Ni Hoshi Lawrence
Ikaw man ang direktang humahawak
o may katuwang sa pamamahala ng iyong negosyo, mahalaga ang ambag mo para sa promosyon
nito. Ang “marketing” at “advertising” ay hindi lamang para sa malalaking kumpanya
kundi para rin sa maliliit na negosyo. Kailangan na kailangan pa nga lalo kung
matindi ang kumpetisyon, matumal ang benta, at sadyain ang puwesto ng isang
negosyo.
Iba’t
ibang istratehiya sa marketing
Dati pa naman ay marami nang
paraan para sa promosyon na maituturing na ngang tradisyonal na pagpapatalastas. Subalit sa pagpasok ng makabagong teknolohiya
at internet ay nadagdagan pa ang puwedeng pagpilian. Anu-ano pa nga ba ang
sikat na pamamaraan ng pagma-market ng produkto ngayon?
- Social Media Marketing
Ito ay ang
paggamit ng social media sites para maipaalam sa iyong kakilala ang iyong
produkto o serbisyo. Sa Facebook, kung mapapansin ay mayroon nang mga group
pages para sa mga posts na may kinalaman sa business o kaya naman ay mayroon na
mismong fan pages ang mga kumpanya.
Kung hindi ka pa
maalam sa malalalim na paraan ay huwag
kang mag-alala. Ang simpleng pag-update lamang sa iyong status, pag-share ng
picture ng iyong produkto, at pakikipag-chat sa iyong kakilala ay mainam nang paraan
na agad kang makapagbigay ng promosyon.
- Content Marketing
Nakabasa ka na
ba ng website na kung tawagin ay blog? Kung ikaw mismo ay isang blogger ay
bentahe mo na makapag-promote ng iyong
produkto rito. Hindi naman ito nalalayo sa social media marketing, bagkus ay magkaugnay
ito. Ang content marketing nga lang ay mas malawak at ginagamitan ng iba pang
istratehiya.
Ang isang
halimbawa nito ay paggamit ng mga platform
na kagaya ng Wordpress, Blogspot, at iba pang kahalintulad na websites na mas
maraming impormasyon na pwdeng mailagay. Samantala, ang vlogging o ang pagpa-publish
ng sariling videos sa site na gaya ng Youtube ang isang halimbawa rin ng
content marketing.
- Traditional flyers
Hanggang ngayon ay
nagagamit at may dating pa rin ang pamimigay ng flyers, brochure o
simpleng papel na may laman ng iyong patalastas. Kung halimbawa nasa Pilipinas ang
iyong negosyo, pwede mo pa rin itong gawin kahit narito ka sa Japan. Bagay ito
lalo na kung nasa industriya ka travel and tours, remittance o courier service.
Ano
ang pinkamurang klase ng pagpapapatalastas?
Siyempre maliban sa mga nabanggit
sa taas ay nariyan pa rin ang pagpapatalastas sa telebisyon, radyo, at
billboard. Bagaman may kamahalan ang mga ito ay mas sikat at malawak pa rin ang
naabot ng iyong advertisement.
Subalit, alam mo ba na may
epektibo pang paraan ng promosyon na hindi mo na gagamitan ng teknolohiya o
anumang kagamitan at mura? Ito ay ang “word of mouth” na napaka-epektibo kung
magagawa mo nang tama at tuluy-tuloy.
Ito ang pinakasiguradong klase ng advertising lalo na kung ang ibang tao
na mismo ang nagrerekomenda at nagbibigay ng papuri o “testimonial” sa iyo.
Kung bago ka pa lamang at gusto
mo na swabe na mai-promote ang iyong negosyo ay maiging matutuhan mo kung ano
ang “elevator pitch” at “sales pitch.”
Ang sales pitch ay gaya ng
napapakinggan mo sa mga salesman. Kailangan
kilala mo iyong produkto para maipaliwanag mo ang bentahe nito sa iyong
posibleng kliyente at para kung may tanong pa ay masasagot mo sila. Ang sales pitch ay hindi namimili ng lugar
kundi nasa tamang pagkakataon, sitwasyon, at tamang tao na iyong pag-uukulan.
Samantala, ang elavator pitch
naman ay ang pinaiksing version ng sales pitch at mas casual ang dating. Kaya ito tinawag na elevator pitch ay dahil
halos dapat kasing bilis lamang ng travel time sa elevator ang iyong pagsasalita. Ika nga ay dapat naibigay mo ang
impormasyon sa loob ng 20-60 segundo.
Ang elevator pitch ay magandang
maensayo para maging epektibo, madaling gawin at normal lamang ang dating kapag
iyong binibitawan sa sinumang iyong nais sabihan. Hindi mo alam baka sa maiksi mong pagbabahagi
ng iyong negosyo ay makakuha ka nang malalaking kliyente sa iyong negosyo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento