Lunes, Mayo 8, 2017

Invest in a disaster-proof property

Ni MJ Gonzales


Kamakailan lamang ay magkasunod ang pagyanig na naganap sa Batangas, magnitude 5.5 sa Bagalangit at 5.9 sa Tanauan at Talaga.   Naramdaman din ito sa ilang bahagi ng Metro Manila at kahit mahihina pa lamang ay hindi maialis ang pangamba na baka malapit na ang “Big One” earthquake.

Matatandaan na ayon kay Renato Solidum Jr., director ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PhilVolcs), na isa itong malakas na lindol na posibleng maganap sa ‘di malayong  hinaharap  at aabot sa 7.2 magnitude.

Kung magaganap  ang 7.2 magnitude na  ito ay tatama sa ilang lungsod sa Metro  Manila dahil nandito ang West Valley Fault. Bahagi ng 100-kilometrong bagtasin nito ang ilang bahagi ng Quezon City, Marikina, Pasig, Taguig at Muntinlupa. Kasama rin dito ang San Pedro, BiƱan, Sta. Rosa, Cabuyao at Calamba sa Laguna; Carmona, General Mariano Alvarez at Silang sa Cavite; at ilang bahagi ng Bulacan.

Disaster preparedness: Earthquake-proof   

Bunsod nito ay kailangan na kailangan na maging mapanuri kung saan ka  bibili ng iyong real estate property.  Kung hindi maiiwasan na sa mga lugar na nabanggit ka kukuha ng ari-arian dapat ay mas lalo kang maging maingat kung kanino mo ipagkakatiwala ang iyong pera, at kaligtasan.  

Tunay na marami ang nagbebenta nang magagandang itsura ng condo o house unit pero mapipili pa rin ang nagbibigay ng ligtas na tirahan. Kaya naman kilalanin maigi kung alin kumpanya ang walang  isyu sa konstruksyon at magaling sa pagpili ng lugar na pagtatayuan ng kanilang mga proyekto.

Kung maganda na may mahusay na arkitektura ay dapat pahalagahan din ang civil engineering at kapaligiran ng iyong posibleng magiging bahay. Condo unit o house and lot man sa isang subdivision, mahalaga na alamin kung “earthquake-proof” ang konstruksyon na kakayanin kahit pa ang isang 9 magnitude lakas na lindol. Paano nga ba malalaman ito?

Sa inilabas na pagsusuri ng Philvolcs at Japan International Cooperation Agency (JICA) ang  bahay o gusali na itinayo pagkatapos ng 1992 ay mas matibay  at handa sa lindol. Ito ay dahil nakasunod dapat ang development sa “National Building Code and Structural Code of the Philippines” bago aprubahan. 

Dagdag pa rito na mainam na isang mahusay na civil engineer at architect ang namahala sa  pagtayo ng bahay kaysa simpleng  karpintero lamang dahil sumusunod sila sa building code  at structural code.   Mas mainam din umano ang itinayo sa mabato o matibay na lupa, regular na pahabang hugis kaysa iregular, at konstruksyon ng bahay ay may 10 mm taba na steel bars na 40 sentimetro ang pagitan lamang sa isa’t isa.

Sa kasawiang palad ay may ibang establishment o gusali na hindi sumusunod sa kahit pa sa simpleng alituntunin ng city government pagdating sa building, fire at location safety measures. Ang iba ay walang maayos na exit points na importante lalo na kapag may lindol at sunog.    

Disaster Preparedness: Flashflood prone?

 Bago pa man ang lindol ang matagal na rin problema sa Kamaynilan ang baha lalo na’t laging binabagyo ang Pilipinas. May mga pagkakataon pa nga na sa mga nakalipas na taon ay kahit maulan lamang ay tumataas na ang tubig.  Gayon din sa tuwing aapaw ang Angat Dam at magpapakawala ng tubig ay maraming bahagi ng Bulacan ang nalulubog sa baha. Kaya naman dapat na maging salik din sa pagpili ng bahay ay kung saan hindi bahain at matibay ang pundasyon laban sa landslide. 

Bunsod nito ay dapat na malaman din ng bibili kung mayroong “environmental clearance certificate” ang developer sa kanilang housing at infrastructure project. Ang nagsasagawa nito ay ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento