Isa ang magandang aktres na si
Rhian Ramos sa mga parating handa na sumabak sa kakaibang papel sa loob at
labas ng showbusiness. Malakas ang loob at bukas sa mga bagong kaganapan na sa
tingin niya ay makakatulong sa paglago ng kanyang karera at personalidad, nagbubunga
ang pagiging “risk-taker” ng dalaga dahil dagsa ang proyekto sa kanya ngayon.
Matapos ang matagumpay niyang
serye na “My Destiny” kasama sina Tom Rodriguez at Carla Abellana, abala ang
24-taong-gulang na si Rhian sa pagganap bilang Jade sa primetime series ng
Kapuso network na “The Rich Man’s Daughter” na tungkol sa pag-iibigan ng
dalawang babae.
Kung gaano naging maingay at
makulay ang naturang serye, ganoon din ang pagpasok ni Rhian dito bilang
pangunahing tauhan. Ito ay dahil para sana kay Marian Rivera ang naturang papel
ngunit kinailangan nitong mag-backout dahil sa pagbubuntis sa unang anak kay
Dingdong Dantes.
Biglaan at wala man sa kanyang
plano, walang kagatol-gatol na tinanggap ni Rhian ang proyekto na isang
malaking hamon dahil ito ang unang beses na magkakaroon ng ganitong tema sa primetime
series ng GMA-7.
“Naisip ko, ‘Lord, may dahilan kung
bakit mo binibigay sa akin ito. Kaya kung anong blessing ito galing sa inyo,
tatanggapin ko’,” pag-amin ng dalaga hinggil sa pagtanggap niya ng bagong
proyekto na ito.
Aminado si Rhian na labis siyang
kinabahan dahil wala siya masyadong naging preparasyon sa ginagampanan papel at
sa magiging reaksiyon ng mga manonood sa kakaibang teleserye na ito. Umiinog ang
istorya sa papel ni Rhian na si Jade, na mula sa mayamang pamilya, na magkakagusto
sa isang babae sa katauhan ni Althea na ginagampanan naman ni Glaiza de Castro
na pagmumulan ng iba’t ibang kumplikasyon.
“Sobrang natakot ako sa magiging
reaksiyon ng mga tao kasi hindi ko talaga siya napaghandaan. Nalaman ko na ako
iyong papalit kay Marian two days before the taping day. Kinabahan talaga ako
kasi baka magkaroon ng comparison,” bulalas ni Rhian.
Nakahinga ito ng maluwag dahil
bukod sa suporta na nakuha niya sa cast and crew tulad nina Glaiza, Luis
Alandy, Katrina Halili, Chynna Ortaleza at Direk Dom Zapata ay positibo ang
naging reaksiyon ng mga manonood simula ng umere ito noong nakaraang buwan. Sa
katunayan ay mataas ang rating ng bawat episode at laging nagti-trending sa Twitter.
“Masaya kasi may approval na siya
ng fans. Mas may freedom na ako mag-explore sa character ko, sa bawat scenes
dahil kahit paano nawala ang worries ko,” ani Rhian sa kanyang papel na hindi
karaniwan sa mga ginagawa niya.
Ibang interes
Hindi lamang nakakahon sa showbiz
ang atensiyon ni Rhian. Kapag hindi abala sa shootings at tapings, makikita ang
dalaga sa racing track na nag-eensayo. Nito lamang Marso ay sumali si Rhian sa Toyota
Vios Cup kasama ang ilang celebrities tulad nina Derek Ramsay, Jasmine Curtis,
Kylie Padilla, at Phoemela Baranda.
“Sinubukan ko lang siya and
talagang nagustuhan ko na. When I’m racing, I feel so free and wala akong ibang
iniisip kundi iyon lang,” pahayag ni Rhian sa isang panayam hinggil sa kanyang
mapanganib na interes.
Bukod sa car racing, interes din
ni Rhian ang fashion at sa katunayan ay marunong itong mag-design at manahi. Isa
sa pinagtutuunan niya ng pansin bago mapasabak sa The Rich Man’s Daughter ay
ang pagtatayo ng website kung saan kanyang pagsasamahin ang mga local fashion
designers.
“Before I got the call for The
Rich Man’s Daughter I was working on a passion project: a website that features
the wonderful clothes we have in our backyard.
“I wasn’t expecting to get so
busy so quickly and this sudden switch forces me to put this project on hold
for a while. But it's coming. Because local talent needs to be discovered,
appreciated, and shared,” ani Rhian sa kanyang Intagram account.