Lunes, Mayo 8, 2017

Napapagod ka na ba sa pagtatrabaho?

Ni MJ Gonzales


Kung tutuusin ay  malaking bahagi ng  ating panahon ang ginugugol natin sa ating kabuhayan. May ilan pa nga na halos sa isang buong linggo ay walang palya sa pagtatrabaho. Kahit na ito  ay may bayad, ang overtime ay nangangahulugan pa rin ng labis-labis na pagtatrabaho at ito ay may kapalit na malaki. 

Ang kalusugan mo.  Alam natin na ang pag-aabuso sa  katawan ay dahilan ng pagkakasakit. Kung palagi kang puyat, hindi nakakain nang maayos, at stressed sa trabaho ay kalusugan ang isinasangkalan mo kapalit ng pera. Subalit, kung titimbangin ay hindi lahat ng sakit ay isang gastusan lamang na bagay. Kung malala pa ito ay magtatagal ang gastusan na hindi  lamang sa uubos ng iyong ipon  at  posible pang magpalubog sa iyo sa  utang.

Ang oras mo. Ang paglalaan din ng sobrang oras  sa trabaho ay pakikipagpalit mo ng panahon para sa maraming  pagkakataon na sana ay para sa iyong sarili, pamilya, kaibigan at ibang bagay. Katunayan ay maraming pangarap ang naibabaon na lang sa limot  hanggang maging dahilan ng frustration at pagsisisi  pagdating ng panahon.

Sa librong “The Top Five Regrets of the Dying” na  isinulat ng Australian nurse na si Bronnie Ware, ibinahagi niya na ang labis na pagtatrabaho ay isa pinakapinagsisisihan  ng mga taong inalagaan niya na malapit nang mamatay.  Dagdag pa niya na karamihan sa mga lalaking pasyente ay nagsabing nagsisisi sila na wala silang naging panahon para sa kanilang mga anak at mga asawa.

“By simplifying your lifestyle and making conscious choices along the way, it is possible to not need the income that you think you do. And by creating more space in your life, you become happier and more open to new opportunities, ones more suited to your new lifestyle,” payo pa  ni Ware.

Kaya naman hindi sasapat na nagtatrabaho ka lamang para kumita sa ngayon. Kung  napapagod ka na sa pagtatrabaho ay mas lalong dapat maging marunong ka sa  pamamahala ng iyong oras at matalino sa paghawak  ng pera.

Ito ay upang  dahan-dahan ay makawala ka sa sitwasyon na nagpapakapagod ka sa trabaho para magkapera, bagkus ay darating ang punto na may pantustos ka sa iyong mga pangangailangan. Isa pa’y kung alam mong hindi ka muna kailangan magpakapagod sa trabaho para kumita ay magiging malaya ka na sundin ang iyong ibig at magkaroon nang maraming oras para sa iyong mga mahal sa buhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento