magagaling na musikero sa bansa na si Ryan Cayabyab na siya rin Executive Director ng PHILPOP Foundation tungkol sa kalagayan ng industriya.

Ani Cayabyab, naging instrumento ng mga Pilipino ang musika bilang paraan ng kanilang pagpapahayag ng saloobin tulad ng kantang “Bayan Ko” na tungkol sa pang-aapi ng mga dayuhan sa mg Pilipino noon.

 Simula 1960s hanggang 2000 ay naging pataas ng pataas ang pag-unlad ng industriya maliban noong tumuntong na sa 2010. Aniya, pinakamgandang taon ang 1999 kung saan may pinakamataas na kita ang industriya na umabot sa Php2.1 bilyon; ‘di kagaya ng 2010 na umabot na lamang sa Php699 milyon.

“That represents a 75% drop in revenues for recording companies in one decade. This rapid decline in revenues is felt across the industry,” ani Cayabyab.

Bumaba na ang naging album production ng music labels dahil sa humina ang benta nito sa publiko. Ito umano ay resulta na rin ng mga online at digital media and equipment na nauuso na pati na rin ang malakas na kumpetisyon mula sa banyagang mang-aawit o grupo. Sa katunayan umano, noong 2013 66% ang royalty fees na ibinabayad sa mga banyagang kanta kumpara sa 34% sa OPM.

Naging paksa naman ng isa rin beteranong mang-aawit at kompositor na si Ogie Alcasid ang “Performers’ Equity Program. Ipinunto ni Alcasi, na siya rin OPM president, ang dami ng foreign acts na nagtatanghal sa bansa na nakakaapekto sa local artists. Kalimitan umano ay naagaw ng mga dayuhan ang suporta ng publiko para sa mga local artists.

Ilan pa sa naging speakers sa summit ay sina Senador Bam Aquino, Senador Teofisto Guingona III, Elements Lead Proponent Twinky Lagdameo,  Ateneo Professor Sarah Jane Domingo-Lipura, FILSCAP president Noel Cabangon, at PHILPOP Associate Executive Director Patricia Hizon.



Lunes, Mayo 12, 2014

Experience best coffee in great coffee cities

Ni Jovelyn Javier


Madalas isipin ng karamihan na ang Estados Unidos ang may pinakamalaking bilang ng coffee drinkers. Pangunahing dahilan na ang mga pinakamalalaking coffee chains sa buong mundo ay nagmula rito -- Starbucks, Dunkin Donuts, Coffee Bean and Tea Leaf, Gloria Jean’s Coffees, Coffee Beanery, Peet’s Coffee and Tea, at Tully’s Coffee.

Sa kabila nito, ayon sa talaan ng Quartz gamit ang impormasyon sa Euromonitor, ang Netherlands ang nanguna sa listahan na may 2.414 cups per day. Sinundan ito ng Finland (1.848), Sweden (1.357), Denmark (1.237) at Germany (1,231) sa top 5. Kabilang naman sa top 10 ang Slovakia, Serbia, Czech Republic, Poland at Norway. Nasa ika-16 na puwesto ang USA (0.931) at nasa ika-25 puwesto naman ang Pilipinas (0.608).

Ngunit saan-saan nga ba matatagpuan ang mga tinatawag na “great coffee cities?” Ayon sa CNN, kabilang dito ang London, UK;  Melbourne, Australia; Reykjavik, Iceland; Rome, Italy; Singapore; Seattle, USA; Vienna, Austria; at Wellington, New Zealand.

Binuksan sa London ang kauna-unahang espresso-focused coffee shops gaya ng Flat White Café at Kaffeine 10 taon na ang nakalipas, at mula rito ay patuloy ang paglago ng maraming espresso cafes sa siyudad. Itinayo ang Flat White Café noong Setyembre 2005 para dalhin sa London ang natatangi at pinong “artisan style” coffee na paborito sa Australia at New Zealand. Samantalang binuksan naman ang Kaffeine sa publiko nang Agosto 2009 at isa na ngayon sa nangungunang cafes sa UK.

Inirerekomenda sa London ang flat white coffee o cappuccino. Maliban sa Kaffeine at Flat White Café, nariyan din ang Allpress, Climpson & Sons at Caravan sa mga nangungunang cafes na nasa East London.

Nagdadaos naman sa Melbourne ng taunang coffee expo. Ganito kahalaga sa kanila ang kape. Ilan lang sa mga paborito rito ang white lattes, cappuccinos, flat whites, piccolo lattes na mas konti ang gatas. Para sa mga coffee lovers, magandang puntahan ang Axil Coffeehouse Roasters sa Hawthorn at Dead Man Espresso.

Kilala sa Iceland ang drip coffee ngunit madalas sila ay pumupunta sa cafes para sa espresso drinks. Ang Kaffitar ang pinakamalaking coffee chain sa siyudad, paborito rin ng marami ang Kaffismidja at Stofan.

Bahagi na ng kulturang Italian ang kape, kaya’t ang Rome ang tinaguriang “home to best coffee” sa Italy. Paborito rito ang espresso, at ilan lang ang Rosati sa Piazza del Popolo, Sant’ Eustachi, Giolitti sa mga paboritong cafes ng mga taga-Italy.

Paborito naman ng Singaporeans ang latte, mocha at cappuccino. Ayon sa isang eksperto, nito lamang ginagamit ang modernong teknolohiya sa paggawa ng espresso. Kabilang ang Strangers’ Reunion sa Chinatown, Dutch Colony sa Pasar Bella marketplace, Bukit Timah at Chye Seng Huat Hardware sa Little India ang mga inirerekomendang coffee places sa Singapore.

Matitikman naman ang pinakamasasarap na kape sa Seattle, USA sa Victrola Coffee Roasters na nasa Capitol Hill, Empire Espresso sa Columbia City at Seattle Coffee Works. Paboritong kape rito ang espresso, cappuccino o single-origin pour.

Ihinirang naman na “Intangible Heritage” ng UNESCO nang 2011 ang mga coffee houses sa Vienna, simbolo kung gaano kahalaga ang kape sa kulturang Viennese. Mula nang maging host ang siyudad ng World Barista Championships 2012, nagsimulang magbukas ang mga bago at independent-style na cafes na gumagamit ng mas makabagong teknolohiya sa paggawa ng kape. Pinupuntahan ng marami ang Caffe Couture, Essenti, Coffee Pirates at Demel sa espresso, cappuccino at new style coffee.

Pinakamagagandang coffee shops naman sa Wellington ang Flight Coffee Hangar, Memphis Belle at Lamason Brew Bar. Paborito naman ng mga taga-New Zealand ang flat white coffee.

Linggo, Mayo 11, 2014

Pinakamataas na gusali sa Japan, itinayo sa Osaka

Ni Florenda Corpuz



OSAKA, Japan – Ganap nang binuksan sa publiko kamakailan ang pinakamataas na gusali sa buong bansa – ang Abeno Harukas na may taas na 300 metro at matatagpuan sa Abenobashi Station.

Naglaan ang Kintetsu Corp., isa sa pinakamalaking railway operators sa kanlurang bahagi ng Japan, ng ¥130 billion para sa konstruksyon ng skyscraper na tinapos sa loob ng apat na taon.

Matatagpuan sa loob ng 60 palapag na gusali ng Abeno Harukas ang Osaka Marriot Miyako Hotel, Kintetsu Department Store, Abeno Harukas Art Museum, mga opisina, restaurants at ang 288-metrong taas na observation deck na tinawag na “Harukas 300” na siyang pinakamataas na viewing deck sa bansa sunod sa Tokyo Skytree na may taas naman na 450 metro mula sa lupa.

“I hope many tourists will visit the city,” pahayag ni Osaka Gov. Ichiro Matsui kasunod nang pagbubukas ng pinakabagong landmark ng siyudad.

Naagaw ng Abeno Harukas ang titulo mula sa Landmark Tower na matatagpuan sa Yokohama na may taas na 296 metro. Habang nananatili pa rin ang  Burj Khalifa sa Dubai bilang pinakamataas na gusali sa buong mundo sa taas na 828 metro.

Ang “Harukas” ay isang lumang Japanese expression na nangangahulugang “to brighten, to clear up”.


Huwebes, Mayo 8, 2014

Kobe’s ‘Love Lock’ bridge


Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio
Matatagpuan sa pagitan ng Rokko mountain range at dagat, isa ang Kobe na kapital ng Hyogo Prefecture sa pinakamalaking siyudad sa buong Japan. Popular ang lugar hindi lamang dahil sa napakasarap na beef kundi dahil na rin sa ito ay isa sa pinakamagandang lugar sa bansa kung saan iba’t ibang atraksyon ang pwedeng pasyalan tulad ng romantikong Venus Bridge.

Ang Venus Bridge ay matatagpuan sa hilagang dulo ng bayan ng Motomachi. Mula rito ay matatanaw ang natatanging scenic view ng Kobe. Ito ay popular na puntahan ng mga magsing-irog dahil sa “Love Lock Monument” na matatagpuan dito.

May siyentipikong pinagmulan ang pangalang Venus Bridge. Sa lugar na ito inobserbahan ng mga French astronomers noong Meiji Era ang planetang Venus kaya naisipang ipangalan ang planeta sa tulay.

Sa Love Lock Monument ay makikita ang mga nakalinya at nakasabit na padlocks na ikinakabit ng mga magsing-irog na nagtutungo sa lugar. Dito ay naka-engraved o nakasulat ang kanilang mga pangalan o initials at petsa kung kailan sila nagtungo sa lugar gamit ang permanent pen. Inihahagis nila ang mga susi ng padlock sa malayong lugar.

Pinaniniwalaan ng mga magsing-irog na nagtutungo sa lugar na tutuparin ni Venus, ang Roman goddess of love and beauty, ang kahilingan nila matapos magsumpaan ng walang hanggang pagmamahalan at pag-iibigan.

Nagsimula ang popularidad ng mga love locks noong taong 2000 sa ilang lugar sa Europa tulad ng Paris at Rome. Dumami pa ang lokasyon nito at dumagdag sa listahan ang London, Seoul at Budapest.


Sa Japan, bukod sa Venus Bridge sa Kobe, may matatagpuan din na love lock monument sa Enoshima Island at Nihonkai Fisherman's Cape.

The National Diet of Japan: An Architectural Masterpiece

Ni Herlyn Alegre


Kung mapapadaan ka sa Nagatacho District sa Chiyoda City, agaw pansin ang isang malaking gusali na may kakaibang arkitektura – hindi kasi ito tradisyonal na Hapon. Kapansin-pansin ang malaking impluwensiyang banyaga sa istilo ng pagkakagawa nito, may mataas na tower, makakapal at matitibay na bato na parang hindi kayang yanigin ng kahit anong lindol, napapaligiran ito ng malalaking puno at malalapad na daan, at may estatwa ni Ito Hirobumi, ang unang Prime Minister ng Japan, na bumabati sa harapan. Ito ang National Diet ng Japan – maituturing na pinakamakapangyarihang institusyong pang-gobyerno ng bansa.

Ang dalawang sangay ng National Diet

Sa Pilipinas, ang Congress ay binubuo ng mataas at mababang kapulungan. Ang Senate ay may 24 miyembro na may terminong anim at tatlong taon (depende sa taon ng pagkakahalal) at ang House of Representatives ay may 289 miyembro na may terminong tatlong taon. Ang Congress ay tumutukoy sa dalawang kapulungan, pero sa Pilipinas, mas karaniwang ginagamit ang salitang “congress” para tukuyin ang House of Representatives.

Ang National Diet ang katumbas ng Congress of the Philippines. Dito sa Japan, binubuo ito ng House of Councillors (katumbas ng Senate) na mayroong 242 miyembro na may terminong anim at tatlong taon at ang House of Representatives na may 480 miyembro na may terminong apat na taon. May kapangyarihan itong gumawa at magpasa ng batas, magtakda ng national budget, magpatibay ng mga kasunduan sa ibang bansa, pumili ng Prime Minister at mag-revise ng Saligang Batas.

Hindi lamang mahalaga ang gusaling ito sa Japan dahil sentro ito ng pagpapatakbo ng bansa. Itinuturing din ito na isang architectural masterpiece, isang work of art! Ginamit sa pagtatayo nito ang pinakamagaganda at pinakamatitibay na materyales. Halos lahat ng materyales dito ay mula sa Japan, tulad ng mga perlas mula sa Okinawa at marble mula sa Shizuoka. Ang tanging inangkat lamang mula sa ibang bansa ay ang mga ginamit na salamin dito.

Ang pagtatatag

Sinimulang gawin ang gusaling ito noong Enero 1920 at natapos lamang makalipas ang 17 taon. Dalawang taon bago nagsimula ang pagtatatag nito, nagkaroon ng isang malawakang kumpetisyon para sa magiging disensyo ng gusaling itatayo. Ang kanang bahagi nito ay inookupahan ng House of Councillors at ang kaliwang bahagi naman ay sa House of Representatives. Ang buong compound ay may sukat na 103,001 square meters samantalang ang building naman ay may floor area na 53,466 square meters.

Isang silip sa loob ng National Diet building

Dahil sa kakaibang arkitektura nito, isang magandang pasyalan din ang National Diet. Sa lobby ng House of Councillors, makikita ang iba’t ibang makasaysayang bagay na ginamit sa mga sesyon noon tulad ng lumang listahan ng mga dating miyembro at kopya ng imperial decree, mga apparatus na ginamit para sa pagboto, ang trono ng emperador na ginamit noong 1868-1912 at mga replica ng mga upuan ng mga miyembro ng kapulungan. Kung makakapamasyal sa loob ng gusali, ito  ang ilan sa mga magagandang makikita sa loob:

Central Entrance. Ang bronze na pinto sa central entrance ng gusali ay binubuksan lamang para sa emperador ng Japan kung siya ay dadalo sa opening ceremony ng Diet. Binubuksan din ito para sa mga mahahalagang bisita mula sa ibang bansa at para sa mga bagong halal na miyembro ng kapulungan sa unang araw ng sesyon. Sa may Member’s Entrance naman matatagpuan ang attendance board na siyang pinipindot ng mga miyembro para itala ang kanilang pagdalo sa sesyon. 

Central Hall. Sa gitna ng gusali matatagpuan ang Central Hall. Mayroon tatlong bronze statue na matatagpuan dito – sina Ito Hirobumi, Okuma Shigenobu at Itagaki Taisuke. Nagkaroon sila ng mahalagang kontribusyon sa pagtatatag ng parliamentary system ng Japan. Ang ikaapat na pedestal ay bakante bilang simbolo na mayroon pang mga mabubuting tagapaglingkod sa bayan ang darating sa hinaharap.

Chamber of the House of Councillors. Dito ginaganap ang mga plenary session ng House of Councillors. Sa gitna nito matatagpuan ang podium, sa taas nito ay ang upuan ng president ng House of Councillors na nakaharap sa 460 upuan ng mga miyembro na nakapwesto sa isang semi-circle. Sa likod nito nakapwesto ang trono ng eperador kung saan siya umuupo kapag dumadalo sa opening ceremony ng sesyon. Mayroong dalawang row ng upuan sa kaliwa at kanang bahagi nito. Ang unang row ay para sa mga Ministers of State at ang unang upuan ay nakalaan para sa Prime Minister. Ang pangalawang row naman ay para sa mga staff ng House of Councillors. Mayroon ding public gallery kung saan maaaring manood ang mga ordinaryong mamamayan kung gusto nilang live na masundan ang mga nagaganap sa loob ng plenary.

Emperor’s Room. Ito ang isa sa pinakamaganda at pinakaespesyal na kwarto sa loob ng gusali. Gawa ito sa pinakamahal at pinaka-grandiyosong materyal sa buong Japan – may perlas, ginto, carpet at silk. Mayroong kahoy na lamesa at isang pulang upuan sa gitna nito. Dito naghihintay ang emperador tuwing dadalo siya sa opening ceremony ng National Diet. Dito niya rin tinatanggap at kinakausap ang president at bise-presidente ng House of Councillors at ang speaker at vice-speaker ng House of Represetnatives.
             
Hindi lamang isang pang-gobyernong institusyon ang National Diet, mayaman din ito sa kasaysayan at pambihirang arkitektura. Sulit din ang pagpunta dito dahil hindi lang nakakamangha ang ganda ng lugar, marami pang mga bagong bagay ang matututunan.


Bukas sa mga bisita ang gusali mula Lunes hanggang Biyernes, alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. Maaari ring sumali sa libreng guided tour sa loob ng gusali. Mayroon ding nabibiling mga souvenir tulad ng mga notebooks, keychains, folders, calendars at espesyal na biskwit na may mukha ni Prime Minister Shinzo Abe.

‘Amazing Spider-Man 2’ cast, bumisita sa Japan

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Florenda Corpuz
TOKYO, Japan – Sa ikalawang pagkakataon, muling magkasamang bumisita sa bansa ang Hollywood couple na sina Emma Stone at Andrew Garfield upang i-promote ang kanilang pelikulang “Amazing Spider-Man 2” kamakailan.

Kasamang dumating ng dalawa ang kanilang co-star sa pelikula na si Jamie Foxx, director na si Marc Webb at producers na sina Matt Tolmach at Avi Arad.

Sa isang press conference na ginanap sa Toho Cinema 7 sa Roppongi Hills, sinagot ng mga cast members ang ilang katanungan mula sa Japanese at foreign press pati na rin sa ilang fans.

“Spider-Man does have super strength. But what makes him really strong, I think, is that he’s just a regular boy. He’s just an imperfect, regular boy, trying to figure out how to live and how to be the best man he can be. And I think that’s why we all love him, that’s why we all want to put on that costume, that’s why we all want to put on that mask, because he wasn’t always strong.

“He didn’t use to be strong. He used to just be like me, like everyone. And it’s his compassion and his heart and his goodness that allow him to use the power he gets for good. And that’s what Spider-Man is all about. Thank you for the best question ever,” nakangiting sagot ni Garfield sa tanong ng isang fan.

“I was really excited to be part of this film. My part, I believe was to be the best villain that I could be. It’s beautiful to join a big blockbuster film with real thespians,” sagot ni Foxx kung ano ang kanyang naramdaman nang siya ay napili na gumanap bilang “Electro” sa sequel.

Matapos ang Q & A, nagpakawala ng mga pekeng spider webs ang cast members at crew na lalong nagpasigla sa premiere.

Aabot sa 400 Japanese loyal fans at supporters ang dumalo sa premiere kabilang na ang dalawang bata na nakasuot ng Spider-Man costume. Sila ay nabigyan ng pagkakataon na makapagpakuha ng litrato sa cast members at crew ng pelikula.

Ang Japan ang huling bansa na binisita nina Garfield bilang bahagi ng kanilang press tour. Matatandaan na dito ginanap ang world premiere ng first installment ng nasabing Marvel series noong Hunyo 2012. Bago ang premiere, isang pagtitipon ang isinagawa sa Yokohama upang gunitain ang Earth Hour kung saan si Spider-Man ang napili bilang kauna-unahang super hero ambassador.  

Ang “Amazing Spider-Man 2” ay mula sa Sony Pictures at ipinalabas sa bansa noong Abril 25.


Miyerkules, Mayo 7, 2014

PHL entry na ‘Shift’ wagi ng Grand Prix award

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa OAFF
OSAKA, Japan – Nasungkit ng pelikulang “Shift” ang top prize sa 9th Osaka Asian Film Festival na ginanap sa Umeda, Kita-ku, Osaka kamakailan. 

Itinanghal na Best Picture (Grand Prix Award) ang “Shift” na dinirehe ni Siege Ledesma at pinagbidahan nina Yeng Constantino at Felix Roco.

“Wow, our indie film Shift won Best Picture at Osaka Film Fest! Thank you, Lord! So happy for my Shift family,” masayang pahayag ni Yeng.

Ito ang kauna-unahang big-screen project ng magaling na mang-aawit na kamakailan lamang ay nag-anunsyo ng kanyang engagement sa boyfriend na si Yan Asuncion.

“Congrats to the whole team,” matipid na saad naman ni Felix.

Tinalo ng “Shift” ang 10 entries mula sa mga bansang Indonesia, Hong Kong, Korea, Thailand, Malaysia at Taiwan.

Ginampanan ni Yeng ang papel ni Estela, isang call center na mayroong “unconventional relationship” sa kanyang gay mentor na si Trevor na ginampanan naman ni Felix.

Nakatanggap ng ¥500,000 bilang premyo ang mga bumubuo ng pelikulang “Shift.”

Samantala, binigyan din ng Special Mention prize ang pelikulang “Anita’s Last Cha-Cha” na dinirehe naman ni Sigrid Andrea Bernardo at pinagbidahan nina Teri Malvar, Angel Aquino, Marcus Madrigal, Lenlen Frial at Solomon De Guzman. Ito ay tungkol sa kwento ng isang 12-taong-gulang na si Anita na ginampanan ni Teri Malvar na nagkagusto sa isang babaeng mas matanda kaysa sa kanya na si Pilar na ginampanan naman ni Angel Aquino.

Isa ang komedyana at aktres na si Eugene Domingo sa mga jury members na kinabibilangan din nina Tom Shu-yu Lin ng Taiwan at Yang Lina ng China.

“While all of us on the jury agree that this year the Korean films and the films from The Philippines are the ones that impressed us the most, the hard work all of you filmmakers did made our jobs watching so many movies in such short amount of time a whole lot easier,” pahayag ni Domingo.

“This year, we merit a film for its simplicity, honesty and its integrity for pushing boundaries,” dagdag pa ni Domingo.

Ilan pa sa naparangalan ay sina Ha Jung Woo (Most Promising Talent Award), Carina Lau ( Best Actress Award, “Bends”), Kitamura Toyoharu, Shiao Li-shiou (ABC Award, “Forever Love”), at Umin Boya (Audience Award, “Kano).




Martes, Mayo 6, 2014

Pagpupugay sa mga ina

Cesar V. Santoyo

Sa pagsapit ng ikalawang araw ng Linggo sa buwan ng Mayo, ang Mothers’ Day, ay dadagsain na naman ng mga pagbati at pagpapadama ng pagmamahal ang mga dakilang ina. Sa komersiyalisadong paggunita, para bang ang mahalaga ay ang may bibilihin na regalo para kay Ina. Bagamat ating nadarama ang kagalakan sa pag-sukli sa regalong buhay sa atin ni Inang mahal ay dapat din nating bigyan ng puwang ang pagpupugay para sa lahat ng mga Ina na may hawak ng kalahatian ng mga pamilya sa buong mundo.

Kung ang mga OFW ay tinagurian na mga “bagong bayani,” sa sektor na ito ay ating nakikita, nakakasalamuha, at nakakasama sa paglalakbay ang masasabing mga “bayani sa hanay ng mga bagong bayani” rito sa Japan. Ito ay ang mga kababayan natin na mga Ina ng mga batang Japanese-Filipino at mas lalo na ang mga single mothers na mas nababalot ng pasakit para sa pagtataguyod ng sariling pamilya sa Japan at sa Pilipinas.

Bukod-tangi ang kasaysayan at kultura ng Japan bilang “purong lahi” na isa sa mga pinagmumulan ng hindi pagkakaintindihan ng mga dayuhan at maging ng asawang Pilipina sa pakikitungo sa mga Japanese. Sa ating bayang sinilangan na may “lambingan sa pagmamahalan,” ang pagtalikod sa kinagisnang “lambing” para mamuhay sa asawang Japanese para itaguyod ang pamilyang Japanese-Filipino ay masasabing kabayanihan para sa mga nagsisilbing ilaw ng tahanan sa Japan.

Marami sa ating mga kababayan Pilipina na asawa ng Japanese ay ibinabahagi ang mga biyayang tinatanggap mula sa asawa at sa buong pamilyang Japanese-Filipino. May mga kababayan tayo na nagawang kuhanin ang loob at suporta ng mga asawang Japanese para lumahok sa paninilbihan sa ikabubuti ng mga kapwa-Pilipino sa Japan at sa Pilipinas.

Nariyan rin ang mga lider ng Filipino community na suportado ng mga asawang Japanese para sa aktibong paggawa ng mga proyekto at programa para sa kabutihan ng kapwa-kababayan maging sagipin man ang mga kababayan na nasa panganib at kagipitan. Isang huwarang Ina ng pamilyang Japanese-Filipino na masasabi ay sina Grace Nishimura at Maria Ethel, founders at mga tagapangulo ng Filipino Nagkakaisa-NPO ng Hamamatsu na nagbigay payo at handang tulong kahit anong oras tawagan.

Huwaran rin ang mga kagaya ni Aurora Dobashi, founding chairperson ng Filipino English Teachers in Japan o FETJ na halos ibuhos lahat ng libreng oras, kaagaw ng pag-aalaga sa biyenan na babae at oras para sa asawa,  para mabigyan ng pagsasanay ang mga kababayan na may mithiing maging English teacher na walang kabayaran. Sa mga Pilipinang Ina na ang kaanak at asawa ay nasa Pilipinas ay isang halimbawa ang pamumuhay ni Sampaguita Salazar, Tagapangulo ng FETJ, sa tamang pagbalanse ng abalang oras sa pagitan ng trabaho at paninilbihan sa mga non-profit na proyekto at programa ng FETJ at para sa pamilya sa Pilipinas.

Sa mga kasapi ng pamilyang Japanese-Filipino ay mayroon din na sinasabing “pinakabulnorable sa lahat” at ang mga ito ay ang mga single mothers. Bulnerable itong masasabi sa pagharap sa panganib ng kahirapan bilang nag-iisang magulang at sa kawalan ng katuwang sa pagpapalaki ng mga bata. Pero sa kabila ng nakikitang hindi paborableng kalagayan ay puno naman ng pambihirang katangian ang ating mga Filipina single mothers.

Ang mga single mother ay nagsisilbing doktor, nars at ambulansya ng mga anak sa tuwinag sinasapit ng karamdaman, bilang bank manager para pondohan ang lahat ng pangangailangan ng mga anak kahit mabaon sa utang, teacher at school bus ng mga anak pagpasok sa eskuwelahan, mekaniko ng mga nasisirang laruan at mga kagamitan sa bahay, pulis at bodyguard na palaging handa sa pagtatanggol sa ambang panganib ng mga anak, artista para aliwin at pasayahin ang mga anak maitago lamang ang tunay na sakit ng kalooban, at umasta bilang Darna o kaya ay si Superwoman na ginagawa ang lahat-lahat na mag-isa at walang katuwang sa buhay hindi lamang para sa mga anak sa Japan kundi pati na rin ang mga kapamilya na iniwanan sa Pilipinas.

Sa kabila ng lahat ng gawaing pambahay at pag-aaruga sa mga bata, maraming mga kababayan natin na single mothers ang abala rin sa mga non-profit na mga proyekto at programa ng Filipino community organization. Isa sa mga napakarami para banggitin ang lahat ay si Jeanne Lozada Oikawa, pangalawang taga-pangulo ng Kesennuma Bayanihan Filipino Community o BKFC, bilang tagapagtanggol at tagapayo ng mga kababayan sa Miyagi na humaharap sa kagipitan at peligro para matulungan ang gipit na kababayan.

Higit sa lahat ay ang kahanga-hanga na sama-samang pagkilos ng mga kababayan nating single mothers kasama ang kanilang mga anak na Japanese-Filipino at ang mga Japanese lawyers na kabilang sa Citizen’s Network for Japanese-Children o CNJF. Ang mga ito ang umukit sa pagbabago ng hugis ng Saligang Batas ng Japan sa nasyonalidad para bigyan ng Japanese nationality ang mga anak na Japanese-Filipino na kinikilala ng ama na Japanese subalit hindi kasal sa dayuhang ina.

Noong Hunyo 4, 2008 ay nagpasya ang Korte Suprema ng Japan para ideklara na hindi naaayon sa Konstitusyon ng bansa kung hindi bibigyan ng Japanese nationality ang mga anak na Japanese-Filipino na kinikilala ng ama niyang Japanese subalit hindi kasal sa Nanay niyang dayuhan. Mahigit dalawang taon din na nakipaglaban ang mga Filipina single mothers mula sa pagsampa ng kaso sa district court hanggang umabot sa Korte Suprema para ipagwagi ang kapakanan ng kanilang mga anak at lahat ng mga batang Japanese-Filipino.

Kung ating iisipin ang mga ginagawa at nagawa ng mga kagaya nila Grace, Aurora, Sampaguita, Jeanne, mga Pilipina single mothers na matapang na nagsampa ng hinaing at pinaburan ng pamahalaan ng Japan, at ang lahat ng mga libo-libong mga Ina sa bansa ay isang tunay na selebrasyon ng buhay. Isinasalarawan ng mga Nanay ng bagong panahon ang makahulugang buhay bilang mga Ina na naninilbihan ng walang kabayaran para sa mga anak ng sambayanan.

Sa darating na pagdiriwang ng Mother’s Day, pahalagahan at ipagdiwang ang mga Ina na may makabuluhang layunin bilang mga nabubuhay na bayani at martir para sa mga anak, pamilya, komunidad at ng sambayanan ng Pilipinas at Japan.


Subway Sa Metro Manila

Ni Al Eugenio

Alam ninyo ba na ang Ikebukuro ay dating marumi at pinaninirahan ng mga homeless at mga bum? Ang dating train station  sa lugar na ito ay luma at maliit lamang. Kilala rin ang Ikebukuro bilang isang lugar kung saan madaling makahanap ng mga trabahong ayaw gawin ng pangkaraniwang mamamayan ng Japan. Mga trabahong  mabigat, marumi at delikado. Ang kikitain ay sa araw din iyon maaaring matanggap.   

Marahil, hindi naman lahat, ngunit marami sa mga manggagawang ito ay para bang wala ng pangarap para sa kanilang kinabukasan. Parang hindi nila iniisip na sila rin ay tatanda. Para sa kanila, ang hanap buhay na kanilang ginagawa ay para bang hindi na mawawala. Tuluy-tuloy lamang silang gumagalaw sa araw araw na para bang walang ikinakabahala. Kaya naman pagkatapos matanggap ang kinita sa araw na iyon ay agad nilang gugugulin ito sa pag-inom,  pagkain ng masarap at para na rin siguro tuluyang malimutan ang hirap at pagod ng kanilang ginagawa – sinusubukan ang kapalaran sa paglalaro ng  sugal tulad ng Pachinko.  

Lalo pang dumami ang mga hanapbuhay para sa mga manggagawang tulad nila nang baguhin ng Seibu Corporation ang anyo ng Ikebukuro. Nagtayo ng mga department stores sa ibabaw ng istasyon at tinawag itong Seibu at ang katabi naman nito ay may pangalan ngayong Parco.

Hindi nagtagal at nagsulputan pa ang iba’t ibang establisyimento tulad ng mga restaurant at coffee shops, tindahan ng damit, sapatos at mga sanglaan. Dumami rin ang mga hotels, snack bars at mga night clubs.

Mula sa Ikebukuro ay nabuhay ang Seibu Ikebukuro Line. Isinaayos ng Seibu Corporation ang daanan ng tren na nagdadala ng dumi mula sa mga palikuran ng buong siyudad ng Tokyo. Ang mga duming ito ay ginagamit bilang pataba sa mga taniman ng gulay sa bandang Nerima, Higashi Kurume patungong Tokorozawa. Natabunan daw kasi ng  kung anong mineral mula Mt. Fuji ang mga lugar na ito nang huling pumutok ang bulkan.

Ang pagpapatubo ng palay ay mistulang imposible. Ang pataba ay nakakatulong ngunit halos mga gulay lamang ang naitatanim. Sa panahon ngayon, ang kinikilalang pinakamasarap na daikon o labanos, ay ang mga tanim mula roon na ang tawag ay  Nerima Daikon.

Paisa isa ay nagtayo ng mga istasyon ng tren ang Seibu Corporation sa mga lugar na dinaraanan ng linyang ito. Ang bawat istasyon ay tinatayuan din nila ng mga pamilihan at department store. Tulad ng nangyari sa Ikebukuro ay maraming mga establisyimento ang nagsipagsunod. Halos hindi na napansin dahil sa mabilis na paglipas ng panahon, ang bawat istasyon ng Seibu Ikebukuro Line ngayon ay naging mas  maunlad na kumpara noon.

Ang ganitong pagbabago ay hindi lamang nangyari sa Seibu Ikebukuro Line. Maging ang mga kumpanya rin ng tren sa Osaka, Hiroshima at Fukuoka, ay ginamit ang pamamaraang tulad  nito. Habang nadadagdagan ang mga istasyon ng tren sa iba’t ibang lugar  ay  nagiging madali  rin para sa mga mamamayan at mga kalakal na makarating sa kani-kanilang dapat patunguhan. Ang tiyak sa oras ng pagdating ay laging maaasahan.

Nagkakaroon ng pagkakataon na maging maginhawa ang paghahanap buhay ng bawat mamamayan. Naiiwasan ang pagwawalang saysay sa maraming mga pinaghihirapang bagay. Ang  mga pinaghusayang mga pamamaraan na maiayos ang galaw ng lahat mula sa iba’t ibang  lugar ay naging malaking tulong upang umunlad ang buong bansa ng Japan.  

Sa atin sa Pilipinas ay dati ng may tumatakbong tren patungo sa malalayong lugar tulad ng Bicol at Pangasinan. Marahil kung magagawi kayo sa mga lugar na iyon ay makakakita pa kayo ng mga bakas o mga lumang riles ng dating dinaraanan ng mga tren.

Ano nga ba ang nangyari at nawala na ang mga tren na ito. Ano nga kaya ang mga dahilan at hindi na ito ipinagpatuloy. Naroroon na sana ang mga riles na patitibayin na lamang at daragdagan. Hindi ba mas matipid gumawa ng riles kesa sa mga daan? Hindi ba mas maraming tao at kalakal ang maisasakay dahil ang haba nito ay maaaring dagdagan? Hindi ba mas mabilis dahil sa walang mga signal lights at trapik sa mga dinaraanan? Maaaring makapagpaunlad pa sa bawat lugar o istasyon nitong titigilan.

Noong nakaraang buwan ay naaprubahan na ang paghuhukay ng gagawing subway train sa Metro Manila. Nakakasiguro tayo na bilyun-bilyong piso na naman ang gagamitin upang magawa ang proyektong ito. Kasabay rin nito ang mga bagong anomalya na siguradong  magiging problema na naman bago pa man siguro matapos ang proyekto.


Kung iisipin nating mabuti, gaano ba kalaking bahagi ng ating mga mamamayan ang makikinabang kapag natapos na ang subway na ito? Oo, ang marami sa mga naghahanap buhay sa  Metro Manila. Ngunit papaano naman ang mga kababayan nating nasa malalayong lugar? Matatagalan pa ba ang pagkakataong  maabot sila ng kaunlaran? 

Balat-sibuyas

Ni Rey Ian Corpuz

Noong nakaraang buwan ay kumalat sa Facebook, Twitter at iba pang social media sites ang samu’t saring reaksiyon ukol sa blog ng isang turista na Polish. Dito ay inihayag niya ang kanyang negatibong opinyon sa mga pagkaing Pilipino nang bumisita sa bansa.

Sumiklab ang damdamin ng mga Pilipino at tila dumami ang mga makabayan sa pagtatanggol at pagpapaliwanag na masarap ang pagkaing Pinoy. Kilala ang mga Pilipino sa pagtatanggol sa bayan kapag may negatibong opinyon ang mga banyaga hinggil sa bansa.

Unang una, bilang isang Polish na naninirahan sa bansang malamig tulad ng Poland, mataas ang standard nila sa pagkain. Tulad dito sa Japan, mahigpit ang panuntunan hinggil sa kalidad, kalinisan at nutrisyon ng pagkain. Hihimayin natin kung anu-ano ang mga katangian ng ating mga pagkain.

Mga negatibong aspeto ng ating pagkain:

1. Puro karne. Ang pagkaing Pilipino ay halos puro karne, mamantika at kaunti lang o ni walang sahog na gulay. Tama ba? Ito ang pinakanegatibong aspeto ng ating pagkain na kung ikukumpara mo sa ibang kultura ay malayung-malayo. Halimbawa, lechon, dinuguan, crispy pata, lechon liempo at manok at marami pang iba. Ang mga ito ay walang halong gulay at hitik na hitik sa mantika. Masarap dahil karne pero hindi katanggap-tanggap sa ibang kultura dahil nakakasama sa kalusugan.

2. Ang pangkaraniwang pagkaing Pilipino ay hindi presentable. Tama ba? Ang karaniwang pagkain sa ating hapag ay walang “sense of presentation.” Mula sa kaldero o kawali kapag ito ay inihain ay iyon na. Wala nang kung anu-anong garnish na gulay para maging kaaya-aya sa ating mga mata. Sa ibang kultura, ang presentasyon ay isang mahalagang bahagi ng pagkain. Dito sa Japan, kahit saang restaurant ka o-order ng pagkain o maging sa tahanan ay ginagawa itong kaaya-aya sa paningin ng customer.

3. Ang pagkaing Pilipino ay napaka--. Napaka? Ano iyon? Lahat ng lasa maliban sa malabnaw at maanghang ay pwede mong ilagay. Napakaalat, napakatamis, at napaka-oily. Tama ba? Halimbawa ng napakaalat: adobo dahil sa sobrang toyo, bagoong isda, bagoong alamang, daing (bulad sa Bisaya), tuyo,at  itlog  na maalat.

4. Ang pagkaing Pilipino ay hindi para sa mga mahihina ang sikmura. Tama? Unang una, bilang isang mainit na bansa iba ang kalidad ng ating mga sangkap. Ang tubig na ginagamit na pangluto ay minsan hindi kaaya-aya sa tiyan ng mga banyaga. Kaya kahit anong pakulo mo sa tubig o iyong pagkain mismo, nahihirapan pa rin na masikmura ng mga banyaga. Isa sa mga traditional na sangkap na ating ginagamit ay ang katas ng niyog o coconut milk. Hindi lang sa Pilipinas, kundi sa Thailand at Vietnam, ang coconut milk ay isa sa pangunahing sangkap sa mga tradisyonal na lutuin. Maraming mga banyaga tulad ng mga Hapon ay hindi kayang kainin ang mga pagkaing Pilipino na may coconut milk.

5. Ang pagkaing Pilipino ay hindi balanse. Tama? Kung karne, karne talaga at kaunti lang ang gulay. Kung gulay, gulay talaga at kaunti lang ang karne. Halimbawa sa gulay ay ang pinakbet (utan) at dinengdeng (lao-uy). Itong mga putaheng ito ay nag-uumapaw sa gulay pero ang karne ay kakaunti lang. Ang dalawang putahe na ito ay hinahaluan ng bagoong (isda at alamang) at patis na kung saan maalat ang lasa. Tama ba? May isa pa, karamihan sa atin inuulam ang pansit sa kanin. Tama ba? Puro carbohydrates iyon di ba? Kung ang Pilipinas ay hitik sa prutas at gulay, bakit walang matituturing na “standard” para sa salad? Maalala ko noon ang nanay ko parating naghahain ng atsara o pickled na manibalang na papaya. Kahit man lang saging o mga salad na gulay ay minsan kulang o wala.

Iba-iba ang katangian ng pagkain ng bawat bansa, mahal natin ang mga bagay na kakaiba sa atin, kung kaya’t nararapat lamang din na tanggapin natin kung anuman ang tingin ng mga banyaga sa uri ng pagkain natin positibo man o negatibo. Napakasarap ng pagkaing Pilipino dahil dito nasusukat ang ating kultura.

Huwag maging balat sibuyas. Kung tutuusin, hindi rin natin kayang sikmurahin ang pagkain ng ibang bansa. Ang naramdaman at opinyon ng Polish blogger ay kapareha lang ng magiging opinyon natin kung tayo ay pupunta sa bansang malayong-malayo sa ating kultura lalo na sa pagkain.

Dapat respetuhin natin kung anong meron ang bibisitahing bansa. Maging malawak sana ang ating pag-unawa na hindi lahat ng pagkain sa mundo ay pareha. Ang blogger na iyon ay isa lamang kaysa ikumpara mo sa mga international celebrities na gusto ang ating mga pagkain tulad ni Anthony Bourdain at marami pang iba. Ang Pilipinas ay may 7,107 na isla. Marahil kung napuntahan niya ang karamihan nito ay mag-iiba ang kanyang pananaw hinggil sa ating pagkain na kung saan ang bawat isla ay may ibang kultura ng pagkain.


Mas maraming OFWs pa ang kailangan ng Japan

Ni Elvie Okabe, DBA/MAE

Happy Easter (Pasko ng Pagkabuhay ni Hesus) mga kababayan! Ito ang aking pagbati sa bawat Pilipino ngayong Easter season na tatagal mula Abril 20 hanggang Hunyo 7 na dala ang bagong pag-asa.

Saktong-sakto ang mensahe ng Easter season dahil kamakailan lamang ay nagdesisyon si Japanese Prime Minister Shinzo Abe at ang Gabinete nito na magbukas ng pagkakataon sa marami pang dayuhang manggagawa na makapagtrabaho sa Japan. Nangangahulugan lamang ito ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino na magkaroon ng trabaho dito sa bansa na tinaguriang “Land of the Rising Sun.”

Naging batan sa desisyong ito ang tumatandang papulasyon ng Japan dahil sa pakaunti na ng pakaunti ang mga kabataang Hapon na ipinapanganak.  Sa kasalukuyan ay maraming mga Pinoy na factory workers, information technology (IT) professionals, English teachers, scholars, professors, nurses, at iba pa rito sa Japan.  Ang tatlong sektor na bubuksan at hinabaan pa ang working stay sa Japan ay ang construction, medicine, at agriculture.

Dati nang bukas ang Japan sa mga trainees sa construction, welding, at sa assembly ng car parts, ngunit hanggang trainees na lang sila hanggang matapos ang kani-kanilang kontrata ng tatlong taon.  Ang bagong batas ngayon para sa mga construction workers at iba pa ay simula tatlong taon hanggang walong taon na ang kontrata.

Salamat sa mga reklamo ng mga dayuhan dito at pagpupursigi ng mga abogadong Hapon sa Labor office ng Ministry of Justice & Immigration ng Japan na maitaas ang antas ng mga trainees bilang legitimate workers, pagtaas ng kanilang suweldo at pagpapahaba sa kanilang kontrata.

Inaasahang magkakaroon na naman ng construction boom this year hanggang 2020 dahil sa paghahanda sa World Olympics na gaganapin dito sa Tokyo, Japan.  Siyempre, kapag may construction boom magiging malago o lalong lalago ang ekonomiya ng Japan at lahat ng mga sectors ay susunod na rin gaya ng mga industriya ng tourism and hospitality, transportation, agriculture and food supplies, manufacturing, health providers, international education, at marami pang iba. 

Dahil sa lalo pang paglago ng ekonomiya ng Japan ay inaasahang tataas pa ang standard compensation o suweldo, ngunit ang kasunod naman nito ay ang pagtaas ng income tax, property tax, at value added tax ng mga bilihin. 

Marahil maiisip natin na oo nga at tumaas ang suweldo ngunit masakit din sa bulsa ang pagtaas ng tax.  Talagang ganyan ang buhay, hindi lang puro tanggap ng biyaya, dahil sabi nga sa Bibliya: “Magbigay ang bawa't isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso: huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka't iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya.”

At siyempre, isipin na lang natin ang mga biyayang nakalaan at matuto tayong ibalik ang pasasalamat sa mga biyaya una sa Diyos, sunod sa pamahalaan at sa mga mahihirap. Isipin po natin ang mga magagandang biyaya sa pagtatrabaho rito sa Japan gaya ng mataas na suweldo kumpara sa ‘Pinas, madaling makahanap ng trabaho, mura ang bayad sa ospital at dentista basta may health insurance, at higit sa lahat pwede tayong mag-refund ng ating sariling income tax o ng income tax ng ating asawa every five years na umaabot ng isang daang lapad depende sa suweldo. 

Mayroon po kaming libreng consultation para rito at iba pang consultation sa ibang problema para sa maayos at tamang pamumuhay dito sa Japan.  Tumawag lamang po sa aming opisina sa 08050089888.

Happy Easter pong muli at all glory to God forever!