Miyerkules, Mayo 10, 2017

Maniwaya Island: The dolphin-shaped gem in the heart of the Philippines



Tuwing sumasapit ang Semana Santa, unang naiisip ng marami ang dinudumog na Moriones Festival kung saan kilala ang isla ng Marinduque o ang “Lenten Mecca of Southern Tagalog,” ang pinakamaliit na probinsiyang hugis puso na matatagpuan sa rehiyon. Binubuo ito ng anim na munisipalidad – ang Boac, Buenavista, Gasan, Mogpog, Santa Cruz, at Torrijos. Ngunit may tinatago rin palang natural na yaman ang isla na matatagpuan sa Santa Cruz at ito ang Maniwaya Island.

Aniya, nagmula ang pangalan ng isla mula sa salitang Filipino na maniwala. Nabuo ang salitang maniwaya mula sa kwento ng isang dayo na may speech impairment ayon sa mga taga-rito. Nang pumunta siya sa isla at tanungin ng mga residente sa pananaw nito sa isla, sinabi niyang, “Maganda. Maniwaya kayo sa akin.”

May lawak itong 264 ektarya at binubuo ng may 1,900 na residente na pangunahing pangkabuhayan ang pangingisda.

Off the path paradise

Ngayong summer, mas mabuting dito pumunta kaysa ang mga nakasanayan at commercialized nang destinasyon na Boracay at Puerto Galera. Kung naghahanap din lang ng summer experience na ‘di kalayuan sa Maynila at iyong tunay na makapagbibigay ng relaxation, siguradong ang maaliwalas na kapaligiran gayon din ang mga magiliw na mga Marinduqueños at napakalinaw na tubig ang makakatanggal sa anumang pang-araw-araw na stress mula sa siyudad.

Higit dito, ang pagbisita sa Maniwaya ay makatutulong sa mga kababayan nating mangingisda na magkaroon ng dagdag na kita sa kanilang kabuhayan bilang mga boatmen at guides ng mga turista.

Dagdag pa ni Clarence Pernia, isang resort owner, “The island presents a great potential to the province’s tourism industry.”

Freedom and enlightenment  

Isa sa pangunahing atraksyon dito ang isang ektaryang Palad sandbar kung saan pwedeng maglakad-lakad at damhin ang pinong white sands ng isla. Makikita lang ang sandbar kapag lowtide mula 6am- 8am o 3pm- 6pm ngunit nakamamanghang pagmasdan ang nagbabago nitong hugis depende sa daloy ng tubig-dagat at ng hangin.

Kung thrill-seeker at marunong lumangoy, magandang gayahin ang mga batang residente na umaakyat sa nagtataasang Ungab Rock Formation saka magda-dive mula rito. Matatagpuan ito sa Mongpong Island na ‘di kalayuan mula sa Maniwaya na may white sand beach din ngunit hindi kasing lalim ng Maniwaya.

‘Wag din palampasin ang mag-snorkeling para magalugad ang kaila-ilaliman ng dagat. Nariyan din naman ang iba pang water activities gaya ng camping, paddle boarding, jet skiing, banana boating at kayaking.

Para pumunta, sumakay ng JAC Liner biyaheng Marinduque, bumaba sa Sta. Cruz, mag-jeep papuntang Buyabod Port  at sumakay ng bangka patungo sa Maniwaya. Pwede rin ang JAC o JAM Liner na biyaheng Lucena Grand Terminal, mula rito ay sumakay ng van na pa-General Luna Port saka mag-arkila ng bangka na diretso na sa Maniwaya. Maaari rin mag-air transfer via Air Juan Seaplane na diretsong Marinduque Domestic Airport.

Ilan lamang ang Aloa Tree House Resort, Wowie’s Resort, Residencia de Palo Maria, Playa Amara, at Marikit-Na Beach House sa mga accommodations na mapagpipilian na swak sa inyong budget.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento