Biyernes, Nobyembre 13, 2015

Lifehouse charms Manila fans for the third time

Ni Len Armea

Lifehouse band sa kanilang Manila concert
nitong Oktubre. (Kuha ni Jude Ng)
Ito na ang ikatlong beses na dumating sa bansa ang California rock band na Lifehouse ngunit patuloy pa rin ang suporta na natatanggap nila sa kanilang Pinoy fans dahil dinagsa pa rin ng mga ito ang kanilang concert, “Out of Wasteland” Tour na titulo ng kanilang bagong album.

Malakas na hiyawan at palakpan ang naging reaksiyon ng rock fans sa Mall of Asia Arena kamakailan nang lumabas sa stage ang mga miyembro ng Lifehouse na binubuo nina Jason Wade (vocalist), Rick Woolstenhulme Jr. (drummer), Bryce Soderberg (bassist) at ang bago nilang miyembro na si Steve Stout (guitarist).

Una nilang kinanta ang carrier single ng kanilang bagong album na “Hurricane” na sinundan ng “All In,” “Between the Raindrops,” “One for the Pain,” at “Stardust.” Kagagaling lamang ng banda na mag-concert sa ilang bansa sa Europa bago tumulak sa bansa.

“It's good to be back here. We tell our friends, the favorite place we go to play in the world is here in Manila,” ani Jason na ikinakilig ng mga fans.

Tinanong din ni Jason ang mga manonood kung sino sa kanila ang “old school Lifehouse fans” na halos lahat ay nagtaas ng kamay na naging hudyat para kantahin nila ang ilan sa mga old hits na nagbigay sa grupo ng international fame. Nakisabay ang mga fans sa pagkanta ni Jason ng kanilang mga lumang kanta gaya ng “Whatever it Takes,” “Sick Cycle Carousel,” “Halfway Gone,” “You and Me,” at “Broken.”

Huling kanta naman nila ang pinakapopular nilang kanta na “Hanging by a Moment” kung saan halos lahat ng fans ay nagtayuan at binigyan sila ng masigabong palakpakan pagkatapos.

Nagkaroon din ng acoustic set kung saan tinugtog ng banda ang “Everything,” “Spin,” at “Nerve “Damage.” Ilan pa sa kinanta nila ay ang “Runaways,” “First Time,” “Broken,” at “Flight.”

Pagkatapos ng kanilang concert ay ipinahayag ni Soderberg ang kanyang pagkamangha sa suportang ibinibigay sa kanila ng Filipino fans at nangakong muling babalik sa bansa para mag-concert.

“The Philippines... I’m speechless every time,” tweet ng bassist ng grupo. “That was one for the books,” dagdag pa niya.

Nakilala ang banda noong 2001 matapos na maging hit ang kanilang unang album na “No Name Face” at sa loob ng 16-taon ay nanatili sa paggawa ng musika na minahal ng kanilang mga taga-tangkilik.

Huwebes, Nobyembre 12, 2015

RnB Queen Kyla: ‘Flying High’ at 15

Ipinagdiriwang ng RnB Queen na si Kyla ang kanyang ika-15 anibersaryo sa music industry at magiging kulminasyon ng selebrasyon nito ang upcoming concert na pinamagatang “Flying High” na gaganapin sa Nobyembre 20 sa Kia Theater, Cubao. Inilabas din kamakailan ang limited edition 15th anniversary album na “My Very Best” mula sa PolyEast Records at mabibili na sa record bars at iTunes.

Inaabangan na ang pagkanta niya ng kanyang breakthrough hit na “Hanggang Ngayon” at bersyon niya ng “On The Wings of Love” na theme song ng Primetime Bida teleseryeng pinagbibidahan nina James Reid at Nadine Lustre sa Flying High concert. Ilan lamang sina Jay-R, Erik Santos, Angeline Quinto at KZ Tandingan sa mga guest performers niya.

Shift to ABS-CBN and Cornerstone

Pagkaraan ng 15 taon ay nananatili pa rin na matibay ang musika ni Kyla sa OPM at isa na sa mga nirerespetong singers ng bansa. Ngayon, siyam na studio albums na ang nailunsad niya, apat na compilation at 11 Awit Awards. Nakatrabaho rin niya sina Brian McKnight na nagsulat at featuring sa kantang “My Heart” mula sa “Journey” album, Ronan Keating, Blue, Keith Martin at Fralippo Lippi.

At sa kabila ng tagumpay niya sa karera, higit na mahalaga pa rin kay Kyla ang mas lumalaki pang dedikasyon at pagmamahal niya sa musika. Hindi rin napigilan ng singer na balikan ang mga panahong kumakanta siya sa lounge bars noong nasa kolehiyo siya. Aniya, noo’y jazz at standards ang mga kinakanta niya na malayo sa ginagawa niya ngayon.

Malaking pagbabago din ang paglipat ng singer sa ABS-CBN mula sa mahigit 10 taon niya sa GMA. Aniya, hindi naging madali ang desisyon ngunit para sa kanya ito na ang sagot sa kanyang dasal ng bagong tapang at direksyon, gayon din bilang bagong bahagi ng Cornerstone Entertainment na siyang nag-aasikaso na ng kanyang karera.

Ibinahagi ng singer ang sayang magtrabaho sa isang bagong kapaligiran kasama ang mga bagong kasama. Hindi rin niya naitago ang kagalakan at kaba na makakasama na niya ang mga idolo niya sa ASAP gaya na lang nila Gary Valenciano at Martin Nievera.

Kyla and her early years

Sa murang edad pa lang ay nakitaan na si Kyla ng malaking interes at talento sa pagkanta at musika dahil na rin sa pagkakalantad nito sa soul at jazz music collection ng kanyang mga magulang. Sampung taong gulang pa lang siya nang manalo sa DZRH “Hamon sa Kampeon.” Naging grand champion noong 1993 ang kanyang bersyon ng “I Am Changing” ni Jennifer Holiday.

Naging bahagi rin siya ng “That’s Entertainment” na afternoon variety show ng GMA nang madiskubre ng direktor na si Al Quinn at kinatawan ng bansa sa ikaapat na Yamaha Music Quest sa Japan noong 1995. Nagtapos din siya bilang third place sa ’97 Metropop Young Singers’ Competition. Sumali ulit ngunit hindi pinalad na mapasama ang “One More Try”  sa top 12 ngunit dito na siya napansin ng EMI Philippines.

At noong 2000 ay inilabas niya ang kanyang debut album na “Way to Your Heart.” Higit siyang nakilala sa second single na Hanggang Ngayon na nanalo ng MTV Viewers’ Choice Award (for Southeast Asia) sa 2001 MTV Video Music Awards at nagtakda sa kanya bilang kauna-unahang East Asian female artist na nagwagi sa MTV Video Music Awards. Tumanggap din siya ng dalawang tropeo sa MTV Pilipinas Awards, ang Best New Artist at Video of the Year.

Nakilala rin siya sa versatile qualities ng kanyang boses: airy/raspy singing voice, soulful RnB, paggamit niya ng vocal style na melisma, scat singing at vocal range ng mahigit sa 4 octaves.

Lunes, Nobyembre 9, 2015

Indie film tungkol sa mga OFWs sa Japan, pinuri sa Fukuoka

Ni Florenda Corpuz

(Mula kaliwa) Dumalo sina Boy Yniguez, Bernardo Bernardo,
Cynthia Luster, Lawrence Fajardo at Herlyn Alegre sa
Focus on Asia International Film Festival Fukuoka 2015 na ginanap kamakailan.
Kinilala ng mga organizers ng Focus on Asia International Film Festival Fukuoka 2015 at mga Hapon at dayuhang manonood ang husay ng pelikulang “Imbisibol” na tumatalakay sa buhay ng apat na Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Japan.

Dinaluhan ng direktor na si Lawrence Fajardo, producer na si Krisma Fajardo, screenwriter na si Herlyn Alegre, cinematographer na si Boy Yniguez, bidang aktor na si Bernardo Bernardo at Japanese actress na si Cynthia Luster ang opening ceremony ng prestihiyosong festival na ginanap sa Canal City Hakata kamakailan.

“It’s actually my first red carpet abroad so kakaiba, saka foreign language kaya nag-a-adjust ka. Maganda, very warm welcome. Kakaiba doon sa Toronto International Film Festival na hectic din. I look upon these two festivals, at mga susunod na mag-iimbita sa ‘Imbisibol’ na major blessing kasi it started as a one-act play, maswerte kami,” pahayag ng batikang aktor na si Bernardo Bernardo sa eksklusibong panayam ng Pinoy Gazette.

“Natutuwa ako na binibigyan pa ako ng pagkakataon na makadaupang-palad ang mga tumatangkilik. I’m praying for more opportunities to make people laugh, cry and share the Filipino journey. Mahal ko ang mga Pilipino abroad. Kayo ang ipinakikipaglaban ko hanggang ngayon. The last 12 years ko sa Amerika, ang ipinakikipaglaban ko talaga ay mga OFWs. Much neglected, but very important component ng ating lipunan sa Pilipinas,” dagdag na mensahe nito para sa kanyang mga kababayang tagasubaybay sa Japan.

Ibinahagi naman ng direktor na si Fajardo na pangatlong beses na niyang pagdalo ito sa festival.

Bigo man ang “Imbisibol” na maiuwi ang Audience Award na nakuha ng pelikulang “Little Big Master (Hong Kong-China), nakuha naman nito ang respeto at paghanga ng mga hurado at manonood mula sa Japan at iba pang bansa sa Asya.

Ang “Imbisibol” ay kinunan sa iba’t ibang lugar sa Japan kabilang ang Fukuoka sa tulong ng Fukuoka Film Commission. Pinagbibidahan din ito nina JM De Guzman, Allen Dizon, Ces Quesada at Ricky Davao.

Layon ng ika-25 edisyon ng Focus on Asia International Film Festival Fukuoka na ipakilala sa buong mundo ang mga dekalidad na pelikulang Asyano.



Lunes, Nobyembre 2, 2015

Alden, Ai-Ai, at Aicelle, pinasaya ang FilCom sa Tokyo show

Ni Florenda Corpuz


Pambansang Bae Alden Richards (Kuha ni Chino Manding Caddarao)
Tokyo, Japan – Dinumog ng libu-libong fans ang “Kapusong Pinoy Japan” concert nina Philippine Comedy Queen Ai Ai delas Alas, Rock and Soul Diva Aicelle Santos at Pambansang Bae Alden Richards na ginanap sa New Pier Hall noong Oktubre 11.

Ang palabas ay bahagi ng concert series para sa pagdiriwang ng ika-10 taong anibersaryo ng GMA Pinoy TV na tinawag na “Sampuso” na nagsimula noong Mayo sa Vancouver, Anaheim at New York.

Nakipagsayawan, nakipagkantahan, nakipagkulitan at nakipag-selfie sina Ai Ai, Aicelle at Alden na tinawag na “Triple A” sa kanilang mga tuwang-tuwang Pinoy fans na nagmula pa sa iba’t ibang lugar sa Japan.

Unang beses ni Alden sa Japan na excited na pumasyal sa iba’t ibang lugar tulad ng Roppongi kung saan siya kumain ng authentic ramen at Shibuya kung saan binisita niya ang estatwa ng asong si Hachiko.

Bago ang konsiyerto ay humarap muna ang tatlong Kapuso stars sa isang press conference na ginanap sa Karaoke Kan sa Ginza kung saan magiliw nilang sinagot ang mga katanungan mula sa miyembro ng Filipino media sa Japan.

Ikinuwento ni Alden sa mga miyembro ng press ang kanyang hangarin na sana’y magpatuloy pa ang kanilang tandem ni Yaya Dub o Maine Mendoza ng mas matagal.

“Sana po it will continue. Actually, we really can’t say kung hanggang kailan magiging magical ang ‘Aldub’ tandem, pero to everything that has come our way, for the past two months, we are very grateful, even si Maine, I’m sure ganoon din,” pahayag ng gwapong aktor.

“We really are so blessed dahil talagang overflowing ang support at nakukuhang recognition mula sa Pilipinas at iba pang bansa,” aniya.

Aminado rin ang aktor na nagiging emosyonal talaga siya tuwing kinakanta ang “God Gave Me You” ng American singer na si Bryan White at ibinahagi niya ang linya sa kanta na talagang tumitimo sa kanyang puso.

“‘And all that I’m worth is right before my eyes’. Iyan ang pinakapaboritong kong linya sa kanta,” pag-amin ni Alden.

Todo-suporta din ang mga ilang miyembro ng Aldub Japan Chapter kay Alden na dumalo sa press conference at concert. Nagbigay din sila ng mga regalo para sa aktor, kay Maine at Dabarkads.

Samantala, sa tanong ng Pinoy Gazette tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng child actor na si Jiro Manio na tinutulungan ni Ai Ai na makita ang ama nitong Hapon ay ibinahagi ng comedy queen ang magandang balita.

“Si Jiro, nandoon pa rin sa facility pero malapit na siyang lumabas and hopefully, ‘yung tumutulong sa amin, si Mr. Nakasawa, nakausap niya ‘yung father ni Jiro and hopefully rin, in God’s grace, sana madala ko rin siya rito sa Japan bago mag-Christmas para magkita sila ng father niya tapos iuuwi ko rin siya sa Pilipinas.”

“Sana, makapag-artista siya uli kasi sayang naman ‘yung talent ng bata kung hindi natin tutulungan. Marami siyang dudurugin na aktor kapag umayos uli si Jiro. Di ba napakagaling na bata? Kaya natin ‘to,” pahayag ni Ai Ai.

Sinabi rin ni Ai Ai na masaya siya sa kasalukuyang estado ng kanyang buhay pag-ibig at karera sa Kapuso network.

“Ako po talagang kuntento na ako and sabi nga, huwag kang magsasalita nang tapos pero ako I think, dito na ako sa GMA 7 forever kaya may forever.”
           

Ang Japan ang kauna-unahang bansa kung saan inilunsad ang GMA Pinoy TV sa pamamagitan ng broadcast carrier na IPS, Inc. taong 2005.

Ang kahalagahan ng ating kasaysayan

Ni Al Eugenio

Marami sa mga nakapanood ng pelikulang “Heneral Luna” ang nagtatanong kung bakit nakaupo lamang si Apolinario Mabini sa lahat ng kanyang eksena. Nakalulungkot na malaman na marami sa ating mga kababayan ang hindi sapat ang kaalaman tungkol sa ating nakaraan. Ang pagiging lumpo ni Apolinario Mabini, ang tinaguriang “Utak ng Himagsikan,” ay hindi nila alam. Marahil sa panahong ito ay marami rin sa ating mga kababayan ang hindi tunay na nakakikilala sa katauhan ni Jose Rizal.

Malaki talaga ang naibabahagi ng kahirapan sa paglalayo ng isang mamamayan sa mga pangkaraniwang kaalaman. Kailangan laging isipin ang mga pangunahing pangangailangan ng pang-araw-araw na pamumuhay. Halos wala ng panahon upang bigyan ng pansin ang mga kahalagahan ng maraming bagay. Sining? Kalusugan? Kaayusan? Kasaysayan? Ang panahong ibibigay ng isang taong pagod sa paghahanapbuhay ay marahil ay ipagpapahinga na lamang o gagamitin kaya upang makapaglibang.

Nagkataon lamang na isang uri ng paglilibang ang panonood ng pelikulang “Heneral Luna” kaya nabigyan ng pansin ang mga nabanggit na pangyayari na hindi alam ng maraming nakapanood na lumpo si Apolinario Mabini. Dahil dito ay marami ang nagtatanong kung ano na ang nangyari sa pamamaraan ng ating edukasyon.

Dapat kaya nating isisi sa mga paaralan kung bakit parang nawawala na ang kahalagahan ng ating kasaysayan sa mga pinag-aaralan? Nagkukulang kaya ang mga guro sa pagbibigay-diin na dapat malaman ng mga mag-aaral ang ating kasaysayan? Kung kailan pa naman na mas madali nang magsaliksik na hindi na kailangang bumili ng aklat o magpunta sa mga library.

Pangkaraniwan na kapag History ang pinag-aaralan, parang dapat ay laging natatandaan lamang ang mga petsa kung kailan naganap ang nasabing kaganapan at kung saan. Tulad halimbawa ng petsa ng “Unang Sigaw ng Himagsikan” at kung saan ito naganap.

Kung atin lamang bibigyan ang tanong na ito ng sagot na sa “Pugad Lawin” at noong Agosto 24, 1896, maaaring maging tama na sa test paper ang ganitong sagot.  Ngunit nararamdaman ba natin ang nararamdaman ng mga taong nagsagawa ng unang sigaw na ito? Nararamdaman ba natin ang mga kaba sa kanilang mga dibdib nang punitin nila ang kanilang mga sedula at nagpahayag na lalaban sila hanggang sa kanilang huling hininga?

Sa kabila ng kakulangan sa gamit na pandigma, mga itak at kaunting baril, agad silang nakipaglaban nang lusubin sila ng mga gwardiya sibil ng sumunod na araw at dalawa agad ang nasawi sa kanila. Mararamdaman kaya ito sa sagot na petsa at lugar sa mga pagsusulit?

Ang pagkakaroon ng kaalaman sa kasaysayan ay makatutulong na maisaayos ang pagsulong  ng ating pamumuhay. Ang kasaysayan ay mga nakaraang pangyayari at mga karanasan na naganap sa iba’t ibang uri ng pamumuhay. Maaaring ito ay kwento ng buhay ng isang tao o kasaysayan ng isang digmaan. Maaari rin kuwento ng kalamidad o kasaysayan ng isang pamahalaan.

Ang mga nakaraang kaganapang ganito ay makakapagbigay at makakapagturo sa atin ng mga kaalaman kung papaano natin haharapin ang mga bagong pangyayari na darating sa ating buhay. Isang halimbawa na lamang sa pagpili ng ating iboboto sa darating na halalan.

Dahil sa pagbabasa ng kasaysayan ay maaari nating malaman ang pagkatao ng isang kandidatong bago natin ito piliin upang makapaglingkod sa atin. Dahil din sa kaalaman sa kasaysayan ay mapapaghandaan natin ang mga bagay-bagay na maaaring kailanganin ng ating mga mahal sa buhay sa pagpapatuloy ng kanilang mga pangarap.

Dito sa Japan, laging pinapahalagahan ng mga mamamayan ang mga naganap sa kanilang kasaysayan. Tulad halimbawa ng mga nakaraang digmaan. Ang malalakas na bagyo, lindol, sunog at atomic bomb. Marami sa kanila ang nagkaroon ng mapapait na karanasan na hanggang ngayon sa marami, ang mga kasaysayang ganito ay hindi pa nabibigyan ng kasagutan.

Sa kabila ng mapapait na nakaraan ng Japan, marami rin namang magagandang bagay ang nakaukit sa kanilang kasaysayan. Tulad halimbawa ng mga karangalang natatamo ng kanilang mga kababayan. Marami man silang madidilim na kasaysayan, marami rin naman silang karangalan.

Sa Pilipinas ay parang hindi pinapahalagahan ang ating mga masasamang nakaraan, mga kasaysayan ng paulit-ulit na kawalang pagmamalasakit sa kapakanan ng mas nakararaming mamamayan. Paulit-ulit na maling pagpili sa mamumuno sa ating bayan. Matagal ng kasaysayan ng mahina o mapiling hustisya na para sa may mga salapi lamang. Ganito ang ating kasaysayan. Patuloy na pagmamaang-maangan o sadyang kamangmangan lang.

Ang bawat isa sa ating mga mamamayan ay may tungkulin na malaman ang ating kasaysayan. Ang tinatamasa nating kapayapaan ngayon ay bunga ng mga paghihirap at pagbubuwis ng buhay ng marami sa mga nauna nating mga kababayan. Nagkaroon sila ng mga adhikain na ang ating bayan ay dapat na maging malaya.


Marami sa kanila ang hindi na nakita ang kalayaang kanilang ipinaglaban. Kaya naman bilang isang paraan man lamang ng pasasalamat, ang pagbabalik-tanaw sa ating kasaysayan ay makapagbibigay sa atin ng kaalaman kung papaano ipinaglaban ng ating mga bayani ang tinatamasa natin ngayong kalayaan ng atin itong lubos na mapahalagahan.

Pagpapalawak sa responsibilidad ng mga sundalong Hapon

Ni Rey Ian Corpuz

Noong nakaraang buwan ay naging usap-usapan sa pahayagan at telebisyon dito sa Japan ang pag-apruba sa batas kung saan sa unang pagkakataon pagkaraan ng World War II ay maaaring sumabak sa giyera ang mga sundalong Hapon sa labas ng bansa. Sa tingin ng ibang Hapon, nakababahala ang pangyayaring ito dahil ayon sa kanila, maaaring malagay muli ang Japan sa banta at panganib ng giyera.

Ang “Right to Collective Self-defense” ay ang batas na kung saan pwedeng tulungan ng Japan ang mga bansang gigiyerahin ng ibang bansa. Kahit hindi mismo direktang inaatake ang Japan, tutulong pa rin ang Japan upang protektahan ang naturang bansa.

Ang batas rin na ito ay nagbibigay pahintulot sa Japan Self-defense Forces na magsagawa ng humanitarian missions sa labas ng Japan sa ilalim ng pangangasiwa ng United Nations gaya ng pagtatayo ng mga infrastructure tulad ng daan, eskuwelahan, at iba pa. Kabilang na rin dito ang pagpapatrolya sa mga ruta ng mga pangkalakal na barko na nagdadala ng langis at iba pa sa Gitnang Silangan upang protektahan ito laban sa mga naglipanang pirata.

Nakasaad din sa batas na ito ang pagbibigay ngipin at bangis sa mga sundalo nito na protektahan ang kanilang bansa lalo na kung may direktang atake ito mula sa mga kalapit na bansa tulad ng China at North Korea.

Isa sa mga makikinabang nito ay ang Pilipinas at ang mga bansa sa Timog-Silangang Asya na sa ngayon ay nanganganib sa pagiging agresibo ng China. Ang pagiging lampa ng ating bansa sa isyung militar ay isang dahilan kung bakit halos lahat ng Pilipino ay pabor sa batas na ito.

Magkakaroon ng Mutual Defense Pact ang bansang Pilipinas at Japan dahil sa batas na ito na kung saan magtutulungan ang isa’t isa sa aspetong militar. Sa ilalim ng kasunduang ito, pwedeng magpatrolya ang mga pandigmang barko ng Japan sa mga dalampasigan ng Pilipinas at pwede rin itong dumaong. Kapalit nito ay ang military exercises na pwedeng ibahagi ng Pilipinas sa Japan.

Ang mga sundalong Hapon pagkatapos ng World War II ay walang gaanong karanasan sa tunay na combat operations dahil ipinagbawal ito ng kanilang Konstitusyon. Sa pamamagitan nito, mas mapapalawak ng Pilipinas ang kanilang kaalaman sa aspetong teknikal dahil sa mga makabagong pandigmang sasakyan ng Japan at mapapalawak ng Japan ang kanilang “marksmanship” tulad ng jungle survival, assault at closed-quarter battle sa pamamagitan ng mga war exercises na matagal nang ginagawa ng Amerika at Pilipinas sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement.

Sa kasamaang palad, ang pag-apruba ng batas na ito ay nagkaroon ng negatibong pananaw sa karamihan ng ordinaryong Hapon. Maraming may ayaw dahil hindi nila nais na magkagiyera.

Mayroon silang punto pero kung ating iisipin ay nalalagay ang kanilang bansa sa panganib ng giyera laban sa China at dahil sa pagiging “dormant” o walang kibo ng Japan sa matagal na panahon, hinayaan ng mundo ang China na maging hari-harian at “bully” sa West China Sea.

Halos nawalan ng pangil ang Japan kaya’t kahit na ang mga ilegal na mangingisda ay hindi marendahan gaya ng pagwasak ng mga  ito sa mga coral reefs ng Ogasawara Peninsula dahil sa pagkuha ng mamahaling red corals upang ibenta ng milyun-milyong halaga sa China.

Dahil rin sa patuloy na pag-angkin ng China sa West Philippine Sea at paggawa ng reclamation sites ay maaaring mawalan ng trade route kinalaunan ang buong Asya dahil sa kasakiman ng China.

Paano na ang export-driven economy ng Japan na umaasa sa mga ruta ng barko patungo sa ibang bansa? Kapag ito ay naharang at ma-harass ng China ay siguradong masasaktan ang ekonomiya ng Japan. Paano na kung isang araw gigising ang mga Hapon na sinakop na pala sila ng China? Hindi ba dapat lagyan ng pangil ang kanilang JSDF?

Bago pa man mangyari ito ay dapat pro-active na ang mga Hapon. Ang pagiging walang kibo ng Japan sa pagkatagal na panahon ay ang isang dahilan kung bakit naging mas agresibo ang China. Kailangan ng Japan na tumayong “Big Brother” sa Asia-Pacific region. Sa pamamagitan nito, mapapanatili ang kapayapaan at balanse ng kapangyarihang militar sa Asya.


Ang ibang mga Hapon ay nag-aalala na baka raw mamatay sa bakbakan ang mga JSDF na sundalo. Panata nila iyon bilang isang sundalo at kung nagkataon man ay hindi sila mamamatay ng walang dahilan. 

Luluha ang mga buwaya sa likod ng ‘balikbayan boxes’

Ni Cesar Santoyo

Walang epekto ang pagkausap ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa Bureau of Customs (BOC) Commissioner Alberto Lina para itigil ang pagbubukas ng mga “balikbayan boxes.” Wala namang ngipin ang panukalang Balikbayan Law sa Senado na ang layunin ay itaas lamang ang tax exemption ng imported goods at walang patungkol kung paano pangangalagaan ang mga pinaghirapang laman ng mga ipinapadalang balikbayan boxes ng mga OFW para sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Makalipas ang buwan ng mga masalitang pag-astang aksyon ng Pangulo at mga Senador sa reklamo ng mga OFW at mga kamag-anak ay wala namang humpay sa social media ang mga personal na dokumentadong reklamo mula sa mga nagpadala at tumanggap ng balikbayan boxes. Makikita sa mga litratong ebidensya at ang mga kahon, ang isang halimbawa ay galing sa Fukuoka, na makikita sa electronic na larawan na parang hinalukay ng uwak na basurahan na ang itsura ng dumating ang mga kahon sa bahay ng pamilya.

Maging ang pakete ng EMS ay hindi nakakaligtas sa mga pagbubukas sa Post Office na madalas makikita ang reklamo ng mga nagpadala mula abroad at maging mga kamag-anak sa Pilipinas. Kung hindi nagkukulang ang laman ng ipinadala ang kasama sa reklamo naman ng kamag-anak na tumanggap ay ang sobrang taas ng tax na ipinataw na mas mahal pa sa halaga ng pagkabili ng produkto rito sa Japan.

Lalo pang lumalala ang usapin ng balikbayan boxes na hindi na lamang sa pagbubukas ng BOC kundi maging sa may mga bitbit kasabay sa biyahe. Sa isang balitang pang-telebisyon ay isiniwalat ang reklamo mula sa nagngangalan Mayden Castillo, isang Fil-Am na umuwi sa Pilipinas makalipas ang 10 taon. October 4, 2015 ng siya ay dumating sa NAIA at pagkakuha ng kanyang tatlong balikbayan boxes ay bukas at butas ang mga ito at nawawala ang mga mahahalagang laman.

Kaugnay ng mga maanomalyang nangyayari sa NAIA ay ang istorya ng isang kababayan na papuntang Japan, si Jennifer Delos Reyes, na hinarang ng airport personnel dahil ang bag daw niya ay may laman na bala ng baril na matinding itinanggi ni Jennifer. Iniuugnay ang balitang ito sa bantog na “laglag bala” modus operandi na kung saan ay maraming biktima ang lumantad sa media at inaakusahan ang ilang mga empleyado ng airport sa kasong pangingikil.

Kung papansinin, may pagtaas ng insidente ng pagrereklamo mula sa mga OFW at pamilya sa Pilipinas kaugnay ng mga pinapadalang balikbayan boxes at maging ang mga pakete ng EMS sa Post Office sa kasalukuyan.

Sa mga pasahero ng eroplano ay patuloy ang pagtaas ng reklamo ukol sa mga nawawalang bagahe sa NAIA maging ang pagdami ng lumalabas na balitang paninikil sa mga pasahero ng airport. Walang humpay na mga nakakalungkot at hindi kaaya-ayang mga balita kagaya ng mga paratang ng mga nagrereklamong nasangkot sa maanomalyang laglag bala. Dahil sa isyung ito, karamihan tuloy ng nasa abroad ay nag-aalala na baka sila naman ang matiyempuhan at maging isa sa susunod na magrereklamo dahil sa nawalang bagahe kagaya ng mga napabalita. O kaya, baka makitaan din na may bitbit na bala kahit sa Japan ay walang baril ang mga tao.

Sobra na at kasuklam-suklam ang pabigat sa isip at damdamin ng mga OFW dala ng mga maiinit na isyu sumasabog sa customs at airport. Ang munting mapagsasaluhan ng pagmamahal na kalakip ng bawat balikbayan boxes ay para bang may nakakatakot na pagdaraanan. Parang may peligrong pipitik o sasakmal sa pinaghirapang biniling bagay na ipapadala para sa pamilya na laman ng balikbayan o pakete ng EMS.

Dahil sa isyu ng mga balikbayan boxes at laglag bala gang ay halos wala ng masasabing ligtas na himpilan ang mga Filipino sa ibayong dagat. Komentaryo nga ng isang kababayan sa isang social network na “binabalot na ng takot, pagkainis at kawalang pasensya ang karamihan sa mga kababayan sa abroad na para bang dadaan palagi sa balwarte ng mga buwaya ang mga padalang gamit at sa pagsakay sa eroplano.”

Pero teka muna kabayan, mas mainam pa nga yata na maglakad sa kuta ng mga buwaya. Dahil ang mga hayop na ito ay tahimik at  hindi mapanganib na huwag mo lang bubulabugin para hindi sila mapilitan lumaban at magtanggol. Malaki ang naitutulong ng mga buwaya dahil sa ang mga balat nito ay nagbibigay ng trabaho sa marami sa paggawa ng mga sapatos, bags at iba pang yaring produkto.

Kung ang mga OFW man ay naghihinagpis, ito ay dahil sa mga inaakusahang “kawatan” sa tanggapan ng BOC, sa mga Post Office at mga personnel ng airport na sangkot sa reklamong pangingikil. Mas may halaga pa ang buhay ng mga buwaya kaysa sa mga akusadong kawatan dahil ang mga buwaya ay mas may silbi sa lipunan kahit pinagmamalupitan ng mga tao.


Tutulo talaga ang luha ng mga buwaya kung sakaling maunawaan nilang inihahanay sila sa mga “akusadong kawatan” sa customs at sa airport. Hindi papayag ang mga buwaya na kahit sila ay mga hayop ay hindi sila dapat ihalintulad sa mga taong walang silbi sa lipunan.

Kamalayan sa ating kapaligiran

Ni Elvie Okabe, DBA/MAE

Salamat sa Diyos at nakaraos din sa isang proyekto na para sa pag-aaral ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Tokyo, Saitama, at Chiba kamakailan. Ito ay ang “Reaching Out to the Periphery” seminars na isinagawa ni Jesuit Priest at Doctor in Ministry Fr. Nilo Tanalega, na marahil ay kilala na natin sa pangalan pa lamang dahil ilang beses na siyang na-quote ng inyong lingkod sa aking mga artikulo, at ni Doctor in Psychiatry at Consultant sa Makati Medical Center sa ‘Pinas na si Dr. Liza Rondain. 

Ito po ay isang charity o apostolate (hindi po business dahil donation lang po ang ibinigay ng mga participants at ng mga sponsors) upang ibalik sa Diyos ang Kanyang mga biyaya sa atin sa pamamagitan ng paglago sa ating sarili at pagbabahagi ng ating sariling paglago sa iba. Ang goal po ng proyekto na ito ay upang mapagtanto o maintindihan natin ang ating sarili at ang bawat tao kung bakit may pattern ang ating pag-iisip at pagkilos, at paano mababago sa tamang panahon.  

Ang pagkakaiba sa ating nakalakihang kapaligiran, mga pangyayari sa buhay ng bawat tao, at paraan ng pagpapalaki ng ating mga magulang ang elemento na bumubuo ng ating pagkatao. Alam man natin o hindi ang mga pinagdaanan ng ibang tao dapat ay matuto tayong umunawa sa iba gaya ng pag-unawa natin sa ating sarili. Ito ay tinatawag na “empathy” o paglagay sa sarili sa kalagayan ng iba. Upang makaunawa sa ibang tao, ang dapat itanong sa sarili bago manghusga ay, “kung ako ang nasa kalagayan niya, maaapektuhan ba ako?

Sa katunayan, ayon kay Erik Erickson, German-born American developmental psychologist and psychoanalyst, kailangan maranasan, maunawaan, matanggap at kayang dalhin ng bawat tao mula pagkasilang hanggang katandaan ang mga maganda at kahit hindi man magandang pangyayari sa buhay upang maging mature sa tamang edad ang isang tao. 

Dahil kung hindi maunawaan, ‘di matanggap, at ‘di kayang dalhin ng isang tao ang bawat estado ng kanyang paglaki o pagtanda ay nagbabadya ng ‘di angkop na pag-uugali sa kanyang edad. 
Sa pagsasalaysay ni Dra. Rondain ng pagkatao ng isang tao ay ginamit niya ang mga sumusunod na walong “Stages of Human Development” ni Erik Erickson with both extremes in every stage:  

1. Basic trust vs. basic mistrust (0-1 year old) — kailangang maipadama ng magulang o tagapag-alaga ng bata ang tamang pagpapakita ng tiwala at pag-aruga sa bata upang magkaroon din siya ng tiwala sa iba at pag-asa sa buhay anuman ang mangyari sa kanyang paglaki;

2. Autonomy vs. Shame (1-3 years old) — kailangang maipakita ng magulang o tagapag-alaga ng bata ang mga paggawa na ayon sa kakayanan at kaligtasan ng bata at hindi dapat pigilan ang bata bagkus ay gabayan at turuan kung ano ang tamang paraan ng paggawa hanggang sa kayang gawin mag-isa gaya ng pagkain mag-isa gamit ang kutsara at tinidor, paghawak sa sariling milk bottle, pagligpit ng mga laruang ikinalat;

3. Purpose, Initiative vs. Guilt (3-6 years old) — training the child how to read and write, do some simple household chores, errands. Ito upang ang bata ay magkaroon ng magandang pananaw sa buhay na may kaya siyang gawin at nakakatulong sa iba;

4. Competence, Industry vs. Inferiority (6-11 years old) — training the child how to do his best at home, school, or any field upang hindi magkaroon ng inferiority complex;

5. Fidelity, Identity vs. Role Confusion (12-18 years old/adolescent) — training  the child how to express his views or opinions while at the same time respecting other’s opinions, and knowing one’s role as a child respecting authority like parents, teachers, etc.;

6. Intimacy vs. Isolation (18-35 years old/first stage of adulthood) — having a closely knit and loving members of a family will encourage children to love to go home early, or they will get married at the right mature age and will have the same closely knit and loving members of their own family, dahil kung  hindi po ay maghahanap ang bata ng kabarkada o kakaibiganin niya sa labas ng pamamahay niya; 

7. Generativity vs. Stagnation (35-64 years old/second of adulthood) — a successful adult in this stage feels a sense of purpose and accomplishment and usefulness in any of the following:  raising children, chosen career, or volunteer activities; 

8. Wisdom, Integrity vs. Despair (65 years old & over) — if understood by the person, there is acceptance and detachment of what has happened in the past, whether successful or not, and readiness to face inevitable death, otherwise there will be despair o pagkadismaya sa kanyang buhay.

Iyan po ang mga dapat na tandaan natin upang maintindihan natin kung paano ang responsible parenting at gabay sa pakikisama sa iba upang ganap na maunawaan na sa bawat pagkatao o pag-uugali ng isang tao ay may dahilan.  

It’s either we will be inspired by others, or we have to learn a lesson from them, so that good or bad experience will make us a better person in the end, without necessarily judging or discriminating others. 

Ang sabi nga po ni Fr. Nilo minsan sa inyong lingkod, na ayaw kong kalimutan upang maintindihan ko ang aking sarili at ang iba, “now we understand a little.” In addition, I always remind myself this: not that I know but that I understand only a little compared to God, who is all knowing, and therefore understands everything, and is the source of everything good.”

Filipino art sa Fukuoka Asian Art Museum


Ni Florenda Corpuz

“Juan Luna’s Blood Compact” by Vicente Manansala
Isa ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na may mayamang kultura na makikita sa kasaysayan, musika, sayaw, sining at panitikan nito. Ito ay bahagi ng buhay ng bawat Pilipino kaya naman hindi iilan ang kinilala ang husay at galing sa kanilang mga obra tulad na lamang ng mga alagad ng sining na sina Carlos V. Francisco, Vicente Manansala at Robert Feleo. Ang ilan sa kanilang mga likha ay matatagpuan sa Fukuoka Asian Art Museum (FAAM).

Ang FAAM ay matatagpuan sa Fukuoka City, ang kapital ng Fukuoka Prefecture sa hilagang bahagi ng Kyushu, ang pangatlo sa pinakamalaking isla sa buong Japan. Ito ay nagbukas noong 1999 bilang bahagi ng progressive strategy ng lungsod para sa interaksyon sa iba’t ibang kultura sa Asya.

Ang FAAM ang nag-iisang museo sa buong mundo na sistematikong nangongolekta at nagpapakita ng Asian modern at contemporary art.

Ilan sa mga Filipino art na naka-exhibit dito ay ang “Progress Through Education” ng National Artist in Painting na si Carlos V. Francisco o mas kilala sa tawag na “Botong.” Ito ay kanyang nilikha noong 1964 bilang mural para sa isang Manila textbook publishing firm. Ipinapakita rito ang pagdating at paglaganap ng edukasyon sa Pilipinas, mula sa pag-impluwensiya ng Katolisismo sa bansa sa pamamagitan ng mga Kastila hanggang sa pagdating ng mga Amerikano, pati na rin ang kahalagahan nito.

Nilikha naman ni Vicente Manansala ang “Juan Luna’s Blood Compact” noong 1962 bilang tribute sa obra ni Luna na “Blood Compact” na tumutukoy sa sumpaan na isinagawa noong ika-16 na siglo sa pagitan ng Spanish conqueror na si Miguel López de Legazpi at Bohol chieftain na si Datu Sikatuna.

Si Manansala ay miyembro ng “13 Moderns” isang mahalagang modern art group sa Pilipinas at idineklarang National Artist in Painting noong 1981.

Ang makulay na “Mga Manliligaw ni Narda” ay nilikha naman ni Roberto Feleo noong 1987. Ipinapakita rito ang dalawang lalake, isang cowboy (two-faced Morion na ang pinagmulan ay bansang Mexico) at isang Pilipino na nagngangalang Ding ang nag-aalok ng kasal sa isang babae na nagngangalang Narda, (heroine on Filipino comics). Ang dalawang manliligaw ay simbolo ng Western culture habang si Narda naman ay Filipino spirit. Sa obra ay mapapansin na mas maliit si Ding kesa sa cowboy dahil nais ipakita ng maylikha ang kolonyal na pag-iisip o pagtangkilik sa kultura at produkto ng mga dayuhan habang minamaliit ang gawang Pilipino.

Maaaring sadyain ang Fukuoka Asian Art Museum sa ika-pito at ika-walong palapag ng Riverrain Center Building, 3-1 Shimokawabata-machi, Hakata-ku, Fukuoka City para sa iba pang Filipino art na nakahanap ng “tahanan” sa dayuhang lupain.